Marami sa atin ang naniniwala sa pamahiin na dapat sinasalubong ng matinding ingay ang Bagong Taon para maitaboy ang malas o mga masasamang elemento. Bagaman sanay na ang karamihan sa pagsindi at paggamit ng mga paputok, hindi pa rin maiiwasan ang mga aksidenteng kaakibat ng delikadong tradisyong ito.
Taon-taong mapapanood sa balita ang hindi mabilang na news stories tungkol sa firecracker-related injuries. Pinakapangkaraniwan sa mga injuries na ito ay sa kamay o ‘di naman kaya ay sa mata. Maituturing pa nga na masuwerte ang taong galos o minor burn lang natamong sugat kumpara sa mga kinailangan maoperahan o maputulan ng daliri o kamay.
Kung titingnan ang datos mula sa DOH noong nakaraang pagdiriwang ng Bagong Taon, nagkaroon ng 164 firecracker-related injuries nationwide mula December 21, 2019 hanggang January 1, 2020 na siya namang mas mababa ng 35% kumpara sa 251 cases nang salubungin ang taong 2019. Ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III, bagaman patuloy ang pagbaba ng mga injuries dahil sa paputok, ang layunin pa rin ng kanyang ahensya ay ang tuluyang ma-eliminate ang statistic na ito.
Maraming iba’t ibang ligtas na paraan para salubungin ang New Year nang hindi nilalagay sa alanganin ang kalusugan mo o ng iyong kapwa. Heto ang ilang alternatibong paraan ng pagdiriwang ng nalalapit na Bagong Taon:
Noisemakers
Maraming iba’t ibang klase ng noisemakers tulad ng torotot na magandang substitute para sa paputok. Imbis na gumastos para sa mga paputok na isang beses lang magagamit, subukang gumamit ng mga pampaingay na gawa sa plastic na bukod sa ligtas ay cost-efficient pa. Kung wala namang oras para lumabas at bumili ng torotot, gamitin bilang pangpa-ingay ang mga ordinaryong kagamitan sa inyong tahanan tulad ng mga kaldero o kawali.
Isa sa mga adbantahe rin ng noisemakers ay na-e-eliminate nito ang presence ng usok mula sa paputok na madalas maging trigger ng asthma attack sa mga makakalanghap ng usok.
Kung wala namang panahon at kakayahan para gumawa ng DIY noisemakers sa bahay, maraming mga firecracker vendors at manufacturers ngayon ang unti-unti nang gumagawa ng mga torotot at iba pang alternatibong noisemakers. Dahil na rin ito sa tuluyang paghigpit ng regulations patungkol sa paggawa at pagbenta ng mga paputok gawa nga ng halos hindi mabilang na firecracker-related injuries taon-taon.
Glow sticks
Kung dati ay makikita lang ang glow sticks bilang isang patok na kagamitan sa mga night clubs at party scenes, ngayon ay marami nang mga pamilyang Pilipino ang gumagamit nito upang gawing magarbo at “hip” ang pagsalubong sa Bagong Taon. Swak ito sa mga taong ayaw nang maingay na paraan ng pagdiriwang, ngunit nais pa rin ng festive ambiance sa okasyon.
Confetti-filled balloons
Isang nauusong party item ngayon ang confetti-filled balloons. Siguraduhing puno ng confetti ang lobo bago ito hipan at isabit sa kisame o dingding ng bahay. Abangan ang New Year countdown at saktuhin ang pagputok ng mga lobo sa pagsapit ng Bagong Taon. Bukod sa pagiging ligtas, ang pagpapaputok ng confetti-filled balloons ay isang kakaibang paraan ng pag-celebrate ng New Year, siguraduhin nga lang na handang maglinis ng nakakalat na confetti pagkatapos.
Dumalo sa mga virtual New Year countdown events
Usong-uso na ngayon ang mga New Year countdown events kung saan pwedeng magtipon ang maraming tao upang sabay-sabay na salubungin ang Bagong Taon. Pero dahil nga sa kinakaharap nating pandemya ngayon, mas mainam na dumalo na lamang sa mga ganitong events na virtual ang setup. Bukod sa ingay ng virtual crowd, tiyak na ramdam ang galak para sa nalalapit na taon dahil sa party atmosphere ng mga ganitong klaseng online events. Tipid din ito dahil hindi ka na gagastos sa pangsarili mong pangpaingay, at kadalasan ay libre ang mga ganitong ganap.
Gamitin ang sound system sa loob ng bahay
Para naman sa mga nag-iingat at ayaw lumabas ng kanilang mga tahanan at ayaw masyadong gumalaw tuwing sasalubungin ang New Year, mag-paingay na lang sa loob ng bahay gamit ang TV o sound system. Maaaring hindi kasing garbo o exciting kung ikukumpara ang ganitong selebrasyon sa mga nakasanayan nating mga Pinoy, pero sa ganitong paraan masisigurong ligtas ang buong pamilya sa kapahamakan na maaaring maidulot ng pagpapaputok. Bukod sa cost-efficient, sa pamamagitan ng pagpapa-ingay gamit ang TV o sound system sa bahay matitiyak na walang kalat na kailangan linisin kinabukasan.
Walang malinaw na explanation kung bakit tuwang-tuwa tayong mga Pilipino sa pagpapaputok tuwing sasapit ang Bagong Taon. Marahil ay sadyang may kaakibat na aliw ang dala ng mga delikadong firecrackers na nakasanayan na nating hanapin. Sa kasamaang palad, maraming masamang epekto sa kalusugan at kalikasan ang pagpapaputok.
Gaya nang sinabi kanina, marami na ang naaksidente dahil sa maling paggamit ng firecrackers. Kaya naman gawing New Year’s resolution ang hindi na paggamit ng firecrackers at iwasan ang iba pang delikadong paraan para salubungin ang Bagong Taon.
Kung hindi maiwasang hanap-hanapin ang excitement na dulot ng pagpapaputok, subukang dumalo na lang sa mga virtual fireworks events at panoorin ang professional pyrotechnic displays. Kung paano mo man maisip na salubungin ang Bagong Taon, ang mahalaga ay ang mapanatiling ligtas ang sarili, ang pamilya, at ang kapwa mula sa panganib na dala ng mga paputok. Sabay-sabay nating abutin ang goal na zero firecracker-related injuries sa darating na 2021 at dahan-dahang baguhin ang kultura ng aliw mula sa mga mapanganib na paputok.
Source: