Bahagi na ng pagtanda ang pagkakaroon ng iba’t ibang sakit. Hindi na iba sa matatanda ang pagdanas ng body pains na madalas iniinda na lamang nila sa kadahilanang sa isip nila ay bahagi lamang ito ng kanilang katandaan.
Ayon sa mga eksperto, ang mga sakit o iba’t ibang body pains ng mga matatanda ay hindi dapat binabalewala. Maaaring karaniwan na mas nagkakaroon sila ng ganitong mga sakit, pero hindi ito normal na kondisyon. Ang bawat pain o sakit ay laging may kaakibat na mas malalim na dahilan na dapat ipasuri. Ang simpleng body pains at joint pains ay maaaring maging malubha at makaapekto sa kalidad ng kanilang pang-araw-araw na buhay kung ipagsasawalang-bahala.
Ang mga karaniwang uri ng sakit na nakakaapekto sa matatanda ay ang mga sumusunod:
- Joint pain at pamamaga ng mga daliri sa kamay, tuhod, balakang at gulugod;
- Paninigas ng mga kasukasuan sa umaga;
- Masakit na likod;
- Masakit na leeg; at
- Masasakit na mga ugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isa sa pinakakaraniwang sakit na nagdudulot ng ganitong mga pakiramdam sa matatanda ay ang arthritis.
Ano ang Arthritis?
Ang rayuma o arthritis ay isang musculoskeletal disorder na nagdudulot ng pananakit, pamamaga, at paninigas ng mga kasukasuan. Kadalasan ay lumalala ang ganitong kondisyon habang tumatanda.
Dalawa sa pinakakaraniwang uri ng arthritis ay ang osteoarthritis at rheumatoid arthritis.
Ang osteoarthritis ay ang patuloy na wear and tear o pagkasira ng mga kasukasuan. Sa pagbaba ng abilidad nito na mabanat ay nagiging mas masakit ang pagkikiskisan ng mga buto. Ang mga matatandang dumadaing ng osteoarthritis ay kadalasang nakakaramdam ng paninigas o pamamanhid ng mga kasukasuan na nagdudulot ng sakit sa pagitan ng mga daliri sa kamay, maging sa tuhod, balakang, at gulugod lalo na tuwing umaga.
Samantala, ang rheumatoid arthritis naman ay isang auto-immune disease - na nangangahulugang ang katawan ay kusang umaatake sa sarili nito. Nagdudulot ito ng matinding pananakit at pamamaga sa mga kasukasuan ng mga daliri, paa, at sa galanggalangan (wrist). Nakakapanghina ang sakit at pamamaga na nadarama dulot nito. Ang mga pasyenteng mayroon nito ay madalas makaranas ng mga sintomas tuwing umaga.
Image by Unsplash
Sintomas ng Arthritis o Rayuma
Maliban sa arthritis pain, may ilan pang sintomas ang arthritis o rayuma depende sa kung anong uri ng arthritis mayroon ang isang tao. Kasama na rito ang paninigas, pamumula, at panghihina ng matanda, maging ang pagbaba ng abilidad sa paggalaw.
Sanhi ng Arthritis
Walang iisang sanhi ang lahat ng arthritis. Ang sanhi ng bawat arthritis pain ay nakabase sa kung anong uri ng arthritis mayroon ang isang tao.
Naririto ang ilang posibleng sanhi ng arthritis:
- Pinsala o injury;
- Abnormal na metabolism na maaaring maging dahilan ng gout;
- Namamanang kondisyon gaya ng osteoarthritis;
- Impeksyon katulad ng sa septic arthritis na nakukuha sa mikrobyo
Mga Natural na Arthritis Pain Relief Methods
- Magbawas ng timbang – Makakatulong kung magbabawas ng timbang ang taong nakakaramdam ng arthritis pain. Ang sobrang timbang ay nakakadagdag-bigat at diin sa mga kasukasuan lalo na sa bahaging tuhod, balakang, at mga paa.
- Regular na pag-eehersisyo – Sa kahit anong sakit o kondisyon, mahalaga ang pagkakaroon ng active lifestyle Ang regular na paggalaw ay nakakatulong sa matatanda na mapanatili ang flexibility ng kanilang joints.
