Ang pag-inom ng alak sa iba’t ibang mga okasyon at mga handaan ay maaaring magpagaan ng ating pakiramdam at makabawas ng stress na nararamdaman pansamantala. Maaari rin itong makatulong sa magandang pakikipag- ugnayan sa ibang tao.
Para sa ilang tao naman, ang patuloy na kagustuhang uminom ng alak ay maaaring humantong sa malakas na pag-inom at maaaring magdulot ng negatibong epekto sa mental health, tulad ng pagpapalala ng depresyon.
Dahil dito, mahalaga na maunawaan kung paano naaapektuhan ng alak ang mental health at malaman kung ano ang dapat gawin kung sa tingin mo'y negatibo na ang epekto nito sa iyong mental health.
Epekto ng Alak sa Mental health
Ang madalas at regular na pag-inom ng alak ay pwedeng hindi maging ligtas na pamamaraan upang mabawasan ang kalungkutan o stress. Maraming mga tao ang ginagawang stress reliever ang pag inom ng alak, ngunit ang sobrang pag-inom ay pwedeng makapagpalala pa ng mga suliranin sa mental health.
Malaki ang epekto ng alak sa ating kalusugang pangkaisipan. Dahil ang alak ay isang depressant, ito ay nagpapabagal sa iyong katawan at nagbabago ng balanse ng mga kemikal sa iyong utak. Ito ay may maraming epekto. Maaring baguhin nito ang: (1)
- mood (pakiramdam)
- energy level
- pagtulog
- concentration at focus
- memorya
Ang alak ay maaari ring makaapekto sa paggawa ng mga desisyon. Ito ay maaaring magbunsod sa atin upang makagawa ng mga desisyong hindi natin karaniwang gagawin kung hindi tayo nakainom ng alak. Ito rin ay pwedeng magdulot ng
- paggawa ng risky behaviors o mga hindi ligtas na gawain
- pagiging agresibo
- hindi ligtas na sexual practices
- pag iisip ng self harm at pagkakaroon ng suicidal thoughts
- binge drinking (malakas na pag-inom ng alak sa isang pagkakataon).
Dependence sa Alak at Depresyon (2,3)
Kung regular kang umiinom ng alak, maaaring magkaroon ka ng dependence sa alak. Kung ikaw ay may alcohol dependence at biglang ititigil ang pag-inom, maaaring sumama ang pakiramdam at lumala ang problema sa mental health. Tinatawag itong alcohol withdrawal. Kasama sa mga sintomas ng nito ang mga sumusunod:
- Sobrang pagpapawis
- Panginginig ng kamay
- Hallucinations
- Depresyon
- Hirap sa pagtulog
Ang mga nakakaranas ng withdrawal sa alak ay maaaring sumubok pang uminom ng mas marami upang mawala ang mga sintomas ngunit ang patuloy pang pag-inom ng alak ay maaaring magdulot pa ng mas maraming problema.
Ang sobrang pag-inom ng alak ay maaaring makaapekto din sa iba't-ibang gawain, relasyon, at pagpapahalaga sa sarili, na maaring magdulot ng mas malalang epekto sa kalusugan ng iyong pag-iisip.
Ang alak ay maaaring magdulot ng mas mataas na posibilidad na magkaroon ng depresyon, at ang pagkakaroon ng depresyon ay maaaring magbunsod sa iyo na uminom pa ng mas maraming alak. Ang mga taong may problema sa alak ay may mataas na tyansang makaisip na saktan ang sarili. (2)
Mga Long term Risk na Dulot ng Alcohol Dependence
Ang matagalang pagmamalabis at dependence sa alak ay maaaring magdulot ng iba't-ibang malubhang problema sa kalusugan. Kasama dito ang mga sumusunod:
- Stroke
- Sakit sa atay
- Sakit sa puso
- Kanser sa bituka
- Kanser sa bibig
- Pancreatitis
Ang matagalang malakas na pag-inom ay maaring magdulot din ng permanente at malalim na pagbabago sa utak, gaya ng problema sa pang-unawa, memorya, at pag-iisip. Tinatawag itong alcohol-related brain damage.
