Humihilik? Ano ang ibig sabihin nito?

November 11, 2022

Lingid sa kaalaman ng maraming Pilipino, ang simpleng paghilik ay hindi lamang istorbo sa gabi; ito ay maaaring sintomas ng mas nakababahalang sakit. Bakit nga ba may humihilik at ano ang ibig sabihin nito? Ating alamin.

 

Bakit humihilik ang tao?

Ang paghilik ay tunog na ginagawa ng ating pharyngeal tissues, o lalamunan, kapag ito ay nagvavibrate o nanginginig. Mas malakas ito kapag humihinga paloob (inhale), kumpara sa kung naglalabas ng hangin(exhale). Ang pagdaan ng hangin sa lalamunan na masikip – marahil dahil sa malaking tonsils o dahil sa matinding paglambot ng lalamunan habang tulog – ang gumagawa ng tunog sa paghilik.1


Bakit mahalaga malaman ang tungkol sa paghilik?  Hindi ba natural lamang na humilik ang isang tao?
 

Ang sleep-related breathing disorders ay maaaring magsimula sa partial airway collapse o maaaring umabot sa kondisyon na tinatawag na obstructive sleep apnea (OSA) kung saan ang paghinga habang natutulog ay napipigil pansamantala dulot ng pagliit o pagsasara ng daanan ng hangin patungo sa baga. 1

 

Ano ang Obstructive Sleep Apnea (OSA)?

 

Ang OSA ay isang sleep related breathing disorder kung saan ang paghinga habang natutulog ay napipigil pansamantala dulot ng pagliit o pagsasara ng daanan ng hangin patungo sa baga.

. Ito ang pinaka karaniwang sleep-related breathing disorder. Ito ay nangyayari kapag ang mga muscle na sumusuporta sa lalamunan tulad ng dila at soft palate ay nagrerelax3.

Sa isang taong walang OSA, ang hangin ay papasok lamang mula sa bibig at ilong papunta sa baga nang tuloy-tuloy kahit sa pagtulog. Kapag tumitigil ang paghinga it ay tinatawag na apnea o apneic episodes. Ang normal na daloy ng hangin habang natutulog ay putol-putol sa taong may OSA3.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/snore-problem-concept-illustration-normal-airway-597057530

 

Mas madalas ang OSA sa mga lalaki  ngunit kahit sino ay maaaring magkaroon ng OSA, kahit bata3. Sa mga babae, tumataas ang incidence nito sa menopause.

Ang paghilik ay isa sa mga sintomas ng OSA lalo na ang tipo ng paghilik na paputol putol. . Ang paghilik ay dulot ng pagpasok ng hangin sa masikip na upper airway. Bagamat ang paghilik ay madalas na kaakibat ng OSA, mahalagang maintindihan na hindi lahat ng humihilik ay may OSA.  3

 

Mga Epekto at Komplikasyon ng OSA

 

Maraming negatibong epekto sa kalusugan ang OSA tulad ng mas mataas na tyansang  magkaroon ng sakit sa puso, pati na rin kahirapan sa pag iisip, pag pokus, at pag intindi (neurocognitive difficulties). Mas mataas rin ang posibilidad na maaksidente ang isang taong may OSA.

 

Karamihan sa mga pagkamatay at masamang epekto sa kalusugan dahil sa OSA ay dulot ng epekto nito sa puso. Maaaring maging sanhi ng altapresyon o stroke ang OSA. Maari rin itong humantong sa  congestive heart failure  o kahinaan ng pagtibok ng puso, na nagdudulot ng hindi epektibong sirkulasyon ng dugo sa katawan. Sa mga ibang kaso, pwede itong maging dahilan ng sudden death2.

 

Ang pagkakaroon ng diabetes ay maaring may kaugnayan sa OSA na hindi natugunan. Kapag ikaw ay may OSA, mas mataas din ang tyansang magkaroon ka ng problema  sa atensyon, pag-alala ng mga bagay, at paggawa ng trabaho2. Kung ikaw ay may partner o kasama matulog,  pwede ring maapektuhan ang kalidad ng kanilang tulog na maaaring magresulta sa pakiramdam ng pagkapagod sa buong araw. 1,4

 

Mainam na malaman kung ikaw ay may OSA dahil napakalaking kaginhawaan kapag nagamot ito. Maaari itong idaan sa operasyon  o kaya naman ay mga medical device na maaaring makatulong upang maibsan ang mga epekto sa kalusugan at mapigilan ang mga komplikasyon.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/frustrated-woman-covering-ears-pillow-while-215165515

 

 

Paano ko malalaman kung ako ay may OSA?

