Mga Epekto ng Gestational Diabetes at Mga Tips para Dito

February 19, 2016

Ang pagbubuntis ay isang mahalaga ngunit maselang yugto sa buhay ng isang babae. Maaaring magkaroon ito ng mga komplikasyon gaya ng gestational diabetes dahil sa pagtaas ng blood sugar level sa mga nagdadalangtao. Dahil dito, dapat ipasuri agad ang mga posibleng diabetes symptoms gaya ng madalas na pagka-uhaw, madalas na pag-ihi lalo na sa gabi, pagkahapo, yeast infection at panlalabo ng paningin.

 

Ang gestational diabetes ay karaniwang nangyayari sa ika-24 hanggang 28 na linggo ng pagbubuntis at nawawala naman din ito pagkatapos ipanganak ang sanggol. Gayunpaman, ang mga babaeng nagkakaroon ng gestational diabetes ay mas prone magkaroon ng type 2 diabetes pagkatapos ng kanilang pagbubuntis.

 

Mga Epekto ng Gestational Diabetes

 

Karamihan ng mga buntis na mayroong gestational diabetes ay nagsisilang ng mga malulusog na sanggol. Gayunpaman, kapag hindi nabigyan ng atensyon ang sakit na ito, maaari itong magdulot ng sobrang taas na blood sugar level at puwede itong makaapekto sa pagbubuntis.

 

Ito ang mga komplikasyon ng gestational diabetes na nakakaapekto sa sanggol at ina:

 

  • Labis na timbang pagkapanganak - Nangyayari ito dahil tumataas din ang blood sugar ng sanggol at nasosobrahan ito sa nutrisyon. Dahil dito, nagiging balisa ang pakiramdam ng ina sa mga huling buwan ng kanyang pagbubuntis.

 

Maaaring kailanganin ang Caesarean section delivery dahil sa sobrang laki ng sanggol. Posible ring magkaroon ng shoulder dystocia ang sanggol dahil sa matinding puwersa sa mga balikat nito habang ipangangak. Mas mahirap din ang paggaling ng sugat para sa inang nagdaan ng C-section.

 

  • Maaga o pre-mature na panganganak ng ina - Ito ay puwedeng magdulot ng ibang mga komplikasyon sa bagong-silang gaya ng paninilaw ng balat (jaundice) at hirap na paghinga (respiratory distress)

 

  • Mababang blood sugar (hypoglycaemia) ng sanggol kung kaya’t mahalaga rin ang pag-monitor ng blood sugar para maagapan ang mga posibleng komplikasyon sa bata.

 

  • Type 2 diabetes - Kadalasang nawawala ang gestational diabetes pagkapanganak subalit nangyayari ang type 2 diabetes kapag hindi pa rin nawala ang kondisyon matapos manganak.

 

Kung minsan, kahit mawala ang diabetes ng babae ay nandoon pa rin ang posibilidad na maulit ang gestational diabetes kapag siya ay muling nagdalangtao. Dahil dito, mahalagang pangalagaan ang kalusugan bago, habang at pagkatapos ng pagbubuntis upang maiwasan ang mga komplikasyon nito.

 

  • Depresyon - Maaari itong magdulot ng pagkahapo lalo na dahil sa labis na pag-aalala ng ina sa kanyang sarili at dinadala. Mahalagang maging positibo ang pag-iisip habang nagbubuntis dahil nakabubuti rin ito sa sanggol.

 

  • Pagkalaglag o miscarriage lalo na sa unang 23 linggo ng pagbubuntis.

 

  • Preeclampsia o mataas na high blood pressure - Mapapansin ito kapag namamaga ang mga daliri sa paa at kamay ng nagdadalangtao. Ang pagtaas ng presyon ng isang buntis ay kailangan ng maagap na atensyon dahil maaari itong magdulot ng stroke sa ina sa kanyang panganganak. Ang kondisyong ito ay kritikal at maaari ding maging dahilan ng pagkamatay ng sanggol sa pagsilang nito.

 

Mga Payo Para sa mga Mayroong Gestational Diabetes

 

carrot-1085063_1280.jpg

 

Photo from Pixabay

 

Hindi madaling iwasan ang gestational diabetes ngunit maaaring mabawasan ang mga epekto nito. Ito ang ilang mga payo:

 

  • Kumain ng masusustansyang pagkain - Ito ang pinakamabisang paraan para makontrol ang blood sugar at maiwasan ang pagtaas ng timbang. Kumain ng mga pagkaing mataas sa fiber at mababa sa taba. Limitahan ang pagkonsumo ng mga matatamis na pagkain. Mas makatutulong ang pagkonsulta sa iyong doktor o dietitian upang malaman ang tamang uri ng diet sa iyong kalagayan.

 

  • Magkaroon ng sapat na ehersisyo - Ang mga gawaing pisikal ay nakapagpapababa ng blood sugar at nakatutulong sa pagbalanse ng pagkain. Maaaring maglaan ng 30 minutong pag-eehersisyo sa loob ng 5 araw kada linggo tulad ng paglalakad at paglangoy. Iwasan ang mga ehersisyo na maaaring makasakit sa iyong tiyan. Sumangguni sa iyong doktor upang matukoy ang wastong ehersisyo para sa iyong kalagayan.

 

  • I-check at i-monitor ang blood sugar gamit ang glucometer - Mabilis ang pagbabago ng blood sugar sa isang nagdadalangtao kung kaya’t mahalaga ang pagmonitor dito.

 

  • Gumamit ng insulin kung ito ay ipinayo ng iyong doktor - Mas makatutulong ang insulin sa pagkontrol ng blood sugar.

 

  • Magpa-check kung ikaw ay mayroon pa ring diabetes pagkatapos ng pagbubuntis - Gawin ito 6 hanggang 12 na linggo matapos manganak.

 

baby-203048_640.jpg

Photo from Pixabay

 

Importante ring ipaalam sa iyong pediatrician na ikaw ay nagkaroon ng gestational diabetes upang maalagaan nang husto ang iyong anak.

 

Seryoso mang sakit ang gestational diabetes, kaya itong makontrol. Kailangan lamang magkaroon ng tamang diet, mas aktibong pamumuhay at regular na pagpapa-check up sa doktor. Sa pamamagitan ng mga ito ay masisigurado ang kaligtasan ng iyong anak.