Ang lagnat o fever ay kilala bilang isang karaniwang senyales ng sakit sa mga bata. Madalas na labis ang pag-aalala ng mga magulang sa tuwing nilalagnat ang kanilang mga anak. Bilang isang mapagmahal na magulang, kalimitan ipapanalangin mo na lang na sa’yo na mapunta ang sakit ng iyong anak kaysa hayaan siyang maghirap habang may lagnat. Pero hindi ganun ang kondisyon sa totoong buhay, kaya bilang magulang makabubuti na may alam kung paano mapapangalagaan ng mahusay ang iyong anak at matutulungan siyang gumaling mula sa lagnat.
Karamihan sa mga tao, ang alam nila ay sakit ang lagnat, ngunit ayon sa usaping medikal, ang lagnat ay sintomas o babala ng isang palabas na sakit. Ito rin ang paraan para madepensahan ng katawan ang sarili mula sa anumang bakterya o mikrobyo. Ang ating utak ay may bahaging tinatawag na hypothalamus na may direktang kontrol sa temperatura ng ating katawan. Nagiging aktibo ang hypothalamus at tinataasan nito ang temperatura ng ating katawan para magbigay ng signal na mayroong hindi normal sa ating katawan kapag may natuklasan na impeksyon o sakit na nagdudulot para tayo ay ginawin. Bahagi man ng normal na proseso ng ating katawan ang lagnat, ito ay maaari ring dulot ng tonsillitis, sipon, o iba pang mga uri ng sakit. Mahalaga na kapag may lagnat ang isang bata ay obserbahan ang kondisyon nito sa loob ng 72 oras at kapag nanatili pa rin ang lagnat, dalhin na ito sa doktor para makapagpakonsulta.
Mga Sanhi ng Lagnat
Dahil ang lagnat o fever ay sintomas o babala ng sakit na dumapo sa katawan, narito ang isang madalas na sanhi ng lagnat:
Trangkaso o Flu - Ang trangkaso o flu ay isang sakit na lubhang nakakahawa. Walang pinipiling edad ang pagtama nito sa isang tao ngunit madalas mga bata ang nagkakaroon nito.
Ang trangkaso ay impeksyon na dulot ng influenza virus. Nakakaapekto ito sa ilong, lalamunan, baga, at iba pang bahagi ng katawan. Maaaring maging seryoso ang trangkaso na pwedeng humantong sa nakamamatay na impeksyon.
Image by Unsplash
Sintomas ng Trangkaso o Flu
- Mataas na lagnat na umaabot hanggang 104 degrees F o 40°C;
- Labis na pagginaw at panginginig na may kasamang lagnat;
- Labis na pagkaramdam ng pagkapagod;
- Masakit na ulo at katawan;
- Tuyo at malalang ubo;
- Masakit na lalamunan; at
- Pagsusuka at pagsakit ng kalamnan.
Ang trangkaso ay labis na nakakahawa lalo na sa mga batang magkakasama sa isang lugar katulad ng classroom sa eskwelahan at silid-tulugan sa bahay. Kumakalat ito kapag naka-inhale ang isang bata ng mikrobyo galing sa pag-ubo o pagbahing ng batang apektado ng sakit. Madalas na magkahawaan ang mga bata dahil madalas ay naghihiraman sila ng mga gamit sa eskwelahan at nagkakaroon ng hand-to-hand contact kapag naglalaro.
Pero paano nga ba makakaiwas sa trangkaso o flu ang mga bata?
Iminumungkahi ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na magpabakuna kontra trangkaso ang mga taong edad anim na buwan pataas. Importanteng makasiguradong napapabakunahan ang iyong anak taon-taon laban sa trangkaso. Ito ang pangunahing paraan para makaiwas sa trangkaso. Ang bakuna laban sa trangkaso ay tinatawag na flu o influenza vaccine. Ang mga bakunang ito, hindi man napipigilan ang lahat ng uri ng trangkaso, ay napatunayang nakapagpababa ng risk ng pagkakaroon ng trangkaso.
