Bawat pananakit, pamamaga, o pamamanhid ng paa, binti, at tuhod ay maaaring senyales ng mas malalim na health condition. Alamin dito kung paano alagaan ang mga parteng ito para makaiwas sa komplikasyong dala ng mga sakit.
Anu-anong mga sakit ang maaaring nagdadala ng mga sintomas na ito?
Maraming pwedeng kondisyon ang nagdadala ng iba’t ibang uri ng pananakit ng binti at tuhod maging sa paa. Ating talakayin ang mga sakit na ito batay sa mga sintomas na pinaka-kapansinpansin sa kanila.
PANANAKIT
- Sa tuhod
Ang ay maaaring sanhi ng injury o ‘di kaya naman ay arthritis o rayuma. Para sa posibleng injury, pwedeng nakuha ito sa sprained ligaments o ang pagkapilay ng mga litid. Kung dati namang may knee injury na hindi na-treat nang tama, maaaring ito ang nagsasanhi ng pananakit ng tuhod.
Bukod dito, pwede ring dala ng isang uri ng arthritis ang , gaya na lang ng ostheoarthritis o ang pinakaunang sanhi ng knee pain sa mga taong edad 50 pataas. Sa kondisyong ito sumasakit ang tuhod kapag may ginagawang physical activity.
- Sa binti
Kadalasan, ang pananakit naman ng binti ay dala ng labis na paggamit dito o sa mga natamong pinsala sa joints, bones, muscles, ligaments, tendons, at iba pang leg tissues. Maaari ring galing sa blood clots o pamumuo ng dugo, varicose veins, o ‘di-maayos na blood circulation ang nararanasang leg pain.
- Sa paa
Maaaring magmula sa iba’t ibang bahagi ng paa ang pananakit nito. Kung nasa heel o sakong ang sakit, maaaring ito ay plantar fasciitis, ang inflammation ng tissue na nagdudugtong sa heel bone papunta sa mga daliri ng paa. Kadalasan itong nararanasan pagkagising sa umaga. May tinatawag ding heel spurs na sanhi ng abnormal na paglaki ng mga buto sa ilalim ng sakong dahil sa pagsuot ng mga sapatos na hindi angkop para sa activity gaya ng running. Masakit ito lalo na kapag nakatayo.
Kung nasa bukong-bukong naman ang sakit, maaaring ito ay metatarsalgia na nakukuha sa pagsuot ng masisikip na sapatos o kaya naman ay sa labis na pagtakbo o pagtalon.
Gout naman ang kadalasang sanhi ng pananakit sa mga daliri ng paa. Ito ang isang uri ng arthritis na nakukuha kapag labis ang taas ng level ng uric acid sa katawan.
PAMAMAGA
Photo from Unsplash
- Sa tuhod
Ang pamamaga sa tuhod na tinatawag na knee effusion o tubig sa tuhod ay maaaring dala ng knee ostheoarthritis, knee bursitis, o ng minor injury. Ang knee ostheoarthritis ay hindi lamang sinasamahan ng pamamaga, kundi pati na rin ng stiffness o paninigas. Dahilan ito para mahirapan ang pasyente na igalaw ang tuhod. Dahil sa pagkasira ng ilang litid o kaya naman ay tissue sa tuhod dahil sa labis na paggamit nito, nagsasanhi ito ng friction sa pagitan ng mga buto. Ito ang nakakapagpamaga ng tuhod.
Sa knee bursitis naman, ang bursae na parte ng tuhod malapit sa knee joint ay namamaga dahil sa labis na pagluhod, physical activity, malakas na impact sa tuhod, bacterial infection, at maging osteoarthritis.
- Sa binti
May dalawang major na dahilan kung bakit nagkakaroon ng pamamaga sa mga binti. Una, maaaring sanhi ito ng fluid buildup o edema. Nangyayari ito kapag ang blood vessels o mga ugat at tissues sa binti ay nag-iimpok ng labis na fluid. Maaaring galing ito sa maghapong pagtayo o pag-upo, sa pagiging overweight, o kaya naman ay sa kakulangan sa exercise. Kailangan itong ma-monitor dahil baka mas malalim na medical condition ang sinesenyas nito gaya ng congenital heart failure.
