Kapag papalapit na ang pasko, may mga bansang nakakaranas ng winter o taglamig tulad ng Amerika at ang United Kingdom. Sa iba’t-ibang dako ng daigdig na ang winter ay nagdadala ng niyebe o snow, karaniwan nang makaranas ang mga tao ng cabin fever, lalo na ang mga bata.
What Is Cabin Fever?
Ang cabin fever ay hindi isang uri ng lagnat o sakit. Ito ay ang ginagamit na kataga kung ang ibig sabihin ay ang pakiramdam ng pagkakakulong sa iisang lugar sa loob ng mahabang panahon.
Narito ang ilang magandang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan maaaring makaramdam ng cabin fever:
- Hindi makalabas sa bahay upang maglaro dahil ilang araw nang umuulan ng niyebe.
- Nagbakasyon sa isang isolated island o kaya nama’y liblib na lugar at hindi makaalis sa tinitirhang cottage o cabin dahil bumabagyo o kaya nama’y nasira ang sasakyan.
- Submarine crew na nasa ilalim ng tubig nang ilang araw, linggo, o buwan.
- Nakatira malayo sa sibilisasyon.
Bagama’t hindi sakit ang cabin fever, mayroon din namang maituturing na cabin fever symptoms. Kasama na riyan ang pagiging antukin o di kaya nama’y hindi makatulog. Sa mga mas seryosong sitwasyon ng cabin fever, maaari din itong makaapekto sa pag-iisip at pagdedesisyon dahil sa paranoia.
Ang cabin fever ay ginagamit din naman upang ipahayag ang mas mababaw na dahilan: ang pagkainip.
Sa sitwasyon ngayon, karaniwang maririnig ang katagang cabin fever upang ipahayag ang pakiramdam ng namamalagi lamang sa bahay dahil sa COVID-19 pandemic at sa paalala ng mga kinauukulan na iwasan ang paglabas ng bahay kung ‘di talaga kailangan.
Ang mga kabataan ay nakararanas ng cabin fever dahil hindi sila maaaring lumabas upang maglaro gaya ng dati. Hindi na rin sila puwedeng mamasyal o pumunta sa mga mall at palaruan. Dahil sa banta ng COVID-19, ang tanging ligtas na lugar lamang para sa mga kabataan ay ang kani-kanilang tirahan.
Narito ang ilang mga paraan upang matulungan ang mga bata na makaiwas sa cabin fever:
Maglaro sa Bakuran
Kung may maluwag na bakuran naman na napapaligiran ng bakod at gate, puwede namang payagan ang mga bata na maglaro rito upang hindi naman laging nakakulong sa bahay. Puwedeng maghabulan, magtagu-taguan, maglaro ng patintero o tumbang-preso kasama ang mga kapatid o magulang, mag-badminton, at iba pang mga laro.
Mabuti sa kalusugan ang paglalaro sa labas kung ‘di naman umuulan o kaya’y masyadong mainit. May mga oras na ang Philippines temperature ay delikado dahil sa sobrang init kaya mainam na makapaglaro sila sa umaga o kaya nama’y sa hapon kapag hindi na mataas ang araw.
Maganda rin para sa mga bata ang makalanghap ng sariwang hangin at ang masinagan ng araw kapag hindi ganoon kainit. Isa rin itong paraan ng family bonding. Upang maging mas matibay pa ang kanilang katawan laban sa sakit, painumin sila ng vitamins for kids.
Sabihan lamang ang mga bata na huwag lalabas sa bakuran. Bantayan din sila upang makasigurong nananatili sila sa bakuran at walang nasasaktan.
Magsayaw
Ang pagsasayaw ay mabisang exercise para sa bata man o matanda. Upang maiwasan ang inip, hikayatin at samahan ang mga bata sa pagsasayaw sa mga paboritong tugtugin. Kung competetive ang mga anak, puwede rin gawin itong contest upang mas seryosohin pa nila ito at ituring na event na kanilang hihintayin at paghahandaan.
Makinig sa Music
Puwede rin namang magpatugtog lang ng mga paboritong tugtugin. Ang kagandahan ng musika, puwede kang maupo at makinig, at puwede rin namang nasa background lang ito habang naglalaro ng mga laruan ang mga bata at ikaw nama’y nagtatapos ng mga gawaing-bahay tulad ng pagliligpit, pagluluto, paglalaba, at kung anu-ano pa.
