COVID-19: Sino ang may Higher Risk?
Ang mga sintomas ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 ay iba-iba. May mga taong hindi nakararanas ng anumang sintomas, samantalang ang iba naman ay nakakaranas ng malalang epekto at kinakailangan pa ang mechanical assistance upang makahinga.
Ang panganib na makaranas ng malubhang coronavirus symptoms ay mas mataas sa mga taong nakakatanda at sa mga taong may iba pang iniindang karamdaman kagaya ng sakit sa puso at baga, mahinang resistensya, obesity, at diabetes. Kagaya ito sa mga nakikitang senyales ng ibang respiratory illness kagaya ng influenza.
Risk Factor sa mga Matatanda
Matanda ka man o bata, maaari kang tamaan ng COVID-19. Gayunpaman ang pinakakaraniwang tinataman nito ay ang mga middle-aged at older adults. Ang risk ng pagkakaroon ng malubhang sintomas ay tumataas ayon sa edad. Ang mga taong edad 85 pataas, halimbawa, ay may mas mataas na tyansa na makaranas ng malalang sintomas oras na sila ay mahawahan ng virus. Sa Estados Unidos, halimbawa, nasa 80% ng mga namatay dahil sa sakit na ito ay edad 65 pataas.
Bukod pa riyan, lalong tumataas ang risk kung ang isang matanda ay mayroong ibang karamdaman. Dahil dito, pinapayuhan sila na ipagpatuloy ang pag-inom ng kanilang gamot ayon sa payo ng kanilang doktor habang sumusunod sa mga safety precautions. Makakatulong din daw kung ng mga senior citizens ay magkakaroon ng isang care plan na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa kanilang sakit, mga gamot, pangalan ng kanilang doktor, at emergency contacts.
Risk Factor sa mga may Lung Problems
Tinatarget ng COVID-19 ang baga o lungs ng pasyente, kaya mas mataas ang panganib ng malubhang sintomas kung ang isang tao ay dati nang may lung problem. Ang Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) at lung cancer, halimbawa, ay mga sakit na maaaring magdulot ng mas mataas na risk. Ang ilan pang kondisyon na maaaring magpalala sa kalagayan ng isang tinamaan ng coronavirus ay cystic fibrosis, pulmonary fibrosis, at malubhang hika.
Bagaman ang ilang mga gamot ay maaaring magpahina sa resistensya o immune system, mahalaga pa rin na ipagpatuloy ang maintenance upang ma-kontrol ang mga sintomas. Ipinapayo rin na palaging kumonsulta sa doktor at siguraduhing may sapat na suplay ng gamot at iba pang pangangailangan gaya ng inhaler at RM Montelukast para sa mga may asthma.
Para sa mga may hika, mainam din kung iiwasan muna ang mga bagay na nagpapalala ng kanilang kondisyon. Ang mga may asthma ay maaaring may iba-ibang “asthma triggers,” ngunit ang ilan sa mga pinakakaraniwan ay pollen, malamig na hangin, alikabok, at usok ng sigarilyo. Sa ilan naman, ang matinding emosyon ay maaari ring maging asthma trigger.
Risk factor sa mga may Heart Disease, Diabetes at Obesity
Ang mga taong may chronic conditions gaya ng type 2 diabetes, severe obesity, at heart disease ay may high risk din. Maaari silang makaranas ng seryosong sintomas kung tatamaan ng COVID-19. Maaari ring makaapekto sa mga sintomas ng impeksyon ang high blood pressure at type 1 diabetes.
Ang diabetes at labis na katabaan o obesity ay may masamang epekto sa immune system. Ang diabetes ay nagpapataas ng risk ng impeksyon kaya mahalaga na ma-kontrol ang blood sugar level. Pinapayuhan na ipagpatuloy ng mga diabetes patients ang pag-inom ng gamot at paggamit ng insulin.
Ang mga sakit sa puso naman ay nagpapataas din ng risk ng seryosong karamdaman. Ang mga halimbawa ay pulmonary hypertension, cardiomyopathy, congenital heart disease, heart failure at coronary artery disease. Mahalaga ring panatilihing kontrolado ang high blood pressure sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot ayon sa preskripsyon ng doktor.
Ang ilan pang nanganganib na makaranas ng malubhang sintomas at komplikasyon ng COVID-19 ay ang mga taong may mahinang immune system, at may chronic kidney o liver disease.
Ang iyong kalusugan ay napakahalaga ngayong panahong ng pandemya. Kaya naman dapat tayong mag-ingat, magpalakas ng katawan, at maging aware sa mga bagay tungkol sa kumakalat na sakit. Ugaliin din ang regular na pag-inom ng gamot at pagkonsulta sa iyong doktor.
Sources:
https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/need-extra-precautions/people-with-medical-conditions.html
https://www.who.int/westernpacific/emergencies/covid-19/information/high-risk-groups
https://www.weforum.org/agenda/2020/03/coronavirus-covid-19-elderly-older-people-health-risk/