Likas sa kulturang Pinoy ang malalaking pagdiriwang tuwing mayroong mahahalagang okasyon. Sanay tayo na laging nagtitipon ang buong pamilya, minsan kasama pa pati mga kaibigan, kapag may ipinagdiriwang na magandang pangyayari. Mapa-birthday, binyag, o death anniversary pa iyan, ang sigurado ay imbitado ang lahat ng kamag-anak pati na rin ilang mga kaibigan. Kesyo engrande o simple lang ang handa, ang mahalaga sa mga Pinoy ay sama-samang nagsasaya.
Ngayong papalapit na ang holiday season, tiyak na sabik na sa pagpaplano kung paano ipagdiriwang ang mga nalalapit na okasyon kasama ang mga mahal sa buhay makalipas ang ilang buwan na naka-lockdown ang lahat, at pagtitiis dahil sa mga pagbabagong dala ng pandemya.
Pero bago tayo gumawa ng plano para sa nalalapit na holiday season, dapat nating tandaan na hindi pa tapos ang kalbaryo kontra sa paglaganap ng coronavirus sa ating bansa. Mahalagang tandaan na bago magdaos ng malaking pagtitipon na nandiyan pa rin ang pangamba na magkahawahan at malagay sa panganib ang kalusugan natin at ng ating mga mahal sa buhay.
Para maging ligtas sa panganib na dala ng COVID-19 ngayong holiday season, narito ang ilang mga ideya na maaaring makatulong para masigurong ligtas na maipagdiwang ang holidays.
Huwag kalimutan ang proper COVID-19 etiquette
Bago pumunta sa isang lugar kung saan magtitipon ang mga kaanak at kaibigan upang magdiwang ng holidays, huwag kalilimutang magsuot ng tamang protective equipment tulad ng face masks at face shields, at kung maaari ay palaging i-observe ang tamang social distancing. Iwasan din dapat ang mga close contact gestures tulad ng pagyayakapan at pakikipagkamay, at siguraduhing may baon na pangsariling gamit na disinfectant solution gaya ng ethyl alcohol.
Para naman sa mga punong-abala ng mga pagtitipon tulad ng Christmas party, mahalaga na siguraduhing lahat ng dadalo ay may suot na tamang protective equipment. Responsibilidad din ng punong-abala na ipaalala sa lahat ng dadalo ang safety protocols kontra COVID-19, at pakiusapan sila na hangga’t maaari ay panatilihing may sapat na distansya mula sa isa’t isa.
Kung maaari, subukan ding idaos ang pagdiriwang sa isang outdoor location kung saan mas limitado ang espasyo na maaaring kapitan ng virus. Kung sa isang indoor location naman magaganap ang okasyon, buksan lahat bintana at pinto, at siguraduhing may sapat na ventilation sa buong lugar upang maiwasan ang posibleng viral transmission mula sa isang tao patungo sa isa pa.
Hindi kailangan na basta na lamang palipasin ang darating na holiday season nang hindi kasama ang mga mahal sa buhay at mga kaibigan ng dahil sa kinakaharap na health crisis. Basta susunod sa tamang safety protocols ay pwede pa rin naman tayong magkita-kita o magsama-sama sa darating na holiday season.
Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/two-young-ladies-giving-gifts-each-1835214940
Simplehan lang ang selebrasyon
Gaya nga ng nasabi kanina, sanay ang mga Pinoy sa mga malalaking handaan tuwing may mga mahahalagang okasyon tulad ng Pasko. Karamihan sa atin ay hindi lang isang okasyon ang pinupuntahan tuwing holiday season at kadalasan pa ay maraming hindi kilalang tao ang makakahalubilo natin. Ngayong may kinakaharap tayong pandemya, ang mga malalaking pagdiriwang na ito ay posibleng maging lugar kung saan maaaring magkahawahan ang mga dadalo.
Kaya naman mabuting isipin kung pwede bang paliitin ang guest list at gawing simple celebration ang mga pagtitipon sa darating na holiday season. Mainam na limitahan ang mga dadalo sa mga pagdiriwang sa mga malalapit na kaanak at kaibigan na siguradong hindi nahawahan ng COVID-19 sa mga nakalipas na araw o buwan. Ipagpaliban na rin muna ang malalaking handaan at subukang pakiusapan ang mga dadalo na magdala ng sariling pagkain at utensils.
Gumamit ng makabagong teknolohiya
Dahil sa mga pagsubok na dala ng coronavirus pandemic, nagkaroon ng maraming pagbabago sa paraan ng pamumuhay. Pinakita sa atin ng pandemya na mahalaga para sa ating mga pang araw-araw na pangangailangan ang iba’t ibang uri ng makabagong teknolohiya tulad ng video call applications, mobile banking, online learning, at courier delivery services. Hindi maikakailang pinagaan ng makabagong teknolohiya ang buhay ng karamihan sa mundong muntik nang tumigil dahil sa panganib na dala ng COVID-19.
Sa nalalapit na holiday season, pwedeng gamitin ang video call applications para magsagawa ng mga virtual celebrations at maiwasan ang direct contact sa ibang tao. Marami nang mga balita tungkol sa mga kasal at birthday celebrations kung saan imbis na physically present ay virtual guests ang lahat ng dumalo sa pagdiriwang. Mainam na paraan ito para makasama pa rin ang lahat ng mahal sa buhay habang nakakaiwas sa panganib na dala ng coronavirus.
Bukod sa paggamit ng video call applications, mabuti ring gumamit ng online selling at courier delivery platforms para maihatid ang regalo sa mga mahal sa buhay. Kung gagamit ng mga virtual store at online delivery services, hindi na kailangan pang lumabas para makipasiksikan sa mga mataong pamilihan na tiyak lalo pang dudumugin ng mga mamimili ngayong papalapit na ang December.
Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/happy-indian-child-kid-girl-wearing-1832246623
Nabalot man ng ‘di kasiguraduhan ang buong taon dahil sa panganib na dala ng COVID-19, magagawan pa rin ng paraan ng mga Pinoy para ipagdiwang ang Pasko. Kailangan lang maging wais kung papaano ipagdiriwang ang mga darating na mga okasyon. Laging tatandaan at isasabuhay ang lahat ng COVID-19 safety protocols dahil prayoridad pa rin dapat ang pagsugpo sa kumakalat na virus.
Hindi matatawaran ang halaga ng maayos na kalusugan. Lalo na ngayon sa panahon ng pandemya, marahil ang pinakamahalagang aguinaldo na maibibigay natin sa ating sarili at sa mga mahal sa buhay ay regalo ng kalusugan.
Source: