Para sa mga bata, isang malaking abala ang pagkakaroon ng lagnat. Hihina ang resistensya nila, at hindi sila makakapasok sa eskwelahan o makakapaglaro kasama ang kanilang mga kaklase at kaibigan. Bilang mga magulang, importante na alam natin ang mga bagay na pinagmumulan ng lagnat, para malaman natin kung paano ito gamutin, at kung ano na rin ang pwedeng gawin para maiwasan ito.
Bago ito, tandaan muna na ang mismong lagnat ay hindi isang sakit, kung hindi isang sintomas lamang ng ibang kondisyon. Ang ilan sa mga kondisyon na madalas na nagiging sanhi ng lagnat ay ang bacterial o viral infection, at allergy. Pero minsan, may mga gamot rin na nagdudulot ng lagnat. Daanan natin ang ilan sa mga causes of fever in children.
Viral Infection
Sa mga bata, ang madalas na sanhi ng lagnat ay ang viral infection ng respiratory system, na binubuo ng ilong, bibig, lalamunan, baga, at iba pa.
Karaniwang hinahati ang viral respiratory infection sa dalawa: ang upper respiratory infection, at ang lower respiratory infection.
- Upper respiratory infection: Tulad ng common cold o sipon at influenza, ang upper respiratory infection ay kondisyon kung saan ang sintomas ay nararamdaman sa ilong at lalamunan.
- Lower respiratory infection: Nakikita naman ang sintomas nito sa trachea, airways, at lungs o baga. Viral pneumonia, bronchiolitis, at croup o ang pamamaga ng trachea ay ilan sa mga halimbawa nito.
Nagdadala ng lagnat na umaabot ng 37.8 hanggang 40°C ang mga viral infection. Maliban dito, narito ang iba pang sintomas na dulot nito:
- Paghina ng ganang kumain
- Masakit na lalamunan at ubo
- Sakit ng ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan
- Lethargy o panghihina
Pahinga at sapat na fluid intake ang magandang gamot para sa viral infection ng mga bata, lalo na kung hindi gaanong malala. Kung nasa edad na, pwede rin silang mabigyan ng mga acetaminophen o anti-inflammatory na gamot para sa lagnat, o kaya naman ng decongestant para sa sipon.
Para naman makaiwas sa lagnat na dala ng viral infection, turuan ang mga bata ng good hygiene – tama at madalas na paghugas ng kamay at mga kagamitan sa araw-araw, at pag-iwas sa mga may sakit. Pabakunahan rin sila kapag umabot na ng anim na buwan pataas. Ang pagkuha ng flu vaccine ng isang beses kada taon ay may malaking epekto para sa pag-iwas sa sakit.
Bacterial Infection
Karamihan ng bacteria sa ating katawan ay harmless o hindi nakakapinsala – tumutulong sila sa digestion, pumapatay ng cancer cells, o nagbibigay ng karagdagang nutrisyon. Subalit kung may paglaganap ng masasamang bacteria sa katawan, nagkakaroon tayo ng bacterial infection. Pulmonya, meningitis, food poisoning, at sore throat ay ilan lamang sa mga sakit na maaring dalhin ng bacteria.
Kung ito ang nararamdaman ng bata na nilalagnat, baka bacteria ang sanhi ng sakit niya:
- Sintomas na tumatagal ng lagpas 10 araw, at hindi gumagaling
- Lagnat na umaabot ng 38.8°C
- Pagsusuka
- Hindi pag-ihi ng anim hanggang walong oras
- Dilaw o berde na plema
Mainam na dahlin na siya sa doktor kung ganito ang pakiramdam niya. Kapag napag-alaman na bacterial infection nga ang sanhi ng lagnat at iba pang sintomas niya, malamang ay bibigyan siya ng antibiotics ng kanyang doktor. Siguraduhin na sundin ang utos ng doktor tungkol sa tamang pag-inom ng antibiotics. Ito ay para hindi magkaroon ng antibiotic resistance ang bata, o ang pagkakataon kung saan wala nang epekto ang mga antibiotic sa katawan niya.
Allergy
Isa sa mga sintomas ng allergic reaction ang sipon, kaya nagkakaroon ng buildup ng mucus sa ilong. Kapag nangyari ito, nagiging breeding ground ang ating sinuses para sa bacteria – kaya may tiyansa na magka-infection ito.
Maaring allergic reaction ang sanhi ng lagnat kung kamakailang na-expose ang bata sa allergens, tulad ng alikabok, buhok, o usok. Makakaramdam sila ng mga sintomas na ito kasama ang lagnat:
- Sipon na tumutulo
- Makati at may tubig na mata
- Pagbahing at pag-ubo
- Masakit na lalamunan o sore throat
Kung may suspetsa na allergic reaction ang sanhi ng lagnat, bumisita na sa doctor o allergist. Madalas, antihistamine ang gamot na ibibigay para gumaling.
Tandaan rin na mahalaga ang pag-iwas sa mga allergen, para hindi ma-trigger ang masamang reaction.
Iwasan ang Pagkakaroon ng Lagnat
Mula bacteria na tumitira sa katawan, hanggang sa mga bagay sa kapaligiran, marami ang pwede maging sanhi ng fever o lagnat ng mga bata. At dahil marami silang pisikal na aktibidad sa loob at labas ng paaralan, mataas ang posibilidad na ma-expose sila dito. Ngunit may mga paraan pa rin para maiwas natin sila sa sakit. Bigyan sila ng tamang nutrisyon, turuan sila ng good hygiene, at pabakunahan sila laban sa iba’t ibang kondisyon. At kung dapuan pa rin sila ng mga sakit, alagaan sila ng tama at dalhin sa doktor at nang mabigyan ng tamang payo at gamot para gumaling.
References:
- https://www.healthline.com/health/allergies/can-allergies-cause-a-fever#treatment
- https://www.emedicinehealth.com/fever_in_children/article_em.htm#what_causes_fever_in_children
- https://www.emedicinehealth.com/slideshow_pictures_bacterial_infections_101/article_em.htm
- https://www.msdmanuals.com/home/children-s-health-issues/viral-infections-in-infants-and-children/overview-of-viral-respiratory-tract-infections-in-children
- https://www.msdmanuals.com/home/children-s-health-issues/respiratory-disorders-in-infants-and-children/croup
- https://www.parents.com/health/cold-flu/flu/bacterial-infections-101/
- https://www.ritemed.com.ph/articles/mga-dapat-malaman-tungkol-sa-lagnat-ng-bata
- https://www.webmd.com/a-to-z-guides/bacterial-and-viral-infections#1