 

Ang pag – diagnose sa OSA ay nagsisimula sa maayos na pagkuha ng salaysay at kumpletong eksaminasyong pisikal. 

 

Aalamin ng doktor kung mayroon kang  mga sintomas na tulad ng 1:

 

  • Malakas na paghilik
  • Hindi makatulog
  • Pagka-antok sa umaga (kahit sa palagay ay nakatulog naman sa gabi)
  • Pagiging makakalimutin 
  • May kahirapan sa konsentrasyon
  • Mood changes
  • Sakit ng ulo sa umaga
  • Pag – ihi sa kama sa gabi
  • Pinagpapawisan sa gabi
  • Depresyon
  • Pagtigil ng paghinga habang tulog

 

Sa mga sintomas na ito, ang pagkaantok sa umaga at malakas na paghilik ang karaniwang nagtutulak sa mga pasyente upang magpakonsulta.

 

Bukod sa pag-alam ng mga sintomas na nararanasan, sisilipin din ng doktor ang lalamunan upang makita kung malaki ang tonsils at ang ilong upang makita kung may maaaring nakaharang sa daanan ng hangin. 

 

Para matukoy kung meron kang OSA, nagsasagawa ang doktor ng Polysomnography o PSG, isang sleep study, kung saan ang pasyente ay inoobserbahan habang natutulog at may mga nakakabit na mga gamit sa katawan upang maitala ang oxygen saturation; galaw ng mata, muscle ng baba, tiyan at dibdib habang humihinga; tibok ng puso, at pasok ng hangin sa katawan.   Ang naitalang record ay binabasa ng isang PSG technologist at ng isang sleep doctor2.

 

Ano ang gamot para sa OSA?

 

Ang lunas para sa OSA ay naka-depende sa sanhi ng OSA. Ilan sa mga recommended na solusyon ay2:

 

  • Pagbabawas ng timbang. Ang weight loss ay hinihikayat para sa lahat ng overweight na pasyente na may OSA.
  • Continuous Positive Airway Pressure (CPAP). Ito ang itinuturing na gold standard sa gamutan ng OSA. May nakakabit na mask sa pasyente na nagbubuga ng hangin habang ang pasyente ay tulog upang buksan ang daanan ng hangin at hindi lumambot o bumagsak ang tissues ng pharynx.

 

https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-man-sleep-apnea-using-cpap-442841248

 

  • Surgery. Ito ay depende kung saan matatagpuan ang harang na nagdudulot ng OSA. Kadalasan, ang malaking tonsils ang sanhi ng OSA at nagpapabuti ng sintomas ang tonsillectomy o pagtanggal ng tonsil. Maaari ring mangailangan ng operasyon para sa ilong o ngalangala. Sa ibang kaso maaaring pati  ang panga ay operahan. (maxillomandibular advancement)

 

Hindi dapat balewalain ang paghilik. Lalo na sa pasyenteng labis ang timbang. Hindi rin lahat ng humihilik ay may OSA. Mainam magpakonsulta sa isang Otolaryngologist – Head and Neck Surgeon (ORL – HNS), isang Pulmonologist, o Neurologist para matukoy ang mga susunod na gagawin.

 

Napakalaking ginhawa ang magandang tulog araw-araw at ang pagbibigay  atensyon sa paghilik ay maaaring makatulong  sa atin upang makilala ang OSA at ang mga lunas para rito.

 

References:

 

  1. Sarber, K., Lam, D. Ishman, S. (2021). Sleep Apnea and Sleep Disorders. In P. Flint, H. Francis, B. Haughey, M. Lesperance, V. Lund, K. Robbins, J. Thomas (Eds), Cummings Otolaryngology - Head and Neck Surgery 7th edition (p. 215 - 235). Elsevier.
  2. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/obstructive-sleep-apnea/symptoms-causes/syc-20352090
  3. https://www.healthline.com/health/sleep/obstructive-sleep-apnea
  4. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5337594/