Pandemic 101: Paano Nagiging Pandemya ang Isang Sakit?

October 27, 2020

Ang salitang “pandemic” ay naging isa sa mga top searched terms at topic sa Google mula nang kumalat ang COVID-19 sa buong mundo noong March 2020. Pero ano nga ba ang kahulugan nito? Kailan at paano masasabi na pandemic na ang isang sakit? Tara at ating alamin.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pandemya ay ang pagkalat ng isang bagong sakit sa buong mundo. Sa kaso ng coronavirus, maaari itong tawaging influenza pandemic dahil karamihan ng tao sa mundo ay walang immunity dito sa bagong influenza virus na sumulpot at kumalat.

Dagdag pa ng WHO, maihahalintulad ang pandemic influenza sa seasonal influenza kahit pa may iilang aspekto silang nagkakaiba. Pareho kasi silang nakaaapekto sa lahat ng tao ano man ang edad, ngunit ang mas matatanda at may karamdaman ang pinaka-at-risk na masawi. Gayunpaman, karamihan pa rin ng mga nagpositibo sa sakit ay maaaring gumaling kahit na walang lunas sa tulong ng antibodies.

Hindi nasusukat sa kabuuang bilang ng taong apektado ang pagkalala ng isang pandemic influenza dahil maaaring magkaiba ito depende sa uri ng sakit. Pero kung ikukumpara sa seasonal influenza, mas malaki at malala ang epekto nito dahil sa dami ng tao sa populasyon na wala pang pre-existing immunity laban sa bagong virus.

Pwede ring uriin na pandemya na ang isang sakit kung ito ay kumalat sa isang partikular na geographical region nang lagpas sa inaasahang laki ng pagkalat nito.

 

Pagsusuri sa kaso ng COVID-19 pandemic

Lingid sa kaalaman ng marami, hindi lang noong March 2020 nag-umpisa ang pagkalat ng COVID-19 sa buong mundo. Nag-umpisang makita itong bagong strain ng virus sa mga tao noong December 2019 sa Wuhan, China. Dahil bago ito sa kaalaman ng mga siyentista, hindi agad na-contain ang sakit at mabilis na nagsalin-salin sa pagitan ng tao na noong panahon na iyon ay walang pang nade-develop na antibodies pangontra sa virus.

Sa loob lamang ng ilang buwan, kumalat na ang sakit sa buong mundo. Dalawa sa mga sanhi nito ay ang mataas na human traffic at madalas na paglabas-pasok ng mga lokal at turista sa Wuhan. Pagsapit ng March 2020, idineklara na ng WHO na ang coronavirus pandemic matapos na mahawa ang higit sa 500,000 na katao sa buong mundo, kung saan nasa 30,000 dito ang nasawi.

 

Pagkakaiba ng mga Terminong Ginagamit

Kung nasusundan mo na sa mga balita ang COVID-19 bago pa ito idineklara bilang isang pandemya, malamang ay narinig mo nang ginamit ang mga salitang ‘epidemic’ at ‘outbreak’ upang ilarawan ito. Ano nga ba ang pagkakaiba nito sa terminong ‘pandemic’ at bakit hindi na sila ginagamit ngayon?

Ang isang sakit ay matatawag na outbreak kung hindi inaaasahan na sobrang dami ng taong maaapektuhan nito. Maaaring ang sakit na ito ay kumalat lang sa isang partikular na lugar o lagpas pa, at kadalasan ay tumatagal nang maraming araw o taon.

Samantala, ito naman ay kinukunsiderang epidemic kung ang sakit ay kumalat nang sobrang bilis sa dami ng taong lagpas sa inaaasahan ng mga eksperto. Kumpara sa outbreak, mas malaki ang lugar na apektado ng isang epidemic.

