Ang pregnancy ay isang kakaibang karanasan para sa isang babae. Bukod sa mga pagbabago sa katawan, ang pag-aalaga at pagsisilang ng bagong buhay ay maaaring maghatid ng iba’t ibang klaseng emosyon at reaksyon mula sa nagdadalantao.
Bagama’t karamihan ay masaya sa kanilang pagbubuntis at pagiging bagong ina, hindi ito ang nararamdaman ng ilan.
Ayon sa mga pag-aaral, mas mataas ang risk ng mga babae sa pagkakaroon ng depression. Ito ay isang kalagayang tumutukoy sa kondisyon ng mental health ng isang tao. Ito ay lubhang nakakaapekto sa mood, emosyon, pag-iisip, at gawain ng nakakaranas nito. May iba’t ibang uri ng depression na pwedeng maranasan ang isang babae, at isa na rito ang postpartum depression.
Ano ang postpartum depression?
Pagkatapos manganak, normal sa iba ang pagkakaroon ng baby blues. Ito ang pagkakaroon ng matinding mood swings, pag-iyak, anxiety, at pagiging hirap sa pagtulog dala ng pagkapanganak. Madalas ay tumatagal ito ng dalawang araw hanggang dalawang linggo.
Kaya lang, kapag lumala ang baby blues, humahantong ito sa postpartum depression. Isa itong komplikasyon matapos manganak na pumipigil sa ina na makapag-alaga ng kanyang sanggol, makaramdam ng tuwa sa bagong pangyayari sa kanyang buhay, at halu-halong emosyong kalakip ng panganganak.
Postpartum Depression Symptoms
Halos pareho lang ng sintomas ang baby blues at postpartum depression. Sa katunayan, maaaring makita na rin ang mga ito kasabay ng pregnancy signs. Mas matagal din sa dalawang linggo ang mga senyales na ito, hindi tulad ng sa baby blues:
- Matinding mood swings o pagiging depressed;
- Labis na pag-iyak;
- Walang ganang mag-alaga o makipag-bond sa baby;
- Paglayo sa mga mahal sa buhay;
- Pagbabago sa ganang kumain;
- Problema sa pagtulog (maaaring labis o kulang);
- Matinding pagkairita at pagkagalit;
- Pakiramdam na walang silbi ang pagiging ina;
- Takot, guilt, at kawalan ng pag-asa;
- Hirap sa concentration at pagdedesisyon;
- Anxiety at panic attacks; at
- Self-harm o suicidal thoughts, maging para sa baby.
Paalala: Kung ikaw o ang mahal sa buhay ay nakakaranas ng kahit ano sa mga nabanggit, huwag mahiyang kumonsulta agad sa doktor para sa kaligtasan ng ina at sanggol.
Image from:https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-who-troubled-child-care-baby-1103968520
Postpartum Depression Treatment
Ilan sa pwedeng gawin laban sa postpartum depression ay ang mga sumusunod:
- Magkaroon ng sapat na pahinga araw-araw.
- Huwag mahiyang humingi ng tulong sa asawa, partner, o mga mahal sa buhay para mabigyan ng tamang alaga ang sarili at ang sanggol.
- Kung kaya, sikaping sumali sa mga mom group sa social media para kumausap ng mga taong makaka-relate sa pinagdadaanan.
- Sumailalim sa psychotherapy depende sa payo ng psychiatrist o psychologist. Sa ganitong paraan, matututunang i-manage ang emosyon at mamuhay nang may bagong positibong pananaw tungo sa pagiging ina.
- Uminom ng inirekomendang antidepressants ng doktor. Ipinapaalala na itanong sa health expert kung safe ba ito kung nagpapasuso ng anak para makaiwas sa side effects ng gamot sa bata.
Tamang Alaga para sa may Postpartum Depression
Bilang katuwang sa buhay o nagmamahal sa nakakaranas ng postpartum depression, narito ang ilang paraang pwedeng gawin para makatulong:
- Maglaan ng oras sa pag-aalaga ng bata para makapagpahinga ang pasyente.
- Sabayan sa pag-eehersisyo para maglabas ang katawan ng endorphins o happy hormones.
- Maghain ng masustansyang diet.
- Siguraduhing umiwas ang pasyente sa alcohol at iba pang triggers ng depression o anxiety.
- Sumama tuwing may therapy sessions o check-up.
- I-monitor ang pag-inom ng mga inirekomendang gamot ng doktor para ma-manage ang sintomas ng postpartum depression.
- Lawakan ang pang-unawa sa sitwasyon at maging open sa pakikipag-usap ng pasyente tungkol sa nararamdaman.
Sources:
https://www.health.harvard.edu/mind-and-mood/six-common-depression-types
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/postpartum-depression/symptoms-causes/syc-20376617