Magkantahan
Di na maikakaila na isa ang Pilipinas sa mga bansang mahilig sa kantahan. Kahit na yata anong okasyon, hindi mawawala ang videoke.
Upang maiwasan ang pagkainip, samahan ang mga bata sa pagbirit ng mga awitin sa videoke sa inyong tahanan. Puwedeng gumamit ng mga videoke device tulad ng Magic Sing, o kaya’y magkonekta na lamang ng mikropono sa stereo o TV, o di kaya’y sabayan na lamang ang mga tugtog kahit walang mikropono.
Sa katunayan, meron pang mada-download na apps upang maging mistulang videoke machine ang smartphone. Kung may marunong tumugtog ng instrumento tulad ng gitara, puwede ring sabayan ito ng mga bata.
Manood ng TV
Kung noong 90s nangyari ang pandemic na ito, marahil ay suwerte ka na kung may cable TV sa inyong tahanan dahil maraming pagpipiliang channels ang mga anak. Kung mahilig sila sa cartoons, halimbawa, nariyan ang Disney at Disney Junior, Nickelodeon, Disney XP, Cartoon Network, Animax, at iba pa.
Ngayon, bukod sa cable, meron ding internet kaya puwede ring manood ng mga palabas sa YouTube. Nariyan din ang mga subscription streaming channels gaya ng Netflix. Puwedeng panoorin ang mga ito sa smart TV, computer, tablet, o smartphone. Siguraduhin lamang na akma sa edad at pang-unawa ng mga anak ang kanilang napapanood. May mga features ang YouTube, Netflix, at iba pang internet-based video streaming channels na binibigyan ang magulang ng pagkakataong makontrol kung ano ang nakikita ng mga bata sa mga ito.
Ihanda na ang chichirya at ang komportableng upuan o higaan, at pumili na ng panonoorin. Mag-binge ng mga pelikula o kaya nama’y series. Samahan ang mga bata upang makapag-bonding na rin.
Maglaro ng Board Games
Karamihan sa mga bata ngayon ay mahilig sa mga video games lalo na sa smarphone. Pero para maiba naman, at magkaroon din ng oportunidad makapag-bonding kasama ang mga anak, ito na ang pagkakataon upang ipakilala mo ang mga nakalakihang board games.
Hindi tulad ng mga nausong video games, ang paglalaro ng board games ay magandang pampalipas-oras o libangan na puwedeng kasama ang buong pamilya. Nariyan ang chess, monopoly, game of the generals, dama, snakes and ladders, at marami pang iba.
Magbasa
Sabi ng marami, may epidemya daw sa henerasyon ng mga Pilipino na hindi na nakukuntento sa pagbabasa. Dala na rin marahil ito ng pagkakaroon ng internet; napakadaling makahanap ng videos tungkol sa halos lahat ng bagay. Kaya tuloy maraming bata ang hindi nagkaka-interes sa pagbabasa ng mga libro, dyaryo, at iba pang babasahin.
Habang nasa bahay lamang dahil sa pandemic, hikayatin ang mga bata na magbasa ng mga librong akma sa kanilang edad. Kundi masyadong bata pa ang inyong mga anak, puwede rin silang basahan ng mga nakakalibang na kuwentong pambata. Sa ganitong paraan madalas nagkakaroon ng interes ang mga bata upang matutong magbasa. Magandang pampalipas-oras ang pagbabasa at marami pang puwedeng matutunan.
Napakaraming puwedeng gawin sa bahay upang maiwasan ang inip na dala ng cabin fever. Kailangan lamang maging malikhain at alamin kung ano ang mga bagay na makakahuli ng atensyon ng mga bata.
Kung nakakaranas naman ng mga totoong fever symptoms, hindi na iyan epekto ng cabin fever. Sumangguni kaagad sa doktor upang mabigyan ang anak ng karapatang lunas sa lalong madaling panahon. Puwede rin namang painumin ng paracetamol kung may sinat lamang, pero wala nang dadaig pa sa ingat at pagkonsulta sa isang dalubhasa lalo na kung lumagpas sa isang araw ang mga sintomas.
Resources:
https://www.parents.com/fun/activities/outdoor/fun-free-cabin-fever-busters/
https://www.verywellmind.com/cabin-fever-fear-of-isolation-2671734