Pananakit ng iba’t ibang bahagi ng katawan – ang ganitong problema ay maaaring maranasan araw-araw ng bata man o matanda. Kadalasan, nae-experience ito pagkagising pa lang sa umaga. Sa pamamagitan ng mga protein sa cells na tinatawag na cryptochrome, natural na pinipigilan ng katawan ang anumang inflammation o pamamaga at pananakit na nararamdaman kapag ito ay nakapahinga at natutulog. Pansamantalang sinusugpo ng katawan ang sakit, kaya naman pagkagising, tila bumabalik at mas sumasakit ang body parts na naipahinga.
Ilan sa mga bahagi na madalas sumailalim sa sakit at ang likod, mga kalamnan sa braso at mga hita o binta, mga balikat, at leeg o batok. Pag-uusapan natin ngayon ang mga kondisyon na maaaring nagsasanhi ng pananakit sa batok.
Bakit nakakaranas ng masakit na batok?
Ang mga sanhi ng neck pain o pananakit ng batok ay maaaring dala ng poor posture, injuries, o kaya naman ay medical conditions na nangangailangan ng atensyon ng isang health professional. Talakayin natin isa-isa ang mga ito.
- Poor posture – Dahil sa laganap na paggamit ng gadgets at technology sa pagtatrabaho, pag-aaral, at maging sa pagpapahinga, malaki ang naiaambag nitong pinsala sa pagkakaroon ng wastong posture o tindig. Hindi lamang ito tumutukoy sa pag-upo at pagtayo. Kasama rin dito ang matagalang pagyuko kapag gumagamit ng mobile phones o ang hindi paggalaw nang mahabang oras kapag nakahiga.
- Injuries – Hindi man direktang tinamaan ang leeg sa isang aksidente, maaari pa rin itong magdala ng masakit na batok dahil sa impact at trauma mula sa pangyayari. Dulot ito ng biglaang pagbilis o pagbagal ng galaw ng leeg sa byahe na dala ng pagkabangga, dahilan para maapektuhan ang tissues. Ang mga pinsala sa balikat, braso, at upper at lower back ay maaaring magdala rin ng discomfort sa batok. Ito ay dahil sa pagkakadugtong-dugtong ng muscles at nerves ng mga ito.
- Muscle strain – Ang sobrang paggamit ng mga kalamnan lalo na tuwing may mabigat na workout o kaya naman ay biglaang pagkilos ay sanhi rin ng masakit na batok. Gawa ng sobrang pagkagamit at pagkapagod ng muscles sa mukha, balikat, at upper back, nagkakaroon din ng strain sa batok.
- Mga impeksyon – May mga infection na nakakaapekto sa cervical spine na nagdudulot ng masakit na batok katulad ng meningitis. Ito ay isang kondisyon na nakakaapekto sa utak at spine. Kasama rin dito ang tuberculosis of the spine na kung minsan ay nakakaapekto sa leeg. Ang mga kondisyong ito ay nangangailangan agad ng medical evaluation.
Photo from Unsplash
- Pananakit ng ulo – Ang pananakit sa ulo at batok ay napag-alamang magkaugnay. Ang headaches, lalo na ang migraine, ay nagsasanhi ng sakit sa batok, pagsusuka, pagkahilo, at tension sa mga muscle.
- Stress – Ang labis na stress - samahan pa ng pagod, kakulangan sa tulog, gutom, at dehydration – ay nagreresulta rin sa masakit na batok. Ginagawa nitong tense ang muscles sa leeg kaya nakakaranas ng pananakit.
- Medical conditions – May mga seryosong karamdaman na nagpaparanas ng masakit na batok bilang sintomas. Ilan na lang dito ang mga kondisyon sa puso gaya ng hypertension at high cholesterol.
Paalala: Sa ganitong pagkakataon ay kailangang bantayan ang pananakit ng ulo at batok dahil maaaring senyales ito ng isang atake sa puso o heart attack. Para mas maunawaan ang mga kondisyon na ito at ang first aid na maaaring gawin oras na maranasan ito, pag-aralan natin ang mga nasabing sakit.
Ano ang hypertension?
Ang hypertension ay tinatawag ding high blood pressure. Mula sa pangalan, malakas ang pressure ng pagdaloy ng dugo sa mga ugat. Kaya naman nakakapinsala ito sa mga ugat at makakaapekto sa normal na takbo ng puso. Kasama sa mga komplikasyon nito ang stroke, atake sa puso, at sakit sa bato.
Ang mga pangunahing sanhi ng hypertension ay ang pagkonsumo ng maaalat at matatabang pagkain, pagbibisyo, pagiging overweight, pagkakaroon ng sedentary lifestyle, stress, pagod, at genetics. Kasama ng masakit na batok, narito naman ang mga sintomas na kailangang bantayan:
Photo from Unsplash
- Madalas na pagkapagod;
- Pananakit ng ulo;
- Pananakit ng dibdib;
- Pagkapos ng hininga;
- Paglabo o pagdilim ng paningin; at
- Hindi regular na pagtibok ng puso.
Ano ang pwedeng gawing first aid sa masakit ang batok?
Dahil iba’t iba ang sanhi ng masakit na batok, may iba’t iba ring paraan para mabigyan ito ng pangunang lunas. Narito ang ilan sa mga pwedeng gawin:
- Pagpahingahin. Kung ang pasyente ay may pananakit sa batok dahil sa stress, muscle strain, headache, at injury, maaaring ipahinga ito para mabawasan ang discomfort. Kapag hindi nabawasan man lang ang sakit sa loob ng ilang oras hanggang dalawang araw, kumonsulta sa doktor.
- Gumamit ng cold compress. Kung namamaga ang batok dahil sa muscle strain at injury, subukang lagyan ito ng cold compress ng 20 minuto apat hanggang walong beses sa isang araw.
- Bigyan ng gamot. Mayroong available na paracetamol o ibuprofen para sa masakit na batok. Mahusay ang mga ito kung ang sanhi ng pananakit ay pagod, muscle strain, at poor posture, at mga injury. Ipaalala lang na huwag uminom ng mahigit sa anim ng mga gamot na ito sa loob ng 24 hours. Dumulog na rin sa payo ng doktor kung walang improvement na nangyari sa batok sa loob ng tatlong araw.
- I-check ang blood pressure. Para sa mga may pananakit sa batok dahil sa diagnosed (o hindi pa) na hypertension, kuhanin muna ang blood pressure. Paupuin ang pasyente ng 20 na minuto kasabay ang pagpapa-relax sa kanyang paghinga. Matapos nito ay i-check uli ang blood pressure. Kung may iniinom na maintenance medicine ang pasyente, i-administer ito at dalhin sa pinakamalapit na ospital kung kinakailangan.
Ang mga nararamdamang senyales ng ating katawan gaya ng pananakit ng mga bahagi nito ay ang paraan para malaman natin kung mayroon na bang kailangang bigyang-pansin sa ating kalusugan. Maging maagap sa pagtugon sa pangangailangan ng katawan sa pamamagitan ng agarang pagresponde sa pananakit na nararanasan. Ang mga nasabing tips dito ay pangunang lunas lamang. Inirerekomenda pa ring kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng mas angkop na solusyon.
Sources:
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/hypertension
https://www.webmd.com/first-aid/shoulder-and-neck-pain-treatment
https://www.epainassist.com/back-pain/upper-back-pain/what-can-cause-pain-in-nape-of-neck-and-how-is-it-treated