Ang Connection ng Mental Health at Heart Disease

February 20, 2021

Malaki ang ginagampanan ng mental health sa ating kabuuang kalusugan. Naaapektuhan nito ang ating emotional, psychological, at maging ang social health. Lingid sa kaalaman ng marami, nadadamay din sa ating mental state ang ating physical health. Pag-usapan natin ang iba’t ibang epekto ng mental disorder sa katawan, lalo na sa pagkakaroon ng mga sakit o komplikasyon sa puso.

 

Napag-aralan na ang mga sumusunod na mga mental illness ay may direktang koneksyon sa pagkakaroon ng sakit sa puso:

 

  1. Anxiety – Ang mga taong nakakaranas ng ganitong mental disorder ay may mga kinatatakutang sitwasyon, kadalasan ay ang mga mangyayari pa lang o kaya naman mga scenario sa kanilang isip na hindi naman mangyayari.

 

  1.  Chronic stress – Bagama’t normal sa lahat ng tao ang napasailalim sa stress paminsan-minsan, ang chronic stress ay tumatagal at may kaakibat na mga pagbabago sa pangangatawan at behavior.

 

  1. Mood disorder – Ang ganitong mental state ay maaaring magdala ng major depression o bipolar disorder na matindi ang epekto sa mental health. 

 

  1. PTSD – Ang post-traumatic stress disorder ay pinagdadaanan ng mga taong nakaranas ng sakuna o trahedya sa kanilang buhay gaya ng aksidente, giyera, at kalamidad.

 

 

undefined

 

Image from:https://www.shutterstock.com/image-photo/young-asian-man-having-stressful-time-1686477685

 

Ayon sa mga pag-aaral, lumalaki ang risk factors ng heart disease kapag may problema sa mental health. Ang ibang mental illness ay pwedeng magdulot ng behaviors na nakakasama sa kalusugan, gaya ng kawalan ng gana kumilos o kumain.

 

May mga mental disorder naman na may diretsong epekto sa katawan gaya ng pagbilis ng heart rate at pagtaas ng blood pressure. Kapag tumagal ang ganitong mga sintomas, posibleng mauwi ito sa problema sa arteries, dahilan para mauwi nang tuluyan sa heart disease.

 

Ang mga heart function ay naaapektuhan din ng depression, anxiety, at PTSD – napag-alamang kadugtong ng heart failure, stroke, at atake sa puso ang mga mental disorder na ito. Bagama’t inirerekomenda ang pag-inom ng mga gamot para sa management ng mga sakit na ito, napapataas ng antipsychotic medications ang risk ng obesity, diabetes, at iba pang mga sakit na konektado sa heart health.

 

Ano ang pwedeng gawin para hindi mauwi sa heart conditions ang mental health problems?

 

  • Maging mapagbantay sa mga sintomas ng iba’t ibang mental illness.

 

  • Kung na-diagnose na mayroong mental disorder, kumonsulta sa iyong doktor kung ano ang mga pwedeng gawin para mapababa ang risk sa pagkakaroon ng sakit sa puso – mula sa gamot na iinumin hanggang sa mga pagbabago sa lifestyle.

 

  • Magkaroon ng regular check up sa cardiologist lalo na kung may family history ng sakit sa puso at may problema sa pagkontrol sa masamang bisyo.

 

  • Magpanatili ng lifestyle na nakakabuti sa heart health at mental health. Kasama na rito ang pagbuo ng balanse at regular na diet and exercise, sapat na pahinga, at stress management.

 

  • Huwag mag-atubiling lumapit sa mga pinagkakatiwalaang kamag-anak, kaibigan, o mahal sa buhay at maging bukas pag-usapan ang pinagdadaanang problema sa mental health.

 

 

Hindi pa huli ang lahat kung ma-diagnose man na may mental disorder. Ang maagang diagnosis ay makakatulong din para maiwasan ang mga komplikasyong kaakibat nito sa physical health, maging sa mga posibleng epekto nito sa pagkatao at sa mga importanteng relasyon sa iyong buhay.

 

 

Sources:

 

https://www.cdc.gov/heartdisease/mentalhealth.htm