9 na Karaniwang Sakit ng Mag-anak

March 28, 2018

Ang masayang pamilya ay kadalasang magkakasama sa paglalaro, pag-eehersisyo, panonood ng sine, at sa hapag-kainan. Tiyak na nakakatuwa pag tayo ay may mga kasalamuha sa mga pang-araw-araw na gawain, ngunit sa dahilan ding ito madalas na nagkakahawahan ng sakit ang mag-anak. Mayroon ding mga sakit, gaya ng heart attack at cancer, na namamana sa pamilya. Ating alamin ang mga naturang sakit upang sila ay maiwasan o mabigyan ng wastong lunas.

 

Mga nakakahawang sakit

Maraming karamdaman ang maaaring makuha sa pagkakahawa sa taong may sakit, kaya kung minsan, kapag may sakit ang isang family member, nahahawa ang karamihan sa mag-anak. Ang communicable diseases o mga sakit na nakakahawa ay naipapasa nang dahil sa plema, dugo, hininga, laway, at pakikipagtalik. Maaari ring mahawa pag nakahawak ng kontiminadong bagay at naipasok ang nilalamang mikrobyo nito sa katawan.

  • Ubo at sipon – Ang ubo at sipon ay isa sa mga pinakaraniwang sakit sa buong mundo at madalas itong kumalat sa sambahayan dahil kapag malanghap o maipasok sa katawan ang cold virus, pwedeng kang magkasakit sa loob ng 1 – 3 araw. Hindi delikado ang ubo at sipon at maaari kang makakuha ng proteksyon kung malakas ang iyong katawan.
  • Sore throat – Ang sore throat ay kadalasang sintomas ng ubo at sipon, ngunit maaari rin itong makuha kapag may nakapasok na streptococcus bacteria sa katawan sa kaparehong paraan ng cold virus. Dahil ito ay bacterial infection, kailangan mong uminom ng antibiotic para gumaling.

 

undefined 

Image from Pixabay

 

  • Diarrhea – Hindi lamang sa panis na pagkain pwedeng makuha ang diarrhea; kapag nakapasok ang rotavirus sa katawan, maaari ka ring magkaroon nito. Para makaiwas, ugaliing hugasan ang kamay nang mabuti pagkatapos dumumi at bago kumain. Sabihan din ang mga anak na gawin ito. Kung ikaw ay mayroong diarrhea, maraming nabibiling gamot sa mga botika.
  • Hepatitis – Lubhang nakakahawa ang iba’t ibang uri ng hepatitis dahil maaaring makuha ang mga virus na sanhi ng sakit sa particles ng dumi ng tao, kontaminadong tubig at pagkain, pakikipagtalik, at kontaminadong dugo. Maging malinis sa katawan at hugasan nang mabuti ang mga pagkain bago iluto para makaiwas. Magpatingin agad sa doktor kung ikaw ay may hepatitis.
  • Tuberculosis – Tulad ng ubo at sipon, nakukuha ang tuberculosis kung nalanghap o naipasok sa katawan ang mikrobyo. Matagal pagalingin ang sakit kaya umiwas sa mga taong umuubo at maging malinis sa katawan. Pumunta sa pagamutan kapag nagkaroon ka nito.

 

Mga sakit na namamana

undefined

Image from Pixabay

 

May mga sakit na nakukuha nang dahil sa genes ng mga magulang, kaya may mga pamilya na mas madaling kapitan ng mga sakit tulad ng cancer, diabetes, at heart disease. Ating talakayin ang ilan sa mga ito.

  • Heart disease – Kapag sinabing heart disease, ito ay iba't ibang sakit sa puso at kabilang dito ang rheumatic heart disease at heart attack. Tumungo agad sa pagamutan kung mayroon nito sapagkat sensitibong bahagi ng katawan ang puso.
  • Cancer – Napapagaling ang ilang cancer kung maaga itong na-diagnose at naagapan. Upang malaman kung mayroon kang cancer, ugaliing magpa-checkup regularly sa doctor lalo na kung may kakaibang nararamdaman.
  •  Diabetes – Gaya ng naunang dalawang sakit na natalakay, delikado ang diabetes dahil maaari nitong maapektuhan ang iba’t ibang parte ng katawan kung hindi maaagapan. Ang kawalan ng kakayahan ng katawan na gamitin nang mabuti ang nakaing asukal ang sanhi nito.
  •  Hypertension – Namamana ang hypertension o high blood, na isa sa mga sanhi ng heart disease, kaya magkaroon ng healthy diet at ugaliing mag-ehersisyo araw-araw. 

Upang makaiwas o makita na may malubhang karamdaman, huwag kakalimutang magpa-check-up taon-taon. Nakakaabala man ito, magiging ligtas ka naman sa mga sakit.