Sa ibang pagkakataon naman, ang dependence sa alak ay maaring magdulot din ng mga problema tulad ng kawalan ng trabaho, hiwalayan ng mag-asawa at pang-aabuso. Ang mga problemang ito ay maaaring magdulot ng mas masamang epekto sa mental health.
Paano malalaman kung sobra-sobra na ang pag-inom? (3)
Maaaring labis-labis ang pag-inom ng alak kung ikaw ay nakakaranas ng mga sumusunod:
- Naiisip mo na nais mong bawasan ang iyong pag-inom
- Ikaw ay guilty o hindi maganda ang iyong pakiramdam dahil sa iyong pag-inom
- Hirap ka sa pagganap ng iyong gawain at nakaka apekto na ang pag-inom sa iyong productivity
- Nakakaramdam ka ng pagnanais na uminom kahit hindi ito kailangan
- Nakakaranas ng panginginig at pagka-nerbyos
- Nais mong uminom ng alak sa umaga upang gumanda ang pakiramdam o para mawala ang hangover
Mga Pagbabago na Maaari Mong Gawin (3)
https://www.shutterstock.com/image-photo/alcoholism-not-verdict-how-stop-drinking-687187294
Kung nadarama mo na ikaw ay umiinom ng higit sa iyong nais o ang iyong pag-inom ng alak ay nagpapalala sa mga sintomas ng iyong depresyon, may mga bagay na maaari mong gawin.
- Magtala ng kung gaano karaming alak ang iyong iniinom. Maaaring hindi mo napapansin kung gaano karaming alak ang iyong totoong naiinom sa isang linggo. Ang magandang hakbang ay magtala ng iyong nainom na alak at kung kailan ka hindi uminom sa buong linggo.
- Tandaan ang mga tao na kasama mo sa iyong pag-inom at kung kailan. Maaaring mapansin mo na may mga oras sa araw o mga tao sa paligid mo na nagpapalala ng iyong pagkabalisa o depresyon at nagbubunsod sa iyo upang uminom nang higit pa. Ang pagkilala sa mga sandaling ito ay makakatulong sa iyo na gumawa ng plano para sa iba't-ibang paraan ng pagtugon.
- Iwasan ang alak. Kung wala kang dependence sa alak, maaari kang magpasya na tumigil sa pag-inom nito. Ang pagtigil sa pag-inom sa karamihan ng tao ay magdudulot ng mas magandang pakiramdam sa loob ng ilang linggo, at magiging mas magaan ang kanilang depresyon. Kung ikaw ay may depresyon pa rin pagkatapos ng 4 na linggong hindi umiinom, makipag-usap sa iyong doktor.
- Kumonsulta sa iyong doktor. Kung ikaw ay nag-aalala na hindi mo kayang huminto sa pag-inom o lalo pang lumalala ang iyong depresyon, makipag-usap sa iyong doktor. Maari silang magbigay ng tulong sa pamamagitan ng mga gamot o makatulong sa iyo na makahanap ng therapist.
Kung ikaw ay may dependence sa alak, hindi ligtas na biglang itigil ang pag-inom. Makipag-usap sa iyong doktor at gumawa ng plano kung paano babawasan ang iyong pag-inom ng alak nang ligtas.
References:
- Headspace. (2022, March 29). How does alcohol affect mental health | headspace. Headspace.org.au. https://headspace.org.au/explore-topics/for-young-people/alcohol/
- Mental Health Foundation. (2022, February 16). Alcohol and mental health. Www.mentalhealth.org.uk https://www.mentalhealth.org.uk/explore-mental-health/a-z-topics/alcohol-and-mental-health
- WebMD Editorial Contributors. (2021, March 29). What to Know About Alcohol and Mental Health. WebMD. https://www.webmd.com/mental-health/addiction/what-to-know-about-alcohol-and-mental-health