Dahil umabot na sa pandemic level o sa buong mundo ang paglaganap ng COVID-19, nasa mahigit 200 mga vaccine na para rito ang dine-develop. Tinatayang nasa 52 pa lang sa mga ito ang nasa human trials phase na.
Ito ay dahil hindi lahat ng vaccines ay nakakalagpas sa lab tests na ginagawa sa mga hayop. Sa mga umaabot naman sa clinical trials, nasa isa sa lima lang ang nakakapasa. Hindi pare-pareho ang uri ng vaccines na pinagtatrabahuhan ng scientists sa iba’t ibang bansa para mas malaki ang tsansa na makagawa ng epektibong bakuna.
May ilang mga bansa namanang nagsimula ng maglunsad ng malawakang vaccination para sa mga mamamayan nito. Kabilang na rito ang United States. Sa ngayon, dalawang COVID-19 vaccines pa lang ang aprubado, authorized, at inirerekomenda ng World Health Organization: ang mga bakunang gawa ng Pfizer at Moderna.
Ang vaccines ay maaaring galing sa buong virus o bacterium, o kaya naman ay sa parte lamang nito na naghuhudyat sa immune system para umatake. Pwede ring gamitin ang genetic material nito.
Tingnan natin ang iba’t ibang uri ng vaccines base sa pagkakadisenyo sa kanila ng mga eksperto:
- Whole-microbe vaccine – Mayroon itong tatlong uri:
- Inactivated vaccine – Gaya ng polio at flu vaccines, ginagamitan ito ng technology para gawing inactive ang virus o bacterium sa pamamagitan ng heat o radiation. Nangangailangan din ito ng kakaibang laboratory facilities para makapagpalaki ng virus o bacterium nang maayos, kaya naman matagal ito baka ma-produce. Kadalasan din ay dalawa hanggang tatlong doses ang kailangan maibakuna kung inactivated vaccine ang gagamitin.
- Live-attenuated vaccine – Katulad naman ng measles, mumps, and rubella (MMR) at chickenpox vaccine, ginagamitan ito ng pinahinang version ng virus. Hindi ito inirerekomenda para sa mga pasyenteng may compromised immune system.
- Viral vector vaccine - Kumukuha lang ng protein mula as virus para bumuo ng ganitong bakuna. Kapag nasa katawan na, ang protein na ito ang nagtatawag ng immune response nang hindi nagkakasakit ang binakunahan. Ito rin ang isa sa uri ng vaccine na pinakamabilis i-develop.
- Subunit vaccine – Mula sa pangalan nito, kumukuha lang ng parte ng virus o bacterium para gawin ang ganitong bakuna. Ang subunit (maaaring protein o sugar) na kailangan ay ang madaling mapuna ng immune system para makapagsagawa ng depensa laban dito. Marami sa mga bakunang kailangan ng mga bata ang ilan pa sa halimbawa nito.
- Nucleic acid vaccine - Gaya ng ginawa ng Pfizer at Moderna sa kanilang mRNA COVID 19 vaccine, kinuha ang genetic material ng mikrobyo para makopya ang “instructions” na kailangan ng cells sa katawan para magawa ang protein na mayroon sa virus. Oras na maibakuna ito, tutugunan ng immune system ang protein na ito at aatakihin. Sa ganitong paraan, kapag tinamaan ng virus gaya ng SARS-CoV-2, maaalala ng immune system kung paano puksain ito – dito na mangyayari ang tinatawag na immunity ng katawan laban sa tina-target na sakit ng bakuna.
Habang hinihintay na mailunsad ang malawakang pagbabakuna ng COVID 19 vaccine sa Pilipinas, importanteng maging maalam sa mga benepisyong makukuha mula rito. Sa gayon, maiiwasan din ang paniniwala sa mga haka-haka na nagdadala ng pagkakasakit ang pagpapabakuna.
Kahit nakatanggap na ng unang dose ng bakuna kontra COVID-19, pinapaalala pa rin na panatilihing malakas at malusog ang pangangatawan. Malaki ang maitutulong ng tamang nutrisyon, regular na ehersisyo, wastong pahinga, at pagsasagawa ng health and safety protocols para masiguradong ligtas kayo at ang inyong pamilya mula sa banta ng pandemic.
Sources:
https://www.who.int/news-room/feature-stories/detail/the-race-for-a-covid-19-vaccine-explained