Paano Iwasan ang Flu Ngayong Tag-Ulan

July 30, 2018

Ngayong panahon ng tag-ulan, importanteng malaman ang iba’t ibang mga sakit na na dala nito at isa sa pinaka-common sa sakit tuwing tag-ulan ay ang flu. Ang flu o mas kilala sa tawag na trangkaso ay isang pangkaraniwang sakit na sanhi ng impeksyon na nakakaapekto sa ilong, lalamunan at baga. Ayon sa WHO (World Health Organization), halos bilyon-bilyung tao ang naaapektuhan nito kada taon dahil mabilis kumalat ang virus mula sa sipon, lagnat at ubo. Kung kaya’t importanteng malaman ang iba’t ibang paraan para maiwasan ito ngayong tag-ulan.

 

Paano maiiwasan ang flu?

Ang flu o trangkaso ay isang viral infection, kaya madaling mahawa o magkaroon nito. Ayon sa DOH (Department of Health), maaring lumala ang sakit kung naisalin ang flu virus. Para hindi mabilis mahawaan ng flu, importante ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa vitamin c upang mapanatiling makalas ang resistensya ng katawan sa mga sakit. Maliban dito, ito ang  iba’t ibang paraan ng flu prevention:

 

  1. Paghugas ng kamay

Dahil ang flu o trangkaso ay isang virus, kinakailangang ugaliin ang paghugas ng kamay. Ang mga viruses ay hindi nakikita ng ating mga mata, kung kaya’t ang paghugas ng kamay ay isang magandang paraan para maiwasan ito.

  1. Magbaon ng alcohol o hand sanitizer

Maliban sa paghugas ng kamay, maganda din na may baong alcohol o hand sanitizer para ito ang gagamitin kung hindi pwede hugasan ang kamay.

  1. Magpabakuna

Ang bakuna sa young adults ay nagbibigay ng 65% hanggang 80% na proteksyon laban sa sakit at 30% hanggang 40% naman sa matatanda. Magandang magpabakuna bago magsimula ang flu season na kasabay ng tag-ulan sa bansa.

  1. Uminom ng vitamins

Kung ang pagkain ay hindi sapat na pagkukunan ng vitamins, mainam din kung umiinom ng vitamins kagaya ng ascorbic acid para lumakas ang resistensya mula sa sakit.

  1. Wag maki-inom sa ibang baso

Ang pag-inom sa baso ng isang taong mayroong flu o trangkaso ay maaaring magdulot ng sakit, kung kaya’t dapat may sariling baso na ginagamit at iwasang maki-inom sa ibang baso.

  1. Wag maki-subo sa ibang kubyertos

Kagaya ng pag-inom sa ibang baso, maaari din panggalingan ng flu virus ang kubyertos ng isang taong may flu o trangkaso.

  1. Uminom ng maraming tubig

Ayon sa mga eksperto, ang pag-inom ng sapat na tubig ay nakakatulong sa kalusugan ng isang tao kaya kinakailangan ito para lumakas ang resistensya mula sa flu o trangkaso.

  1. Matulog ng sapat

Ang pagtulog ng walong oras ay nakakabuti sa katawan. Kung kulang ang tulog ng isang tao, mas madaling kapitan ng sakit, gaya ng flu o trangkaso.

  1. Iwasang mabasa sa ulan

Dahil tag-ulan, maaaring kapitan ng mga sakit kagaya ng sipon, ubo at iba pa. At kung mayroong sakit, mas madaling kapitan ng flu o trangkaso, kaya siguraduhin na laging may baon na payong at jacket.

 

Para hindi basta-basta magkaroon ng flu, ugaliing palakasin ang iyong immune system. Maging mas maingat lalo na kapag nasa iisang bahay kayo ng isang taong may lagnat. Tiyakin rin na ikaw ay palaging naghuhugas ng kamay. Kung maaari, iwasan muna makisalamuha sa taong may flu habang meron pa siyang sakit.

 

Source: