"Bawal magkasakit" dahil "mahal magkasakit" ang nasa utak ng madaming Pilipino. Ayon sa datos noong 2013, umabot sa P 5,360 ang nagastos ng isang tao noong 2012 para sa kalusugan. Dahil dito, iniiwasan talaga ng mga Pinoy ang magpunta sa ospital at magpakonsulta sa espesyalista na sya namang nagreresulta sa iba't-ibang home remedies.
Iilan sa mga sikat na home remedies ay walang scientific basis. Kung kaya’t naririto ang ilan sa mga myths at facts tungkol sa home remedies laban sa iba’t-ibang sakit.
- Myth: Maglagay ng toothpaste sa paso
Fact: Ayon sa mga doktor, lalo lamang pinapalala ng toothpaste ang paso. Mayroong taglay na calcium at peppermint ang toothpaste na maaaring magpataas ng tsansang magkaroon ng impeksyon ang paso. Ang maaaring gawin ay ilagay sa malamig na running water ang paso hanggang sa mawala ang sakit. Saka ito i-cover ng malinis na gasa at magpatingin sa espesyalista.
- Myth: Tumingala kapag dumudugo ang ilong
Fact: Kadalasang sinasabihan ang mga taong dumudugo ang ilong na tumingala para bumalik o tummigil ang pagdaloy ng dugo. Mali ang paniniwalang ito dahil maaaring pumasok ang dugo sa baga kapag huminga habang nakatingala at o di kaya'y sa tiyan. Ang mainam na gawin ay pisilin ang malambot na bahagi ng ilong ng sampung minuto. Kapag tumagal ang pagdurugo ng lagpas kinse minuto, mabuting pumunta na ng ospital.
- Myth: Buhusan ng Hydrogen Peroxide ang sugat
Fact: Mukhang epektibo ang pagbubuhos ng hydrogen peroxide o agua oxigenada sa sugat dahil sa tunog nito kapag tumama na sa balat. Ito ang tunog ng kemikal na nilalabanan ang mga germs sa sugat pati na din ang cells ng katawan. Base sa pag-aaral ng The Journal of Trauma, sinusugpo ng hydrogen peroxide ang fibroblasts, ang cell na tumutulong pagbuo ng tissue, na syang nagreresulta sa mabagal na maghilom ng sugat. Mas mabuting hugasan ang sugat ng tubig at sabon.
- Myth: Kumain ng tuko para gumaling ang asthma
Fact: Pinapatuyo saka iniihaw o priniprito ang tuko bago ito kainin ng taong may asthma sa paniniwalang ito ang gamot. Walang scientific basis ang ganitong practice. Ayon sa DOH, may tsansang mas lumala ang kondisyon kapag kumain ng tuko. May mga gamot sa asthma na madaling mabili at mura pa.
- Myth: Uminom ng antibiotic kapag ang plema ay kulay green.
Fact: May kakaunting katotohan ito dahil kapag may impeksyon sa katawan, nagpapadala ito ng white blood cells na tinatawag na neutrophils para labanan ang mga germs. At kapag may humalong neutrophils sa mga healthy cells sa ilong, maiiba ang kulay ng plema. Hindi nakabase sa kulay ng plema ang klase ng ubo - kung ito ba ay viral o bacterial infection. Karamihan ng infection na may madaming plema ay sanhi ng virus at ang antibiotics ay epektibo lamang sa paggamot ng bacterial infection. Kung kaya’t hindi mapapagaling ng antibiotics ang ubong dulot ng bacteria.
- Myth: Pahiran ng suka at kulay asul na tina ang namamagang pisngi na dulot ng beke.
Fact: Ayon sa eksperto, hindi ito ang tamang gamot sa beke na isang nakakahawang sakit ng dulot ng virus. Kusa itong gumagaling sa loob ng isa hanggang dalawang linggo. Kapag may naramdamang sakit, maaaring uminom ng pain reliever at kapag naman nagkaroon ng lagnat, pwedeng uminom ng paracetamol. Para maiwasan ang pagkaroon nito, mabuting magpabakuna ng MMR vaccine.
Sources:
- http://www.doh.gov.ph/sites/default/files/basic-page/chapter-four.pdf
- https://timesofindia.indiatimes.com/city/lucknow/Never-apply-toothpaste-on-burn-area-say-doctors/articleshow/26981687.cms
- http://www.abc.net.au/health/talkinghealth/factbuster/stories/2012/04/17/3459237.htm
- http://newsinfo.inquirer.net/24247/doh-warns-against-use-of-geckos-to-cure-asthma-aids
- http://www.oprah.com/health/popular-health-myths-and-remedies-health-myths-exposed
- https://www.webmd.com/a-to-z-guides/features/first-aid-myths-ignore-summer-cures#1
- http://www.mirror.co.uk/lifestyle/health/13-health-myths-old-wives-7464115
- http://www.foxnews.com/health/2017/10/06/dangers-using-home-remedies-for-serious-illnesses.html
- https://www.youtube.com/watch?v=kN_mRPWUu68