Paano natin matutulungan ang mga taong may hypertension?

February 10, 2016

Photo Courtesy of stevepb via Pixabay

 

Hindi ka ba nagtataka kung bakit sa bawat pamilyang Pilipino, mayroon kang isa o dalawang kamag-anak na nakaranas na ng matinding hypertension? Ayon sa Department of Health (DOH), mahigit kumulang 280 na Pilipino ang namamatay kada araw dahil sa heart disease. Ito ay sanhi ng pagpapabaya ng mga Pilipino sa pag-monitor ng kanilang kalusugan at sa kakulangan ng kaalaman sa mga epekto nito.

 

Hindi biro ang hypertension dahil maaari itong humantong sa stroke, heart disease at kidney failure. Marahil, ito rin ang  dahilan kung bakit paulit-ulit nagpapa-alala si Dok na maghinay sa mga putok-batok na pagkain tulad ng chicharon, balut,  bulalo at lechon  na madalas na sanhi ng high blood pressure.

 

Kung nakararanas ang iyong kapamilya ng pagtaas ng presyon ng kanilang dugo, huwag mo silang hayaan na maging kampante sa kanyang kalagayan dahil isang matinding silent killer ang hypertension. Kailangan din nating bigyan ng pasensya at tender loving care ang mga kamag-anak nating mayroon nito.

 

Marami ang kailangang baguhin sa pang-araw-araw na gawain ng isang taong mayroong hypertension mula sa kaniyang pagkain hanggang sa kaniyang lifestyle. Kailangan lamang talaga ng mga taong tutulong sa kanila upang madisiplina ang kanilang mga sarili upang matamo ang normal blood pressure. Layunin mo ang maging gabay upang maka-iwas sila sa iba pang sakit na bunga ng hypertension.

 

bananas-652497_1280.jpg

Photo Courtesy of Security via Pixabay

 

Iwasan ang mga Maalat na mga Pagkain

 

Kailangan mong magbawas ng asin sa mga niluluto at binibili mong pagkain. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang sobrang pagkain ng maalat ang isa sa mga pangunahung sanhi ng hypertension dahil hindi natin napapansin ang pagkadalas ng pagkain natin nito. Dapat iwasan ang mga processed foods tulad ng instant noodles, hot dogs, fast food at chichirya.

 

Makatutulong ang pagiging mabusisi sa pagpili ng bibilhin sa palengke o grocery store. Kapag may packaging ang pagkain na gusto mong bilhin, i-check  ang Nutritional Facts nito. Mas maigi kapag “sodium-free” o “low-sodium” ang nakalagay. Kapag wala, tingnan ang sodium count dahil hindi maaaring sumobra sa 5 milligrams ang sodium sa bawat serving.

 

Maaari rin kumain ng mga pagkaing siksik sa potassium katulad ng saging at patatas upang makatulong pababain ang antas ng sodium sa iyong katawan.

 

running-573762_640.jpg

Photo Courtesy of skeeze via Pixabay

 

Siguraduhing Regular ang Pag-eehersisyo

 

Ugaliing magkaroon ng exercise tulad ng Zumba o aerobics dahil nakatutulong ang mga ito sa pagpapanatili ng blood pressure ng isang tao. Hindi lahat ng uri ng fitness activities ay maaaring gawin ng bawat tao kaya ugaliing kunin ang kanilang blood pressure bago at pagkatapos ng ehersisyo upang magabayan ang kanilang pisikal na kondisyon habang nag-eehersisyo.

 

Marami pang uri ng physical activities tulad ng  pag-akyat ng hagdan kapag isa hanggang tatlong palapag lang ang pupuntahan, paggawa ng mga gawaing bahay at ang paglalakad kapag malapit lamang ang destinasyon. Hindi kailangang gumastos pa para sa gym membership upang mag-ehersisyo basta siguraduhin muna na magkonsulta kay Dok bago ang lahat.

 

Itigil ang Pag-inom ng Alak at Paninigarilyo

 

Pigilan na ang kamag-anak mo sa kanyang mga masasamang bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom. Sabi ng American Heart Association, maaaring tumaas ang blood pressure ng isang tao ilang minuto pagkatapos manigarilyo at ayon sa kanilang pag-aaral, ang paninigarilyo ay isa sa maaaring maging dahilan ng coronary heart disease na humahantong sa heart attack. Maiging iwasan din nila ang second-hand smoke o usok mula sa mga naninigarilyo.

 

Ipalala natin sa kanila na iwasan ang mga bisyo na ito sapagkat pang-matagalang mararamdaman ng ating mahal sa buhay ang mga masasamang epekto nito.

 

Libangin natin sila sa ibang paraan tulad ng pagbabasa, pagkanta sa karaoke, paggawa ng mga cross stitch patterns at paggansilyo dahil nakatutulong ito sa kanilang pag-relax.

 

Photo Courtesy of ashleyamos via Pixabay

 

Mainam na Magkaroon ng Maayos na Sleeping Habits

 

Siguraduhing nakakapagpahinga sila at nakakatulog ng 6 na oras o higit pa. Kailangan ng tao ang matulog nang maaga dahil tumutulong ito sa pagregulate ng kaniyang stress hormones.

 

Puwedeng magkaroon ang isang tao ng sakit na sleep disorder na obstructive sleep apnea kung saan napapabilis at napapahinto ang paghinga habang tulog. Samahan na sila papunta sa doktor kapag sila ay sobrang lakas humilik, sobrang antukin kahit sa umaga, hirap huminga habang natutulog, nananakit ang dibdib at ulo sa umaga.

 

Huwag Kalimutang Magpakonsulta sa Doktor

 

Sikaping maging regular ang pagkonsulta ng iyong kamag-anak kay Dok at hindi lamang kapag may nararamdaman nang kakaiba para mabigyan agad ng tamang lunas. Mahalaga rin ito para mapayuhan sila kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin. Nararapat lang din na bantayan sila nang maigi lalo na kung posible silang maging pasaway.

 

Siguraduhing Nakaiinom Sila ng Gamot sa Kanilang Hypertension

 

Kadalasang nagbibigay ang doktor ng maintenance drugs para makontrol ang blood pressure ng mga may hypertension. Kailangang sundin ang sabi ng doktor kung anong oras ang pag-inom ng gamot at kung gaanong katagal ito iinumin. Kung maaari, kayo na ang magpaalala sa iyong kamag-anak na uminom ng gamot para hindi nila makaligtaan ito.

 

Alamin din ang generic name ng gamot na irereseta ng doktor. Maraming tatak ang gamot para sa hypertension at magandang malaman ang generic name nito. Ito ay upang mabigyan kayo ng kaalaman sa anong mainam na tatak ng gamot ang dapat bilhin.


 

Palaging tandaan na ginagawa mo ang lahat ng pagtulong at sakripisyo upang mapabuti ang kanilang kalagayan. Dapat lamang na pahabain ang iyong pasensya dahil hindi maiiwasan ang mga pagkakamali at hindi pagsunod sa payo ng doktor.

 

Iwasang magalit dulot ng konting pagkakamaling nagagawa ng iyong mahal sa buhay sapagkat hindi biro ang pinagdadaanan nila. Alalahanin mo na lamang na tayo ay dapat panggalingan ng kanilang lakas ng loob at hindi stress. Bukod sa mga tips kung paano alagaan ang iyong kamag-anak, huwag ring kalilimutang magbigay ng moral support dahil hindi man natin ito napapansin, lubos itong nakatutulong sa kanilang paggaling.