Ang HIV o human immunodeficiency virus ay natukoy ng mga medical experts noong 1983 bilang pangunahing pathogen na nagdudulot ng sakit na AIDS. Marami nang pag-aaral ang nagawa tungkol sa HIV pero isa pa rin ito sa mga pinakaseryosong public health issue sa buong mundo. Bagaman napakaraming mga programa at initiatives ang ginagawa ng iba’t bang bansa at mga organisasyon, patuloy pa rin ang nakakaalarmang pagtaas ng mga kaso ng HIV.
Ayon sa datos mula sa United Nations Programme on HIV and AIDS o UNAIDS, tinatalang nasa 38 million na katao ang infected ng HIV sa buong daigdig. Nito lamang 2019 ay nagkaroon ng 1.7 million new HIV cases sa buong mundo na siya namang nagtulak sa UNAIDS na lalong paigtingin ang kanilang global campaign kontra sa paglaganap ng HIV.
Tuluyan lang mapipigilan ang paglaganap ng sakit na ito sa pamamagitan ng information campaigns patungkol sa kahalagahan ng HIV testing dahil ang pangunahing sanhi ng paglaganap nito ay ang kawalan o kakulangan ng impormasyon sa kung papaano ba nata-transmit ang virus from one carrier to the next.
Ano nga ba ang HIV?
Ang HIV ay isang virus na inaatake ang cells na siya namang panglaban ng ating katawan kontra sa mga sakit at infections. Dahil sa HIV, bumababa ang resistensya ng katawan laban sa pagdapo ng iba’t ibang uri ng karamdaman. Sa madaling salita, pinapahina ng HIV ang immune system ng katawan.
Ang pangunahing dahilan ng paglaganap ng sakit na ito ay ang unprotected sex. Napapasa ang HIV sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa isang person with HIV. Kaya naman napakahalaga ng contraceptives tulad ng condoms dahil kadalasang natatagpuan ang virus na ito sa bodily fluids tulad ng dugo, semilya, o hima.
Bukod sa unprotected sex, maaari ring mangyari ang transmission ng HIV sa tinatawag na “needle sharing” o ang paggamit ng used needle na galing sa person with HIV. Kadalasang nangyayari ang ganitong uri ng transmission dahil sa pagdodroga. Sa kasamaang-palad, maaari ring makuha ang virus ng isang sanggol kung ang kaniyang ina ay mayroong HIV sa panahon ng kanyang pagbubuntis.
Maaaring umabot sa halos sampung taon bago maramdaman ang mga sintomas ng HIV. Sa panahong ito tumataas ang tyansa na maipasa ang virus dahil lingid sa kaalaman ng person with HIV na siya pala ay infected na. Mainam na sumailalim sa regular HIV tests dahil hindi madaling mapansin ang mga unang sintomas ng HIV.
Walang kakayahan ang katawan ng tao para tuluyang ma-eradicate ang HIV at wala pang natutuklasang lunas laban dito. Kapag nagkaroon ng HIV ang isang tao, buong buhay na niya itong dadalhin.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/red-aids-ribbon-hand-327708029
Ano naman ang AIDS?
Ang AIDS o acquired immune deficiency syndrome ay ang pinakamalubhang stage ng HIV. Sinasabing mayroon nang AIDS ang person with HIV kapag hirap nang mag-function ang immune system ng katawan o kapag bumaba ang kanilang CD4 cells sa 200 cells per cubic millimeter of blood (200 cells/mm3). Isa ring tell-tale sign ng AIDS ay ang pagdalas ng opportunistic infections (OI). Ang mga OI tulad ng herpes, salmonella infection, candidiasis, at toxoplasmosis ay karaniwang nakukuha galing sa mga bacteria at parasites na pumapasok sa katawan ng tao.
Sa mga developed nations tulad ng United States, patuloy na bumababa ang bilang ng mga HIV patients na nagkakaroon ng AIDS dahil na rin sa mga makabagong gamot na kinokontra ang paglala ng HIV. Kung wala namang access sa medication ang isang HIV-AIDS patient, kadalasan ay tumatagal lamang ng hanggang tatlong taon ang kanilang buhay. Kapag nagkaroon naman ng opportunistic illness ay lalo pang bumababa ang life expectancy ng isang taong mayroong HIV-AIDS.
Kaya naman labis ang pagpapahalaga ng medical experts sa importansya ng HIV testing upang mabigyan agad ng agarang lunas ang isang HIV patient at maagapan ang pagkakaroon ng AIDS.
HIV-AIDS sa Pilipinas
Kung titingnan ang global statistics patungkol sa HIV at AIDS, makikita na nakararanas ng nakakaalarmang upsurge ang HIV in the Philippines. Sa pagitan ng 2010 at 2018, nagkaroon ng 203% increase sa annual infections. Dahil dito, ang Pilipinas na ang may pinakamabilis na HIV epidemics sa buong Asia Pacific Region. Ayon sa datos mula sa DOH, 51% ng newly diagnosed cases ay mula sa 25-34 years-old bracket habang 31% naman ang mula sa 15-24 years-old bracket.
Upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng HIV at AIDS cases sa Pilipinas ay kinakailangan mahikayat ang malaking porsyento ng populasyon na sumailalim sa HIV testing. Marami nang public and private health facilities sa buong Pilipinas ang nag-aalok ng HIV testing services kung saan tiyak na mayroong trained health professional na gagabay sa bawat taong sasailalim sa testing.
Isa sa mga dahilan kung bakit mababa ang HIV testing sa Pilipinas ay ang stigma na kaakibat ng pagkakaroon ng HIV. Tinagurian itong silent killer noon dahil sa maling akala patungkol sa paglaganap nito. Sa pamamagitan ng tamang impormasyon, sabay-sabay nating baguhin ang pananaw ng lipunan sa sakit na HIV upang magkaroon ng lakas ng loob ang mga tao na sumailalim sa HIV testing.
Source: https://www.hiv.gov/hiv-basics/overview/about-hiv-and-aids/what-are-hiv-and-aids