Problema sa Pagdudumi

April 21, 2016

Ano ang diarrhea?

Ang diarrhea o pagtatae ay isang laganap na kondisyon kung saan ang dumi ay basa at hindi buo. Ito ay nagdudulot ng mga sintomas tulad ng madalas na pagdumi (tatlong beses o mahigit), pananakit ng tiyan, panghihina, at dehydration.

 

Ang diarrhea ay maaaring maging sanhi ng kamatayan sa mga bagong silang na sanggol at maliliit na bata dahil sa dehydration. Ito ay laganap sa mga lugar na may maduming pinagkukunan ng tubig at pagkain.  

Ano ang mga sintomas ng diarrhea?

Maraming sintomas ang nauugnay sa diarrhea. Karamihan dito ay hindi malala at nawawala matapos ang isa hanggang dalawang araw. Ang mga pangkaraniwang sintomas ng diarrhea ay ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng tiyan

  • Madalas na pagdumi

  • Basa at kalat na dumi

  • Pagsusuka

  • Paglaki ng tiyan

  • Pamumulikat

 

Maaari ding magdulot ng mapanganib na sintomas ang diarrhea tulad ng mga sumusunod:

 

  • Pagkakaroon ng dugo o “mucus” sa dumi

  • Lagnat

  • Pagbawas ng timbang

 

Ang madalas na pagdudumi ay maaaring magdulot ng dehydration o ang pagkukulang ng tubig sa katawan. Ito ang mga sintomas nito:

  • Pagkatuyo ng bibig (dry mouth)

  • Pagbilis ng tibok ng puso

  • Panghihina

  • Pagsakit ng ulo

  • Pagkatuyo ng balat

  • Pagkahilo

  • Low blood pressure

Ano ang mga sanhi ng diarrhea?

 

Maraming kalagayan ang pwedeng magdulot ng diarrhea at mga sintomas nito. Maaari din maging sintomas nito ang ibang kondisyon gaya ng gastroenteritis, food allergy, lactose intolerance, hyperthyroidism, ulcerative colitis, at dyspepsia. Dahil maaaring magdulot ng malubhang pinsala ang mga karamdaman nito, mahalagang magpatingin sa doktor kung nakakaranas ka ng mga malubhang sintomas o mga sintomas na hindi gumagaling.

 

Maaari ring magdulot ng diarrhea ang pag-inom ng alak (alcohol), mga laxative, ibang uri ng mga gamot, at mga bacterial infection.

Ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay mayroong diarrhea?

Dahil indikasyon ang diarrhea ng maraming uri ng sakit, mahalagang magpatingin agad sa doktor upang matiyak ang tunay na sanhi nito. Ang sumusunod ay ang mga pagsusuri na kinakailangang gawin:

 

  • Physical Exam – Isinasagawa ito upang matukoy ang mga sintomas ng isang pasyente. Bukod sa pagtatae, susuriin rin ang iba pang sintomas gaya ng lagnat, blood pressure, pananakit ng tiyan, at mga senyales ng dehydration. Kadalasan ring tinatanong ang pasyente kung mayroon siyang iniinom na gamot na maaari ding may kinalaman sa diarrhea.

  • Stool Test – Ito ay isinasagawa upang matukoy ang mga mikrobyo na maaaring nagdudulot ng diarrhea. Ilan sa mga halimbawa ng mikrobyo na maaaring magdulot ng diarrhea ang Entamoeba histolytica at Escherichia coli.

  • Blood Test – Kinukuha ng nurse ang dugo ng pasyente na posibleng may diarrhea. Idadaan ang dugo sa mga iba’t ibang eksamen upang makita kung meron impeksyon, o hindi pagkapantay-pantay ng antas ng electrolytes (mga mineral sa dugo) sa katawan.

Paano malulunasan ang diarrhea?

 

Kapag hindi malala, ang diarrhea ay maaaring gumaling makalipas lamang ng 1-2 araw at hindi na kinakailangan ng paggamot. Gayunpaman, mahalaga ang pag-inom ng malinis na tubig upang maiwasan ang dehydration. Depende sa kalubhaan ng pagtatae, maaari ding uminom ng oral rehydration solution o ORESOL upang maiwasan ang mga malalang komplikasyon dulot nito.

 

Meron ding tinatawag na food for diarrhea o mga pagkain na nakakatulong sa pagtatae tulad ng saging, kanin, mansanas, at pinakuluang patatas (boiled potatoes).

Para mapabilis ang paggamot ng diarrhea, gumamit ng anti-diarrheal medication tulad ng loperamide at bismuth subsalicylate. Samantala, magpatingin agad sa doktor kung ang iyong diarrhea ay may kasamang mataas na lagnat o pagdudugo.

Paano maiiwasan ang diarrhea?

Ang wastong kalinisan sa kinakain at pamamahay ang mga susi sa pag-iwas sa diarrhea. Ugaliin ang paghuhugas ng kamay bago, habang, at pagkatapos magluto. Ugaliin ding maghugas pagkatapos humawak ng mga maduduming bagay. Tandaan na dapat gumamit ng sabon at kuskusin ang mga kamay ng 20 segundo.

 

Iwasan rin ang pagkain at pag-inom ng kahit anong bagay na hindi mo alam ang pinanggalingan. Imbes na uminom galing sa gripo o drinking fountain, uminom na lamang ng purified water na nabibili sa mga bote. Para sa mga kabataan, ugaliin ding iwasan ang pag-kain ng street food tulad ng isaw, dugo, tenga ng baboy, at iba pa.