Dahil sa mga madalas na aktibidad ng mga bata, tulad ng paglalaro, paglabas kasama ang mga kaibigan at kapamilya, at araw-araw na pag-aral, nagiging prone sila sa maraming sakit at sintomas. Isa na sa mga ito ay ang lagnat, o fever.
Di tulad ng karaniwang kaalaman, ang lagnat o fever ay hindi isang sakit, kung hindi sintomas ng iba pang kondisyon. Kabilang sa mga ito ang:
- Trangkaso o flu
- Tonsillitis
- Sakit sa bato tulad ng UTI
- Diarrhea
- Bulutong tubig o chicken pox
- Sakit sa tiyan
- Dengue
Kung mayroong mga sakit na ito, hindi malayong magkalagnat ang mga bata. Minsan, tuloy-tuloy ang lagnat nila, pero minsan may pabalik-balik na lagnat sila sa haba ng ilang araw. Sa ibang panahon naman, ang nararamdaman nila ay lagnat sa loob. Sa ibang salita, ito ang sinat o mild fever. Kung may sinat ang bata, ang ibig sabihin nito ay mag-uumpisa pa lang ang lagnat niya o kaya naman pawala na ito. Alinman dito ang kondisyon, abangan ang mga senyales na ito para malaman kung tumataas na ang lagnat ng mga bata:
- Temperature na lumalampas sa 37.8°C
- Pananakit at panghihina ng katawan
- Panginginig dahil sa ginaw
- Pagkahilo at pagsusuka
- Kawalan ng ganang kumain
Anu-ano ang mga Gamot sa Lagnat?
Lubos na nakakabahala para sa mga magulang ang pagkakaroon ng lagnat ng kanilang mga anak. Maaring hindi sila makakapag-aral ng mabuti, at mawawalan sila ng sapat na lakas para lumabas at gumawa ng iba’t ibang aktibidad, kasama man ang kanilang pamilya o mga kaibigan. Maliban dito, hihina rin ang katawan nila.
Buti na lang, maraming mga paraan kung paano mawala ang lagnat, gamot man o mga home remedy. Subukan ang mga ito upang bumuti ang kondisyon ng ating mga inaalagaang anak.
Unang-una, painumin sila ng sapat na dami ng tubig sa loob ng isang araw. Dehydration ang isang nagpapalala sa lagnat, dahil nawawalan ng fluids ang katawan gawa ng mga sakit. Mahalaga na maibalik ang nawalang tubig na ito, kaya naman imbes na softdrinks at powdered juice ang pinapainom natin sa mga bata, mas mainam nang dagdagan ang water intake nila.
Para naman lumamig at maging presko ang pakiramdam nila, bigyan sila ng isang sponge bath. Kumuha lamang ng tuwalya o spongha, basain ito gamit ang maligamgam na tubig at ipunas sa bata. Pwede ring lagyan ng kaunting sabon ang tuwalya, para tuluyan na silang mapaliguan. Punasan na lamang ulit sila gamit ang nabanlawan na tuwalya, upang matanggal ang sabon. Sa paraan na ito, hindi lamang bubuti ang pakiramdam nila, kung hindi bababa rin ang temperatura nila dahil mawawala ang init sa kanilang katawan. Isa pang kahawig pamamaraan ng paggamot sa lagnat ang paggamit ng cold compress. Maglagay ng isang malamig na tuwalya sa noo ng bata, para lumabas ang init sa kanyang katawan. Mag-prepare lang ng maliit na tuwalya, at ibabad ng saglit sa malamig na tubig.
Bukod pa sa dalawang paraan na ito, makakatulong din ang pagsuot ng presko at komportableng damit, at ang pag-expose ng bata sa sapat na hangin, gawa man ng bentilador o ng bukas na bintana. Salungat sa maaring nakasanayan na natin, hindi gaanong mabuti ang pagpilit sa bata na mamawis para lumabas ang init ng katawan, sa pamamagitan ng pagbalot sa kumot o makapal na damit, at sa paglagay sa mainit na lugar. Mas maganda ang epekto ng mga nabanggit na paraan ng pagpapapresko sa kanila.
Meron ding mga gamot na pwedeng inumin para mawala ang lagnat. Ang Paracetamol ay ang madalas na pinapainom sa mga bata kapag nilalagnat sila. Ito ay nakakapagpababa ng lagnat at nakakabawas ng pananakit ng ulo at katawan, Kung 2-6 na taon ang bata, painumin sila ng ½-1 teaspoon ng Paracetamol tatlo hanggang apat na beses sa isang araw. Kapag 7-12 na taon naman na sila, pwede nang dagdagan ang dosage. Bigyan sila ng 1-2 teaspoons ng gamot, tatlo o apat na beses rin sa loob ng isang araw. Pero mainam na ring magtanong sa inyong pediatrician, para makapagbigay siya ng mas tamang dosage na naaayon sa kalagayan ng bata.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga paraan kung paano gamutin ang lagnat ng mga bata. Maaring mangyari na kahit gawin ang ilan sa mga ito, hindi mawawala ang lagnat o fever nila. Kapag lumipas na ang tatlo hanggang limang araw at may lagnat pa rin sila, magpatingin na sa doktor para masuri ang bata ng mabuti.
Mahirap na magkalagnat ang ating mga anak. Dahil dito, importante na manatili silang malusog, para maiwas sila sa mga sakit. Bigyan sila ng tamang pagkain at sapat na ehersisyo, siguraduhin na nakakakuha sila ng katamtamang dami ng pahinga, at turuan rin sila ng mga paraan para maalagaan ang kanilang personal hygiene. Gawin ang mga ito para kahit bata pa lamang sila, marunong na silang ingatan ang kanilang katawan at makaiwas sa sakit.
References:
- http://lagnat.info/lagnat-sa-loob/
- http://kalusugan.ph/lagnat-o-sinat-kaibahan-ng-dalawang-kondisyon/
- https://www.medicinenet.com/aches_pain_fever/article.htm
- https://www.ritemed.com.ph/articles/mga-dapat-malaman-tungkol-sa-lagnat-ng-bata
- https://www.ritemed.com.ph/products/rm-paracetamol-250-mg-5-ml-syrup