Dahil sa pandemya, marami sa mga Pilipino ang may kagustuhan palakasin ang kanilang immune system gamit ang ascorbic acid. Ito ay dahil sa mga benepisyong dulot ng bitaminang ito.
Ano Nga Ba ang Ascorbic Acid?
Ito ay isang uri ng bitamina na natural na nakukuha mula sa mga gulay at prutas, lalo na sa mga sitrus. Ilan sa mga pagkaing mayaman sa vitamin C ay ang mga sumusunod:
- Orange
- Sili
- Strawberry
- Broccoli
- Patatas
Bukod sa pagkain, maaari ring makuha ang nutrient na ito mula sa mga vitamin C supplements tulad na lamang ng RM Ascorbic Acid 500 mg Tab.
Benepisyo ng Ascorbic Acid
Ang pag-absorb ng sapat na dami ng ascorbic acid ay nakakatulong upang mapalakas ang immune system ng isang tao. Dahil sa benepisyong ito, nakakatulong ang vitamin C para maiwasan ang pagkakaroon ng sipon at iba pang uri ng sakit.
Nakakatulong din ang bitaminang ito para mapabilis ang pagpapagaling ng sugat, mapalakas ang buto, at mapabuti ang kapasidad ng utak ng isang indibidwal. May mga pag-aaral ding nagpapakita na nakakapagpanatili ng kalusugan ng balat ang ascorbic acid.
Gaano Karaming Ascorbic Acid ang Dapat Mong Inumin?
Ang bitaminang ito ay water-soluble o natutunaw sa tubig. Salungat sa mga oil-soluble na nutrients, and ascorbic acid ay hindi naiimbak sa katawan ng isang tao. Sa halip, ito ay napupunta sa mga tissue at ang sobra ay nailalabas sa pamamagitan ng ihi. Dahil dito, kailangang dagdagan ang dami ng ascorbic acid sa katawan ng isang indibidwal kada araw.
Para sa karamihan, sapat na ang isang orange, isang cup ng strawberry, ginayat na sili, o isang broccoli upang makuha ang dami ng vitamin C na kailangan nila para sa isang araw. Sapat na ito para mapunan ang 65 hanggang 90 mg ng ascorbic acid na kailangan ng isang adult kada araw.
Posible Bang Masobrahan sa Ascorbic Acid?
Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/men-have-contraction-stomach-pain-diarrhea-1492538951
Kapag nasobrahan ng ascorbic acid ang isang indibidwal dahil sa pagkain ng labis na pagkaing mayaman sa bitaminang ito o pag-inom ng sobrang vitamin C supplement, maaari siyang makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagtatae
- Pagkahilo
- Pagsusuka
- Heartburn
- Pananakit ng tiyan
- Pagsakit ng ulo
- Insomnia
Bukod sa mga sintomas na nakalista sa taas, maaari ring mapataas ng labis na ascorbic acid sa katawan ang tyansa na magka-kidney stone ang isang tao. Ito ay dahil ang bitaminang ito ay pangkaraniwang lumalabas mula sa katawan sa form ng oxalate. Kadalasan, nailalabas ang oxalate sa pamamagitan ng pag-ihi. Pero kapag may sobra-sobrang oxalate sa katawan dahil sa labis na vitamin C, hindi nailalabas lahat ng ito. Kapag nagtagal, may tyansang dumikit ang oxalate sa iba pang mineral sa katawan at bumuo ng crystals na pwedeng maging kidney stones.
Paano Malunasan ang Sintomas na Dulot ng Labis na Ascorbic Acid?
Kalimitang nawawala ang mga sintomas tulad ng pagtatae at pagkahilo kapag binawasan o itinigil ng isang tao ang pag-inom ng ascorbic acid. Para naman sa mga malalang sintomas tulad ng kidney stone, kakailanganing bumisita sa doktor para malunasan ito.
Ang lahat ng mabuti, kapag sobra, ay nakakasama rin. Ganito rin sa ascorbic acid. Kahit gaano pa karami ang benepisyo na naibibigay nito, maaari pa rin itong makasama sa kalusugan ng isang tao kapag labis ang naabsorb ng kanyang katawan.
Sources:
https://www.healthline.com/nutrition/side-effects-of-too-much-vitamin-c
https://www.nhs.uk/conditions/vitamins-and-minerals/vitamin-c/
https://www.healthline.com/nutrition/side-effects-of-too-much-vitamin-c#kidney-stones
https://www.ritemed.com.ph/products/rm-ascorbic-acid-500-mg-tab