Gamot sa Flu o Trangkaso

July 11, 2016

Photo from Pixabay

 

Tuwing tag-ulan, marami ang nagkakasakit, at isa sa pinakalaganap na karamdaman ay ang influenza (flu) o trangkaso. Ang flu virus ay lumalakas at madaling kumakalat dahil sa humidity at mababang temperatura na dala ng panahon, kung kaya dapat lagi kang may supply ng anti-viral medicine at paracetamol kapag mataas ang iyong lagnat.

 

Upang malaman ang mga sanhi, sintomas, at gamot sa trangkaso, ating talakayin nang husto ang nasabing sakit.

 

Depinisyon ng trangkaso

 

Ang trangkaso ay isang nakakahawang sakit na umaatake sa ating respiratory system. Nagdudulot ito ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, at pagbubuo ng makapal na plema sa respiratory system. Ang karamdaman ay nagmumula sa flu virus, na mabilis na kumakalat sa katawan kapag ito ay nakapasok.

 

Karaniwan, ang flu ay self-limiting o kusang gumagaling, ngunit maaari itong magbunga ng mga komplikasyon para sa mga taong mahina ang immune system, matatanda, mga bata, matataba, at may mga malulubhang karamdaman gaya ng diabetes, heart disease, at sakit sa bato.

 

Mga sintomas ng trangkaso

 

Photo from Pixabay

 

Sa simula, ang trangkaso ay madalas na napagkakamalang simpleng kaso ng lagnat at sipon. Subalit, bigla na lamang makakaramdam ng pananakit ng katawan at lubos na panghihina. Ang lagnat ay bigla ring tumataas, kadalasang lumalampas sa 38C (100F) ang temperatura ng katawan, at sinasabayan ng sakit ng ulo.

 

Bukod dito, makakaramdam ng sore throat, pagbabara ng plema sa ilong at lalamunan, at panlalamig. Mabuting magpatingin sa doktor kapag sadyang nahirapan sa karamdaman.

 

Paano nakukuha ang trangkaso?

 

Ang trangkaso ay nakakahawa. Maaaring makuha ang sakit kapag nalanghap ang mga patak na galing sa ubo ng taong mayroong trangkaso. Kumakapit din ang virus sa mga bagay na dinadapuan ng mga nasabing patak, gaya ng pagkain, cellphone, at damit. Tandaan na kahit hindi malanghap ang virus, maaring magkaroon ng trangkaso kapag nakapasok ito sa katawan.

 

Mga gamot sa trangkaso

 

Ang pangkaraniwang kaso ng trangkaso ay napapagaling ng bed rest o pagpapahinga at pag-inom ng maraming tubig. Huwag uminom ng antibiotics, dahil wala itong bisa. Bacteria ang pinupuksa nito at hindi virus. Maaaring sabayan ng mga pain killer at gamot sa sipon ang mga nasabing lunas sa trangkaso kapag mahirap tiisin ang mga sintomas ng sakit.

 

Paano maiiwasan ang trangkaso?

 

Photo from Pixabay

 

Ang mga klinika at ospital ay mayroong bakuna para sa trangkaso. Maliban dito, maaaring maiwasan ang sakit kapag ikaw ay malinis sa katawan at laging naghuhugas ng kamay bago kumain. Gumamit din ng hand sanitizer bago ilapit ang mga kamay sa mukha para makasiguro.

 

Umiwas din sa matataong lugar. Tandaan na maaaring malanghap ang flu virus sa simpleng ubo. Kung hindi maiiwasan, magsuot ng face mask o takpan ang ilong at bibig kapag may taong umuubo. Iwasan din ang pag-inom sa baso o paggamit ng mga personal bagay ng taong mayroong trangkaso.

 

Kung ikaw naman ay tinatrangkaso, takpan ang bibig at ilong ng tissue kapag umuubo. Itapon agad ang tissue para hindi makahawa ng iba. Sabihin din agad sa mga kasama na ikaw ay may trangkaso upang hindi sila makiinom sa iyong baso.

Ngayong tag-ulan, magiging laganap na naman ang influenza, ngunit huwag kang mabahala. Maaari namang maiwasan ang sakit kapag ikaw ay maingat at may malinis ang pangangatawan. Kung sa tingin mo ikaw ay nahawahan, kumonsulta agad sa iyong doktor. Ibibigay niya ang mga wastong gamot na magpapabilis ng iyong paggaling.