Alam mo ba na ang ating inner ears ang responsable pareho sa ating pandinig at balanse? Kaya naman kapag may problema sa isang sistema ay tiyak na apektado rin ang isa pa.
Napakahalaga ng ear hygiene para sa kaligtasan ng tainga mula sa ingay at pinsala dahil ito ang parte ng kabuuang human hearing system na pinakalantad. Isa sa mga hakbang ng tamang pangangalaga sa tainga ang pagpapanatili ng kalinisan nito, habang ang isa pa ay ang proper treatment at prevention ng impeksyon. Kabilang din sa pangangalaga ang pag-iwas sa sobrang ingay at pagbabantay sa mga senyales ng hearing loss. Kung sakaling may mapansin na anumang hindi normal sa pandinig, agad na kumonsulta sa otolaryngologists, o ENT surgeons or physicians.
Tamang paglilinis ng tainga
Kagaya ng regular na paglilinis ng mga singit-singit sa ating buong katawan, dapat ay palagi rin masiguro na malinis ang paligid, labas, at loob ng ating tainga.
Dahil sensitibong parte ang inner ears, mainam na maging extra careful tayo sa paglilinis nito. Iwasan ang gumamit ng panglinis na mas maliit pa sa malinis na basahan o washcloth na nakabalot sa hintuturo. Kung maaari ay huwag gumamit ng Q-tips o cotton buds, bobby pins, at iba pang sharp-pointed na bagay dahil posible itong makapinsala sa iyong ear canal o eardrum.
Iba ang pakiramdam ng kilig kapag nasusungkit natin palabas ang earwax o tutuli mula sa loob ng tainga. Ngunit hindi ito tamang paraan on how to clean ears kasi ang pamumuo ng earwax ang nagsisilbing self-cleaning method ng tainga. Subalit kung ang tutuling namumuo ay nakasasagabal sa pandinig, mabuting kumonsulta doktor para sila ang magtanggal.
Sa mga taong may piercings, dapat ay regular ang paglilinis ninyo ng earrings at earlobes gamit ang alcohol para ma-disinfect ito. Kung may nararanasang pangangati at kirot sa tainga, senyales ito ng problema kaya dapat ay magpatingin sa eksperto. Sila ang makakapagsabi kung ano ang pinakaakmang o epektibong painful and itchy ears remedy.
Tamang pag-aalaga sa tainga
Hindi natatapos sa ear hygiene ang pangangalaga sa ating tainga. Importante rin na mapangalagaan natin ito sa ilang partikular na aktibidad tulad ng pagsusuot ng helmet kung ikaw ay nagmomotor o kaya ay nagbibisikleta na kung saan maaaring madali ang tainga kapag aksidente kang sumemplang. Isa pang halimbawa ay kung ikaw ay nagsu-scuba diving kung saan may potensyal na ma-damage ang iyong tainga sa tindi ng underwater pressure.
Katulad ng sa pagsisid, may pressure din sa tainga ang pag-descend ng eroplano. Sa ganitong sitwasyon, mainam na lumunok at humikab nang madalas para ma-equalize ang pressure. Kung hindi ka naman kumportable sa ganitong remedyo, may nabibiling earplugs na may special filters na tumutulong mag-equalize ng air pressure sa iyong ears tuwing bumibiyahe sa himpapawid.
Para sa mas maigting na ear care, regular na magpa-checkup sa doktor lalo kung may napapansin kang unusual bumps at scaly areas sa labas na bahagi ng tainga. Minsan nagmumula ang ear pain sa ngipin, sa panga, o sa leeg. May mga tinatawag din na audiologist na siyang mga eksperto sa pagtukoy ng hearing issues at ang tamang lunas para dito.
Hindi lang sakit at earwax ang kalaban ng tainga, kundi pati ang sobrang ingay din. Iwasan ang magpatugtog ng stereo at home entertainment systems nang naka-high volume. Ganoon din dapat sa personal sound systems gaya ng earphone at headphones. Kung naririnig na ng ibang tao ang tunog na mula sa headphones mo, tiyak sobrang lakas na niyan. Huwag din ugaliin ang magdamag na nakasalpak ang earphones sa tainga, alisin ito paminsan-minsan.
Kung dadalo naman sa mga rock music festival, loud motoring events, at party sa nightclubs (na bawal pa rin naman ngayong may pandemic), makabubuti ang pagsuot ng earplugs upang mabawasan ang lakas ng tunog na papasok sa iyong tainga.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/side-view-male-doctor-examining-patients-189270197
Mga sakit na nakakaapekto sa tainga
Ang iba’t ibang bahagi ng katawan ay konektado sa isa’t isa kaya naman may mga sakit sa ibang parte ng katawan ang maaaring maging sanhi ng impeksyon sa tainga o pagkawala ng pandinig.
Isa sa mga senyales na dapat nang magpatingin sa doktor ay kapag tila mayroon kang clogged ears, o biglaan kang nawalan ng pandinig, o ‘di naman kaya ay may constant noise. Bukod dito, senyales din ng impeksyon ang drainage o pag-discharge ng kung anumang liquid sa tainga.
Maliban pa doon, posible rin na maapektuhan ng side effects ng mga gamot ang iyong tainga. May mga partikular na gamot na nakakaapekto sa pandinig. Importante na inumin lamang ito base sa reseta ng doktor, at agad na kumonsulta sa eksperto kapag nakaranas ng kahirapan sa pagdinig, problema sa balanse, o ringing sound sa tainga.
Narito rin ang ilang senyales ng hearing loss:
- Madalas mong ipaulit sa kausap mo ang sinabi nila
- Hindi mo marinig nang maayos ang sinasabi ng iba lalo kung may background noise
- Nahihirapan kang makarinig kapag may kausap sa telepono
- Kinakailangan mong taasan ang volume ng TV o radyo upang marinig ito
- Pakiramdam na tila bumubulong o may nginunguya ang mga tao sa paligid dahil hindi mo maintindihan ang usapan nila
- Napipilitan kang basahin ang labi ng kausap mo para lang maintindihan ang sinasabi nila
Ang ating tainga ay complex organs na nagbibigay-daan upang marinig natin ang lahat ng magagandang tunog sa buong paligid. Marami rin tayong bagay na nagagawa dahil sa maayos na pangdinig. Kaya nararapat lamang na ito’y pangalagaan at siguraduhin na laging malinis at nasa ayos.
Source:
https://my.clevelandclinic.org/health/articles/13076-ear-care-tips