At katulad nga ng nabanggit, ito naman ay pandemic na kung kumalat na ang sakit sa iba’t ibang bansa o kontinente at naapektuhan na ang mas maraming bilang ng tao kumpara sa epidemic at outbreak. Ang bilang ng buhay na nasasawi sa isang health crisis ay nakadepende sa:

  • Dami ng taong nahawahan
  • Gaano kalala ang sakit na naidulot ng virus sa tao
  • Gaano kadelikado ang lagay ng isang partikular na grupo ng tao
  • Mga hakbang na ginagawa upang masugpo ang sakit

May anim na phases na pinagdadaanan ang isang sakit bago ito matawag na full pandemic, ayon sa WHO. Ito ay nasa Phase 1 kung wala pang epekto sa tao ang virus na galing sa hayop, pero Phase 2 na ito kung apektado na ang tao. Nasa kategoryang Phase 3 naman kung may iilang kalat-kalat na kaso na ng sakit ngunit hindi pa sapat upang matawag na community-level outbreak. Kapag ang sakit ay kumakalat na nang person to person at kumpirmadong ang outbreak ay nasa community level na, ito ay nabibilang na sa Phase 4. Ang sakit ay nasa Phase 5 naman kung kumalat na sa iba-ibang bansa, at Phase 6 naman kung kumalat na sa ibang bansa na nasa ibang rehiyon kung saan nagmula ang virus.

 

undefined

Source:

https://www.shutterstock.com/image-photo/two-young-asian-woman-wearing-protective-1714505503

 

Kahalagahan ng Virus Prevention

Walang tiyak na paraan upang mapigilan nang tuluyan ang pagkalat ng isang sakit tuwing may outbreak, epidemic, o pandemic. Kagaya sa kaso natin ngayon sa COVID-19, maaaring matagalan pa bago madiskubre ng mga dalubhasa ang lunas sa sakit na ito. Kaya naman importante na maiwasan na ang mahawa sa virus sa umpisa pa lang.

  1. Siguraduhin na malakas ang resistensya ng inyong katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain at pag-inom ang vitamins o supplements. Matibay na immune system ang isa sa mga susi upang ma-develop ng katawan natin ang antibodies na siyang lalaban sa virus kung sakali na makapasok ito sa ating katawan.
  2. Sundin ang mga panuntunan ng awtoridad patungkol sa pagsusuot ng face mask, face shield, at iba pang panglaban sa transmission ng virus. Nakita na sa mga pag-aaral na malaki ang ibinaba ng bilang ng kaso sa mga lugar kung saan mahigpit ang pagpapatupad nitong patakaran.
  3. Ugaliin ang tamang paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon o kaya naman ay alcohol tuwing may hahawakan na gamit at surface area na maaaring na-expose sa viral particles. Kung hindi pa nakakapaglinis ng kamay, iwasan na hawakan ang bibig, ilong, at mga mata.
  4. Kung ikaw ay nauubo at nababahing, siguraduhin na takpan ang bibig at ilong gamit ang malinis na tissue, at pagkatapos ay itapon agad ito bago maghugas ng kamay. Sa ganitong paraan, maiiwasan mo rin na matalsikan ng viral particles ang mga gamit at surface areas.
  5. Kapag hindi maiiwasan na lumabas ng bahay, sumunod sa social distancing protocols lalo na kung ang lugar na pupuntahan mo ay indoor spaces kagaya ng malls at supermarkets.

 

Sa kabuuan, ang pandemic ay nakaaapekto sa kalagayan ng buong mundo. Kaya naman hindi matatawaran ang kahalagahan na maiwasan itong lumala pa. Kahit sa maliit na paraan na pagpigil na kumalat ang sakit sa inyong komunidad, magiging malaking tulong na ito sa pandaigdigang laban kontra sa mapaminsalang coronavirus pandemic.

 

Sources:

https://www.who.int/csr/disease/swineflu/frequently_asked_questions/pandemic/en/

https://www.webmd.com/cold-and-flu/what-are-epidemics-pandemics-outbreaks#2

https://www.mphonline.org/worst-pandemics-in-history/