Ayon sa Department of Health (DOH), halos 50% ng mga tao ang nakakaranas ng headache o sakit ng ulo sa tala ng kanilang buhay. Sa sobrang karaniwan ng sakit na ito, maging bata o matanda ay pwedeng makaranas ng sakit sa ulo. Pag-uusapan natin ang mga dapat mong malaman tungkol sa headache at ang mga paraan para maiwasan ang pagiging sagabal nito sa pang araw-araw na buhay.
Ano nga ba ang sakit sa ulo?
Ang kondisyong ito ang pananakit ng isang bahagi ng ulo o ng kabuuan nito dahil sa iba’t ibang factors. Hindi ito dapat mapagkamalang kapareho ng pagkahilo, dahil kadalasan ay walang kasamang sakit ang dizziness – sadyang parang umiikot lamang ang paningin o paligid. May ilang kaso naman na may halong pagkahilo ang pananakit ng ulo.
Anu-ano ang mga klase ng sakit ng ulo?
Depende sa kung ano ang naging sanhi ng sakit sa ulo, maaaring matukoy kung anong uri ng headache ang nararanasan ng isang tao. Ilan sa mga ito ang:
- Migraine
Ang sakit ng ulo na ito ay nagdadala ng pulsing sensation o ang pagkitib ng isa o dalawang side ng ulo. Kadalasan, ang mga sintomas ng migraine ay ang pagsusuka, pagkahilo o nausea, at matinding pagka-sensitive sa liwanag at tunog. Maaari itong umabot ng ilang oras hanggang ilang araw depende sa pagkalubha nito. Namamana rin ang klase na ito ng sakit ng ulo. Madalas na ginagamit na gamot sa migraine ang paracetamol.
- Sinus Headache
Madalas na napagkakamalang migraine ang uri ng sakit sa ulo na ito. Sanhi ang headache na ito ng allergic reaction o infection sa sinuses o ang spaces sa loob at pagitan ng noo, cheekbones, at likuran ng bridge ng ilong. Dahil sa trigger ng allergy o impeksyon, nagiging inflamed ang sinuses, dahilan para dumami ang mucus o uhog na bumabara sa ilong. Nagkaka-pressure sa sinuses dahil dito kaya nagkakaroon ng sinus headache. Ilan sa sintomas nito ang runny nose, pagkabingi, lagnat, at pakiramdam na namamaga ang mukha.
- Tension Headache
Ito naman ang pinaka-common na uri ng sakit ng ulo na nararanasan. Maaaring samahan ito ng pain sa ulo, leeg, at mga mata. Madalas ding sinasabi na ang sakit ng ulo na ito ay nararanasan sa bandang noo. Maraming posibleng sanhi ang ganitong pananakit ng ulo gaya ng pagkain, stress, matagal na pagbababad sa computer o gadgets, pagod, at bisyo.
Ano ang iba’t ibang sintomas ng pananakit ng ulo?
Halos pare-pareho ang mga sintomas ng migraine, sinus headache, at tension headache. Sa kabuuan, ang karaniwang sintomas ng sakit sa ulo ang mga sumusunod:
- Masamang gising sa umaga o ang resulta ng pagpapaliban ng katawan sa pain habang nagpapahinga, dahilan para makaranas ng sakit ng ulo pagkagising;
- Kawalan ng gana kumain;
- Problema sa pagtulog o insomnia;
- Pagkapagod;
- Pananakit ng katawan;
- Pagsusuka;
- Pagkayamot o irritability; at
- Pagiging sensitibo sa ingat at liwanag.
Anu-ano ang mga dahilan ng pagsakit ng ulo?
Photo from Unsplash
Nagkakaroon ng sakit sa ulo kapag may biglaang pagbabago sa chemical reactions sa loob nito. Ilan sa mga activities na o pangyayari na nagsasanhi ng headache ang:
- Pagkanerbyos;
- Stress;
- Pagkauhaw o pagkagutom;
- Pagkakaroon ng sakit gaya ng sipon o lagnat;
- Matagal na exposure sa computer o gadgets;
- Pagkakaroon ng buwanang dalaw;
- Pabago-bagong panahon o klima; at
- Pagkakaroon ng kulang o kaya naman ay sobrang tulog.
Anong gamot sa sakit ng ulo?
Anumang klase ng headache ay tinatapatan ng pangunang-lunas gaya ng paracetamol. Nakakatulong ito magbigay ng mabilis na ginhawa mula sa pananakit ng ulo. Para sa adults at sa mga bata edad 12 years old pataas, maaaring uminom ng 1 paracetamol tablet every 4 to 6 hours.
Paalala: Huwag uminom ng higit sa 8 na paracetamol tablets sa loob ng 24 oras para makaiwas sa mga komplikasyon at overdosage.
Para naman sa mga bata, mayroon ding paracetamol syrup na maaari nilang inumin na available sa 120 mg o 250 mg tatlo hanggang apat na beses sa isang oras o base sa reseta ng pediatrician. Narito ang dosage guide para sa kids:
1 to 5 years old – 5 mL to 10 mL
6 to 12 years old – 10 mL to 20 mL
Bukod sa pagiging gamot para sa sakit ng ulo, pwede ring inumin ang paracetamol para sa sakit ng likod, menstrual cramps o pananakit ng puson dala ng regla, pananakit ng muscles, minor arthritis pain, toothache, at anumang sakit na kasama sa pagkakaroon ng sipon at trangkaso.
Ang paracetamol ay mabibili over-the-counter at hindi nangangailangan ng reseta ng doktor.
Paano maiiwasan ang sakit sa ulo?
- Umiwas sa pagkonsumo ng mga pagkain o inumin na napapansing nagdadala ng iyong sakit ng ulo. Maaaring kasama rito ang alak, chocolate, o mga pagkaing may matatapang na amoy. Magkaroon ng tamang nutrisyon at maayos na eating habits para maiwasan ang pananakit ng ulo.
- Itigil ang masamang bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak dahil nakaka-trigger ang mga ito ng headache. Masama rin ang mga gawaing ito sa overall health ng katawan.
Photo from Unsplash
- Magkaroon ng sapat na tulog at maayos na sleep schedule para mapalakas ang immune system at makapag-relax. Ang pagkapagod at mga pagbabago sa katawan na dala ng pagpupuyat ay nakakapagsimula ng sakit sa ulo.
- Ugaliing mag-exercise araw-araw. Nakakatulong ito sa pagbabawas ng mga sintomas ng sakit ng ulo dahil sa proper breathing at good blood circulation na naidudulot nito.
- Magsagawa ng stress management tips. Hindi lang physical reasons ang nagdadala ng sakit ng ulo. Siguraduhing may oras para makapag-relax, makipag-usap sa mga mahal sa bahay, at gumawa ng mga bagay na iyong kinahihiligan para mabawasan ang stress at maiwasan ang headache.
Sources:
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/headache
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/migraine-headache/symptoms-causes/syc-20360201
https://www.webmd.com/migraines-headaches/sinus-headaches#1
https://www.practicalpainmanagement.com/patient/conditions/headache/7-lifestyle-tips-help-prevent-migraines-headaches