Gamot sa headache o sakit ng ulo

May 16, 2016

Photo courtesy of geralt via Pixabay

 

Maraming pwedeng maging dahilan ng pananakit ng ating ulo. Kung sumasabay ito habang ikaw ay nagbabasa o nagtatrabaho sa harap ng computer, maaaring may diprensya ang iyong mga mata. Samantala, normal naman na sumakit ang ating ulo kung tayo ay labas pasok sa malamig at mainit na lugar. Maaari rin na dulot lang ito ng sobrang stress at tension.

 

Bagama’t hindi pang matagalan ang suliraning ito at maaring mawala din, nakababawas ang pananakit ng ulo sa ating pagiging produktibo lalo na sa trabaho. May mga bagay tayong maisasakripisyo kaya’t nararapat lamang na paglaanan natin ito ng pansin.

 

Ipahinga ang iyong katawan

Makatutulong ang pagpapahinga upang maibsan ang pananakit ng ulo. Tiyaking mahiga ng komportable sa isang tahimik na silid, at sikaping i- turn off ang mga gadgets tulad ng cellphone o laptop upang ma-relax ang iyong mga mata at ulo.

 

Hindi mo lamang maipapahinga ang iyong katawan kundi mawawala rin ang stress na siyang nagdudulot ng sakit ng ulo. Magpahinga ng ilang oras o hanggang sa bumuti na ang iyong pakiramdam.

 

Hot Shower

Mabuting paraan din ang hot shower upang mapakalma ang mga tensiyonadong muscle na nagpapasakit ng ating ulo. Hayaang dumampi sa iyong katawan ang tubig at sikaping mag relax. Kalimutan muna ang mga iniisip sapagkat dumadagdag din ang mga ito sa stress na iyong nararanasan.

 

Higit itong kailangan kung dala ng mainit na panahon ang pananakit ng ating ulo lalo na ngayong summer season.

 

Photo courtesy of PublicDomainPictures via Pixabay

 

Hot and Cold Compress

Mabisang gamot din ang pagdadampi ng mainit at malamig sa iyong batok at leeg o depende sa bahaging nanakit.  Ito rin ay tinatawag na hot and cold compress. Unahing idampi ang hot compress ng ilang minuto at ulitin ito gamit naman ang cold compress. Ipagpatuloy ito sa loob ng dalawangpung minuto o hanggang sa maging maaliwalas na ang iyong pakiramdam.

 

Pagpapahid ng Ointment

Ang pagpapahid ng menthol na ointment sa ulo ay makatutulong din upang maibsan ang sakit sa ulo. Ang cooling sensation hatid nito ay nagpapagaan sa pakiramdam at sumusuot nga sa ating balat upang maibsan ang pananakit. Maaaring ipahid ito sa sentido o noo o kaya naman ay amuy-amoyin ang naturang ointment.

 

Mga Inuming may Caffeine

Ang mga inuming tulad ng kape at tsaa ay nagtataglay ng caffeine na mabisang panlunas sa pananakit ng ulo. Ang caffeine ay sangkap din ng mga gamot na mabibili panlunas sa sakit ng ulo tulad ng sa luya.

 

Photo courtesy of shixugang via Pixabay

 

Kung pabalik-balik ang pananakit ng ulo at malala na ang sakit, mas mabuting kumonsulta na sa doktor. Hindi natin dapat ipagsawalang bahala ang simpleng pananakit ng ulo, sapagkat maaaring may mas malalim na dahilan kung bakit natin ito nararanasan.


Bagama’t maraming paraan upang malunasan ang pananakit ng ating ulo, mas makabubuti pa ring gumawa ng hakbang kung paano ito maiiwasan. Mas magpapagaan ito ng ating katawan at makatutulong upang tayo ay mas maging produktibo sa araw-araw.