Maliban sa pagpapabakuna, ang mga sumusunod ay makakatulong din para makaiwas ang mga bata sa trangkaso:
- Mahalaga rin na panatilihing malinis ang sarili;
- Mahalagang laging naghuhugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit pumunta sa restroom. Hugasan nang mabuti ang mga kamay gamit ang sabon;
- Iwasan din ang paghawak sa mata, ilong at bibig na maaaring maging dahilan ng pagkalat ng bacteria;
- Makakabuti ring lumayo sa mga taong kasalukuyang may trangkaso;
- Matulog nang sapat na oras, kumain ng masustansyang pagkain, ugaliing magkaroon ng regular na ehersisyo, at uminom ng tamang dami ng tubig araw-araw; at
- Magtakip ng ilong at bibig sa tuwing uubo at babahing, at itapon sa tamang tapunan ang pinangtakip na tissue. Kapag dinapuan ng sakit, manatili na lang sa bahay at magpahinga para gumaling at di na makahawa pa.
Walang gamot ang sakit na trangkaso. Madalas ang mga inireresetang gamot dito ay para sa mga sintomas nito. Ang trangkaso ay kusang mawawala kung tutulungang magpahinga ang bata at paalalahanang uminom ng maraming tubig. Ang paracetamol ang madalas na ireseta ng mga doktor sa mga bata kung ito ay may lagnat at may pananakit ng katawan. Nakadepende sa doktor kung magdadagdag pa ito ng gamot depende sa iba pang sintomas ng trangkaso.
Gaya ng trangkaso, kapag may lagnat ang bata, kailangan silang pagpahingain at painumin ng maraming tubig. Ang seryosong gamutan ay hindi naman kailangan. Tumawag lamang ng doktor kapag ang lagnat ng bata ay may kasamang labis na pananakit ng ulo, stiff neck, mahirap na paghinga, o iba pang hindi normal na mga sintomas. Kung hindi ka pa rin komportable ang pakiramdam ng bata, maaari siyang painumin ng paracetamol, ibuprofen, o aspirin.
Pahabol Tips: Prevention
Para hindi na kailangan pang bumili ng gamot sa lagnat kapag nagkasakit ang iyong anak, naririto ang ilang tips para makaiwas sa mga infectious disease gaya nito:
- Palaging maghugas ng kamay at ituro rin ito sa mga bata lalo na bago kumain, matapos gumamit ng restroom, pagkatapos makihalubilo sa maraming tao o ma-expose sa taong may sakit, matapos makipaglaro sa alagang hayop, at matapos bumyahe sa pampublikong transportasyon.
- Pagdalahin at pagamitin ng alcohol ang mga bata.
- Paalalahanang iwasang makisalo sa baso, bote ng tubig, o utensils ng mga kalaro niyang bata para maiwasan ang paglipat ng virus at bacteria. Makakabuti kung pagbabaunan ang kids ng kanilang sariling water jug at personal na gamit.
- Pagdalahin ang mga bata ng bimpo o towel para kung sakaling umubo o bumahing ay mayroon itong pangtakip. Maaari ring pabaunan sila ng face mask kung magco-commute o nakasakay sa service.
- Paalalahanan ang inyong mga anak na iwasang isubo ang mga daliri ng kamay lalo na kung naglalaro sa labas ng bahay. I-remind din sila na huwag ilagay sa bibig ang anumang laruan o bagay na makikita sa loob o labas ng bahay.
Image by Unsplash
Marami mang tips para makaiwas sa lagnat, trangkaso, o anumang uri ng sakit ang mga bata, mahalaga pa rin na pakainin sila ng masusustansyang pagkain. Iwasan ding mapuyat at ma-stress ang mga bata para hindi bumagsak ang kanilang immune system. Panatilihing mayroong masayang atmosphere ang kids habang lumalaki dahil ayon sa pag-aaral, mas maliit ang tsansang magkasakit ng mga batang may healthy environment. Huwag ding masyadong maging strikto sa mga bata na pipigilan na lang silang gumawa ng physical activities. Bahagi pa rin ng paglago at paglaki nila ay ang madumihan at masaktan sa paglalaro. Bilang magulang, maging supportive at maalaga sa pag-iingat sa mga bata.
Sources:
https://kidshealth.org/en/parents/flu.html
http://kalusugan.ph/tamang-pangangalaga-sa-batang-may-lagnat/
http://kalusugan.ph/paano-makaiwas-sa-trangkaso-o-flu/
http://kalusugan.ph/trangkaso-flu-gamot-at-pagiwas/
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/fever/diagnosis-treatment/drc-20352764
https://www.webmd.com/cold-and-flu/children-and-flu-influenza#1