Madalas, sa tuwing masama ang ating pakiramdam, ang huling nais nating gawin ay ang mag-ehersisyo. Marami sa atin ang pipiliin na lamang na magpahinga at hindi magpagod.
Ayon sa mga pananaliksik, kalimitang walang peligro sa pag-eehersisyo sa tuwing may sipon kung ito’y isang magaan na activity lamang at 'di masyadong nakakapagod. Kung nilalagnat naman, lubos na nanghihina at mabigat ang mga nararamdamang sintomas sa leeg pababa, ipagpaliban na muna ang exercise. Maaaring kumonsulta sa doktor para makasigurado.
Cardio, aerobic at arm exercises
Ilan sa mga magagandang ehersisyo na mainam gawin sa tuwing may sipon ay warm up, stretching, at leg at arm exercises. Angkop din ang mga aerobic exercises gaya ng pilates at yoga o kung ano pa mang breathing exercise upang mapalakas ang katawan dahil sa tuwing tayo ay may sakit, ito ay nagpapakawala ng cortisol, isang stress hormone, habang nilalabanan ang infection. Sa tulong ng exercises na ito ay tumataas ang immunity ng ating katawan kasabay sa pagbibigay-ginhawa sa sakit ng katawan dulot ng sipon at sinus infections. Maaari ring gumawa ng cardio exercises tulad ng paglalakad o pagja-jogging sapagkat ang mga ito’y nakapagpaparami ng white blood cells sa katawan na siyang mismong lumalaban sa impeksiyon.
Abs workout at bodybuilding
Image from Pixabay
Ang mga ehersisyo gaya ng abs workout at bodybuilding ay maaari pa ring gawin ngunit dapat iwasan ang sobrang pagpapakapagod at mabibigat na uri ng exercises. Kung mag-aab workout, bawasan ang reps ng crunches at leg raises. Kung magwe-weightlifting naman, magbuhat ng mas magaan na weights.
Iwasan ang labis na pag-eehersisyo
Tandaan na hindi dapat masobrahan sa pagiging aktibo ang katawan dahil sa kasalukuyang nitong linalabanan ang mga germs na nagsasanhi ng ating pagkasakit. Kaya habang masama ang pakiramdam, iwasan ang mga mahihirap at nakapapagod na mga ehersisyo.
Ayon sa experts, ito ay nagkakaroon ng negatibong epekto sa immune system sa tuwing tayo ay may sipon o kahit anong respiratory infection. Kung iyong plano na mag-cardio exercises, siguraduhing hindi mapuwe-puwersa ang katawan sa paggalaw. Hangga’t maaari ay ipagpaliban na rin muna ang pag-eehersisiyo nang tuloy-tuloy at matagalan (1.5 oras o higit pa) na madalas ay ginagawa para sa mga weight loss exercise.
Mga dapat tandaan
Image from Pixabay
Kung ikaw ay mag-eehersiyo nang may sakit, pinaka-importanteng gawin ay makinig at makiramdaman sa iyong katawan. Kung ang iyong mga sintomas ay mula sa iyong leeg paitaas gaya ng pagbabahing, pressure sa sinus at runny nose, kalimitang hindi nakasasama ang exercise sa katawan. Dapat ding hindi ka nilagnat sa nakalipas na 24 oras bago mag-exercise. Gayunpaman, kung ikaw ay may malubhang sakit tulad ng asthma at heart disease o nakararanas ka ng mga sintomas ng trangkaso (pagsusuka, diarrhea o rashes), iwasan ang mag-ehersisyo dahil maaaring sumama lalo ang iyong karamdaman.
Kaya tandaan na pinakamainam pa rin ang pagpapahinga nang maigi, pag-inom ng gamot at pag-inom ng tubig. Dapat manatiling hydrated upang lubos na gumaling ang sakit.