Tamang Alaga sa Matatanda Ngayong Christmas Season

December 03, 2017

Nalalapit na naman ang Pasko! Ibig sabihin, panahon na ulit para magkasama-sama natin ng ating pamilya – sa kainan, sa bigayan ng regalo, o kaya naman sa bakasyon. Tiyak na masayang okasyon ulit ito. Pero sa gitna ng pag-eenjoy, dapat pa rin bigyan ng pansin ang ating kalusugan, lalo na ang ating mga nakakatandang kapamilya. Narito ang ilang tips para mapangalagaan sila ngayong Christmas season.

 

Sundin ang Tamang Diet

Dahil magkakaroon ng mga handaan ngayong pasko, hindi mapipigilan ang pagdami ng ating kinakain. Pero, mga paraan pa rin para mapanatili ang tamang diet ng ating mga minamahal na seniors.

Bigyan sila ng mas maraming white meat katulad ng manok o isda, imbes na red meat, tulad ng baboy o baka. Mas mababa ang lebel ng taba ng white meat, kaya bahagya na mas masustansya ito para sa mga nakakatanda.

undefined

Maghain rin ng mga magulay na ulam, katulad ng pinakbet, laing, chopsuey, bicol express, o kaya naman ng gising-gising, para magsibling pangtumbas sa mga karneng handa.

Kung gagawa naman ng mga dessert, siguraduhin na maghanda ng sugar-free o low sugar na dessert, katulad ng mga prutas, mga sugar-free na cake, ice cream, at iba pa. Pwede ring maghain ng kape o tsaa, kapalit ng pagkain. Sa paggawa nito, may panghimagas pa rin ang mga seniors na hindi masyadong makakasama sa kanilang kondisyon.

 

Mag-suot ng Wastong Damit

Wala mang winter season sa Pilipinas, may tiyansa pa rin na lumamig ang panahon, lalo na pagsapit ng mga “ber”-months. Importante na magsuot ng tamang damit sa ganitong panahon. Ihanda na ang mga sweater, ang mga pang-itaas na mahahaba ang sleeves, mga pantalon, at mga saradong sapatos. Kung bibiyahe sa mga malalamig na lugar katulad ng Baguio o Tagaytay, mainam na magdala ng jacket, o kahit na mga gloves, scarf at sombrero.

Kahit na ang Pilipinas ay hindi kasing-lamig ng mga ibang bansa, dapat ay pag-handaan pa rin ang malamig o maulan na panahon, lalo na para sa mga nakakatanda. Ang exposure sa malamig na panahon ay maari maging sanhi ng sakit ng ulo, sipon, ubo, o pananakit ng kasu-kasuan. Kung mayroon naman COPD, pneumonia, o sakit sa puso ang mga nakakatanda, pwedeng palubhain ng malamig na panahon ang sintomas ng mga sakit na ito.

Dahil sa mga epekto na nailista, mahalaga na magsuot ng wastong damit ang ating mga nakakatandang kapamilya. Huwag silang pabayaan na magsuot ng hindi naaangkop na kasuutan.

 

Uminom ng Sapat na Dami ng Tubig

Mas malamig man ang panahon tuwing kapaskuhan, hindi ibig sabihin na pwede nang bawasan ang fluid intake. May posibilidad pa rin na maging dehydrated, dahil hindi naman nag-iiba ang pangangailangan natin ng mga tubig, kahit na lumamig o uminit ang panahon. Maari lamang na hindi natin napapansin ito.

May mga masasamang epekto ang kakulangan ng tubig sa katawan. Para sa mga nakakatanda, kahit ang mild dehydration ay nagdadala na ng fatigue, at nakakaapekto sa mental functions nila, katulad ng kanilang memory, atensyon, at concentration. Maliban dito, maari rin silang makaranas ng mababang blood pressure, pagkahilo, o pati na rin ng constipation.

Malalaman natin kung dehydrated na ang isang tao kung nanunuyot na ang labi at dila nila, kung malalim o sunken na ag kanilang mata, kung tuyot na ang balat nila, at kung dilaw at malakas ang amoy ng ihi nila.

Siguraduhin na painumin palagi ng tubig ang ating mga nakatatandang minamahal.

 

Manatiling Physically Active

Kapag malamig ang panahon, may tiyansa na sasakit ang mga kasu-kasuan natin. Ayon sa mga doktor, walang tiyak na rason para dito. Pero, sinasabi nila na ang mas mababang air pressure kapag malamig ay nagiging dahilan para sap ag expand ng mga tissues sa ating katawan. Kapag nangyayari ito, maari na nadadagdagan ang pressure na inilalagay ng tissues na ito sa kasu-kasuan, kaya namamaga at sumasakit ang mga ito.

Ang pagsuot ng damit na panglamig ay nakakatulong sa pag-iwas sa sakit. Ngunit may mga simpleng physical activities na maaring makabawas dito, katulad ng paglalakad o kahit pag-jogging/brisk walking ng madalas sa loob at labas ng bahay, o ng pag-unat ng mga braso at binti. Kung kaya, pwede ring magbuhat ng mga magagaan na weights.

undefined

Kung bibiyahe at sasakay ng matagal sa kotse o eroplano, alalahanin rin na importante ang pag-galaw ng katawan. Kapag nasa kotse, mag-stopover sa mga gasoline station, mall, o restaurant para makapaglakad ng kaunti. Kung nasa loob naman ng eroplano, tumayo paminsan-minsan at maglakad sa aisle; siguraduhin lamang na hindi naka-ilaw ang seatbelt sign sa loob. Importante ang paglalakad sa gitna ng matagal na pagkaupo, para (1) maunat ng mabuti ang mga kasu-kasuan at mapigilan ang pagsakit nito, at (2) dumaloy ng maayos ang dugo natin mula sa binti pabalik sa puso.

Mula sa pagsunod sa tamang diyeta hanggang sa paggawa ng mga simpleng ehersisyo, mahalagang  tandaan ang mga paalala na ito, para mabigyan ng tamang alaga ang ating mga nakakatandang mahal sa buhay – para lubos nilang maenjoy ang Christmas season!

 

Resources:

  • https://www.brightstarcare.com/gilbert-mesa/blog/holiday-low-sodium-diet-for-seniors

  • https://www.cntraveler.com/stories/2016-04-14/why-and-how-often-you-should-get-up-during-a-flight

  • https://www.health.gov.il/English/Topics/SeniorHealth/HealthPromo/Pages/coldness.aspx

  • https://www.nutrition.org.uk/nutritionscience/life/dehydrationelderly.html

  • https://www.summitmedicalgroup.com/news/living-well/stay-hydrated-cold-weather/

  • https://www.webmd.com/pain-management/features/weather_and_pain#1

  • https://www.womenshealthmag.com/health/8-ways-the-change-in-weather-affects-your-body/slide/9