Dahilan din para sa pamamaga ng binti ang injury gaya ng pagkabali ng buto o pagkapunit ng tendon o kaya naman ay litid. Natural na response ng katawan sa mga ito ang pamamaga. Nakakamaga rin ng binti ang muscle pain.
- Sa paa
Kadalasang namamaga ang paa kapag nakatayo o naglalakad sa loob ng mahabang oras. Kung wala namang kasamang iba pang sintomas ang pamamaga ng paa, marahil ay dala lang ito ng pagod. Kung ang pamamaga naman ay dala ng pagbubuntis, maging maingat dahil baka ito ay dahil sa preeclampsia, ang pagkakaroon ng high blood pressure. Ito ay delikado kaya bantayan ang mga sintomas nito gaya ng sakit ng tiyan, sakit ng ulo, at paglabo ng paningin.
Posible ring ankle o foot injury ang nagdulot ng pamamaga sa paa. Kilala sa tawag na balinganga o sprained ankle, ang pagkakamali ng hakbang ay nagsasanhi para sa mga litid na kumakapit sa ankle na ma-stretch lagpas sa kadalasang haba ng mga ito. Dahil dito nagkakaroon ng pamamaga.
PAMAMANHID
Isa lamang ang madalas na nakikitang dahilan ng pamamanhid ng paa, tuhod, binti o iba pang bahagi ng katawan na madalas ay iginagalaw - ang nerve pressure o fatigue. Kapag matagal na nakaupo o nakatayo, maraming napupuntang pressure sa mga ugat, dahilan para mahirapan ang dugo na dumaloy nang maayos.
Bukod dito, isa pa sa nakikitang dahilan para sa pamamanhid ay ang pagkakaroon ng Vitamin B deficiency. Importante ang Vitamin B para sa overall health ng nerves, at ang pagiging deficient dito ay maaaring maging dahilan para madalas makaranas ng pamamanhid, pangingimay, at pamimitig.
Ano ang mga solusyon para sa pananakit, pamamaga, at pamamanhid ng paa, tuhod, at binti?
Photo from Pixabay
- Uminom ng pain reliever gaya ng paracetamol o ibuprofen para guminhawa mula sa pananakit ng binti at tuhod na dala ng injury o fatigue. Kung hindi maiibsan ang sakit sa pag-inom nito, mabutihing magpakonsulta sa doktor para matukoy kung may iba pang dahilan para sa nararanasang sakit.
- Bantayan ng diet. Siguraduhin na ang masusustansyang pagkain sa iyong meal plan ay may kasamang calcium at Vitamin B para sa bone, nerve, and muscle health at repair. Ang kakulangan sa mga ito ay maaaring humantong sa leg pain. Umiwas din sa mga pagkaing maaalat at matataba para maging malaya sa rayuma at gout.
- Para sa sakit na dala ng health conditions, magtanong sa inyong doktor kung maaari itong inuman ng gamot sa pamamaga ng tuhod laban sa osteoarthritis gaya ng diclofenac sodium o gamot sa pamamaga ng paa kontra gout tulad ng allopurinol.
- Magkaroon ng balanseng active lifestyle. Gawing regular ang pag-eehersisyo para hindi mabigla ang mga buto, muscle, at nerves sa mga activity araw-araw. Importante rin sa pagiging active ang pagkakaroon ng sapat na pahinga para makapag-relax ang katawan at mabigyang-oras ang mga bahagi nito na makapag-repair.
- Magpa-schedule ng regular na check-up sa inyong healthcare provider nang sa gayon ay makasigurado sa kalagayan ng inyong binti, tuhod, paa, at overall health. Maging alerto sa mga sintomas at siguraduhing sabihin ang mga ito sa iyong doktor para mabigyan kayo ng angkop na treatment para sa inyong kalagayan.
Sources:
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/gout
https://www.webmd.com/pain-management/knee-pain/knee-pain-causes#1
https://www.webmd.com/pain-management/guide/foot-pain-causes-and-treatments#1
https://www.arthritis-health.com/types/osteoarthritis/what-knee-osteoarthritis
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/knee-bursitis/symptoms-causes/syc-20355501
https://www.webmd.com/dvt/why-legs-puffy#1
https://www.webmd.com/a-to-z-guides/swollen-ankles-and-feet#1