Image by Pexels
- Paggamit ng hot and cold therapy – Ang pagsasagawa nito sa tuwing nakakaramdam ng arthritis pain ay may dalang malaking kaginhawaan. Ang paliligo gamit ang maligamgam na tubig lalo na sa umaga ay nakakabawas sa paninigas ng mga kasukasuan, samantalang ang cold treatment naman ay nakakatulong makabawas ng pamamaga. Siguraduhing alalayan ang matatanda habang ginagawa ang mga ito.
- Magpamasahe – Ang regular na pagpapamasahe ay nakakatulong para mabawasan ang arthritis pain dahil nakakatulong ito na magbigay-ginhawa sa paninigas ng mga kasukasuan.Pinapapabuti rin nito ang abilidad ng mga matatanda para makagalaw nang walang nararamdamang sakit. Maaaring mag-aral ng mga self- massage online o di kaya’y ipa-schedule ang matatanda sa regular na massage therapies.
Mga Gamot para sa Arthritis Pain Relief
Ang mga gamot na ginagamit para makabawas ng kirot at pamamaga na dala ng rayuma ay tinatawag na analgesic. Makakatulong ang mga Nonsteroidal Anti-inflammatory Drug (NSAID) tulad ng Ibuprofen, Naproxen, Diclofenac Sodium, Mefenamic Acid, Meloxicam, at Paracetamol para mabawasan ang arthritis pain. Ang mga gamot na ito ay maaaring gamitin at bilhin kahit walang reseta ng doktor. Para makasigurado, samahan muna ang pasyente sa doktor para mabigyan ng wastong gamot na angkop sa kanyang kondisyon.
May mga bagong arthritic medicine tulad ng COX-2 na mas mabuti raw sa gastrointestinal tract ayon sa pag-aaral, pero gaya ng mga NSAIDs, ang sobrang paggamit nito ay makakasama sa kidney at maaaring maging dahilan ng pagtaas ng presyon.
Surgery
Kung hindi na madaan sa natural na arthritis pain relief o mga gamot, baka kailangan na itong idaan sa surgery. Ang iyong doktor ay maaaring mag-rekomenda ng mga sumusunod na surgery base sa overall health condition ng iyong kasukasuan:
- Joint repair- Sa ilang kaso, isinasagawa ang joint repair para maging magaan o pino ang joint surfaces para mabawasan ang sakit.
- Joint replacement – Sa paraang ito tinatanggal ang nasira na o damaged na joints at pinapaltan ng artipisyal na joint. Ang madalas na pinapalitang joints ay ang mga nasatuhod at balakang.
- Joint Fusion- Ang paraang ito ay kadalasang ginawa sa maliliit na joints sa katawan gaya ng sa galang-galangan (wrist), bukong-bukong (ankle), at mga daliri. Tinatanggal dito ang magkabilang dulo ng buto sa kasukasuan at pinagsasama hanggang maging isang bahagi na lamang.
Mahalaga na magkaroon ng regular na konsultasyon ang mga matatanda. Mahalaga rin na binabantayan nang maigi ang pagkaing inihahanda sa kanila maging ang mga bagay na ginagawa nila. Hanggang maaari kapag may nararamdaman ng masakit sa katawan ay ipakonsulta na sa doktor para maagapan ang sakit at hindi na lumubha. Ang mga matanda ay mas nagiging
maramdamin na kaya maliban sa pagpapacheck-up sa kanila, pagbibigay ng gamot at kung ano pang kailangan nila, makabubuti na ukulan sila ng sapat na oras at atensyon. Siguraduhing panatilihing masaya ang kapaligirang kanilang kinabibilangan dahil sa bandang huli ang masayang paligid ay nakakatulong para sa mas mabuting kalusugan para sa kanila.
Sources:
https://buhayofw.com/medical-advice/work-related-illnesses-of-ofws/arthritis-o-sakit-sa-buto-at-kasukasuan-sanhi-lunas-gamot-paano-ma-534f202f840d2
https://www.medicalnewstoday.com/articles/7621.php
https://www.healthxchange.sg/seniors/ageing-concerns/common-aches-pains-elderly
https://www.webmd.com/pain-management/features/common-pains-of-age
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/arthritis/diagnosis-treatment/drc-20350777