Ano ang mamaso o impetigo?
Ang mamaso o impetigo ay isang bacterial na impeksyon na dulot ng Streptococcus aureus o Streptococcus pyogenes. Kalimitang naaapektuhan ang balat sa kamay, braso, paa, mukha, bibig, at ilong ng sakit na ito.
Karamihan sa mga nakararanas ng mamaso o impetigo ay mga sanggol at maliliit na bata kaya ito nabansagang “school disease” ngunit maaari itong makaapaekto ng kahit anong edad. Tinatantyang 162 milyong bata ang naaapektuhan ng mamaso sa buong mundo, at mas mataas ang nibel ng impeksyon sa mga maiinit na bansa tulad ng Pilipinas.
Kahit hindi delikadong sakit ang mamaso, dahil lubha itong nakakahawa, kinakailangang hanapan ng agarang lunas ang mga nakararanas nito bago pa man humantong sa mga komplikasyon.
Paano nakukuha ang mamaso o impetigo?
Kapag ang malusog na balat ay nahawaan ng mamaso, tinatawag itong primary impetigo. Kapag naman sa balat na may sugat na dumapo ang mamaso (dahil sa eczema, kagat ng insekto, o buni) , tinatawag itong secondary impetigo.
Nakukuha ang mamaso sa paglapat ng balat sa balat ng mga nakararanas na ng sakit na ito. Kahit ang damit, kumot, laruan o kung anumang mga bagay-bagay na nahawakan na ng may sakit na ito ay maaaring makahawa.
Ano ang mga uri at sintomas ng mamaso o impetigo?
Mayroong tatlong (3) uri ng mamaso o impetigo:
- Ang non-bullous impetigo ay nagsisimula bilang mga namumulang paltos sa balat na maaaring magtubig. Sa kalaunan, ito’y nagmumukhang nanigas na pulot;
- Ang bullous impetigo naman ay mas malalaking pantal na nagtutubig din na malinaw sa simula at nagiging malubog. Mas matagal na namamalagi sa balat ang ganitong uri ng mamaso;
- Ang ecthyma impetigo naman ay isang mas seryosong uri ng mamaso na mas malalim ang talab sa balat. Lubha itong masakit at nagiging ulser o butas sa balat na may manilaw-nilaw at mapula-pulang gilid kapag nanigas na.
Paano malalaman kung may mamaso o impetigo ang isang tao?
Kapag may nakikitang mga nanuyong pantal na mukhang nanigas na pulot o cornflakes sa balat, maaaring may impetigo na ang isang tao. Kapag lumalaki ang mga pantal na ito at kumakalat sa ibang parte ng katawan at nakararanas ng pangangati o ‘di kaya’y sumasakit ang mga pantal, maaari ring senyales na ito na may mamaso o impetigo ang isang tao. Mainam na kumonsulta agad sa doktor kapag may nakikita nang pamamantal sa balat upang masuri agad kung may mamaso na.
Ano ang gamot sa mamaso o impetigo?
Kapag napagkaalaman na ng doktor na may mamaso o impetigo ang isang tao, maaaring maresetahan ng antibiotics upang gamutin ang mga sintomas.
Kalimitan, kapag hindi pa masyadong kumakalat sa ibang parte ng katawan ang mga pantal, ang ointment o pamahid na may RiteMED mupirocin ang nirereseta. Kapag kumalat na sa mas maraming parte ng katawan ang mga pantal o di kaya’y hindi na umuubra ang RiteMED mupirocin ointment, nirereseta naman ang RiteMED cefuroxime axetil na kinakailangang inumin sa loob ng 7-10 na araw.
Habang ginagamitan ng gamot ang mga may mamaso o impetigo, mainam din na panatilihing malinis ang mga pantal gamit ang antiseptic na sabon. Dapat ring naka-bendahe o gauze ang mga pantal upang hindi makamot na ikadudulot ng pagkalat ng bacteria.
Paano maiiwasan ang mamaso o impetigo?
Ang pag-iwas sa mga may mamaso o impetigo ang pinakamainam na paraan upang hindi mahawa sa sakit na ito. Ang palagiang paghuhugas ng kamay ay isa ring epektibong paraan upang makaiwas sa mamaso. Ipinapayo na ang lahat ng laruan, tuwalya, kumot, sapin sa higaan at lahat ng mga bagay-bagay na maaaring nahawakan ng may mamaso o impetigo ay agaran at palagiang hugasan/labhan gamit ang mainit na tubig upang mapatay ang bacteria. Dapat ring nakabukod ang gamit ng mga may mamaso o impetigo upang hindi mahawa ang mga kasama sa bahay.
Alalahanin na ang pagpapanatili ng malinis na katawan at kapaligiran ang isa sa pinakamabisang paraan upang maiwasan ang mamaso o impetigo.
References:
https://www.nhs.uk/conditions/impetigo/
https://kidshealth.org/en/parents/impetigo.html
https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/understanding-impetigo-basics
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/impetigo/symptoms-causes/syc-20352352
https://www.healthline.com/health/impetigo#causes