Mga dapat malaman tungkol sa pabalik balik na lagnat ng bata

July 24, 2017

Photo from hin255 at FreeDigitalPhotos

Ang lagnat o “fever” ay isang karaniwang sakit sa mga bata. Lubos na nag-aalala ang mga magulang sa tuwing nilalagnat ang kanilang anak. Ang makita ng isang nagmamahal na magulang ang kanyang anak na naghihirap dahil sa lagnat ay talagang mabigat sa kalooban. Kung kaya’t importanteng malaman ng mga magulang kung ano ang lagnat, ang mga sintomas nito, ang mga posibleng sanhi, ang tamang pag-alaga sa batang may lagnat, mga dapat iwasan at kailan dapat lumapit sa doktor para ipasuri ang batang may lagnat.

 

Ano ba ang lagnat?

Sa nakararami ang alam nila ay na isang sakit ang lagnat, subalit ito ay sintomas lamang ng sakit na dumapo sa katawan. Ang hypothalamus ay isang parte ng utak na may direct control sa temperature ng ating katawan. Kung may impeksyon, sakit o iba pang sanhi, nagiging aktibo ang ating hypothalamus at tinataasan nito ang temperature ng ating katawan para magbigay ng signal na mayroong mali. Bagamat ang lagnat ay normal na proseso ng ating katawan upang depensahan ito mula sa impeksyon dulot ng mikrobyo, maaaring rin na ito ay dulot ng tonsillitis, sipon at iba pang mga sakit. Kung kaya’t importante na mapasuri sa doktor ang inyong anak kapag hindi ito nawala pagkatapos ng 72 hours o three days, upang malaman ang sanhi nito at mabigyan ng tamang medication.

 

Mga sintomas ng lagnat

Upang maagapan ang lagnat sa bata, importanteng malaman ang iba’t ibang sintomas nito. Ang mga sumusunod ay mga sintomas na dulot ng lagnat o “fever”:

  • Temperature na higit sa 37.8°C

  • Mabigat na pakiramdam

  • Pagsakit ng kasukasuan o joints

  • Pagsakit ng ulo

  • Pagsusuka

  • Pagkahilo

  • Pagkawala ng gana sa pagkain

 

 

Ano ang iba’t ibang sanhi ng lagnat?

Dahil ang lagnat o “fever” ay sintomas ng isang sakit na dumapo sa katawan, importante na malaman ang mga sanhi nito para mabigyan ng tamang alaga at gamot ang bata.

Ito ang iba’t ibang pangunahing sanhi ng lagnat o “fever” sa mga bata:

  • Trangkaso o “flu”

  • Sipon o “common colds”

  • Impekson sa taenga

  • Impekson sa lalamunan o “tonsillitis”

  • Sakit sa bato o UTI

  • Pulmonya o “pneumonia”

  • Sakit sa tiyan o “gastroenteritis”

  • Bulutong tubig o “chicken pox”

  • Tigdas o “measles”

  • Sobrang pagkahapo o “fatigue”

  • Pagbakuna o “vaccination shots”

 

Ang tamang alaga sa batang may lagnat

Sundin ang mga hakbang na ito upang mapangalagaan ang mga bata at mapababa ang lagnat nila:

  1. Painumin ng Paracetamol

Ang Paracetamol ay isang mainam na gamot para mapababa ang temperature at mabawasan ang pananakit ng katawan ng bata. Siguraduhin na ang gamot na ito ay angkop sa edad ng bata. Maaaring basahin ang tamang pag-inom ng Paracetamol dito.

 

  1. Paglagay ng cold-compress sa noo

Ang paglagay ng malamig na tuwalya sa noo ay isang mainam na paraan upang mapababa ang temperature ng bata kung may lagnat o “fever” ito.

 

  1. Pag-inom ng maraming tubig

Mainam na painumin ng tubig ang bata upang maiwasan ang dehydration dulot ng lagnat.

 

  1. Pagpaligo gamit ng sponge bath

Upang mapanatili na malinis at presko ang bata, maaari siyang paliguan o punasan gamit ng tuwalya o sponge na binasa gamit ng maligamgam na tubig.

 

  1. Pasuotin ng presko na damit

Siguraduhin na preskyo ang suot ng bata para kumportable ito at hindi madalas pagpawisan.

 

  1. Regular na pagpalit ng damit

Kapag pinagpawisan, siguraduhin na bigyan ito ng sponge bath at palitan agad ng panibagong damit para maiwasang lumala ang lagnat nito.

 

Ang mga dapat iwasan kung may lagnat ang bata

  1. Wag painumin ng iba’t ibang gamot ang bata

Maliban sa Paracetamol, iwasan na painumin ng ibang gamot ang bata, lalong lalo na kung hindi itong nireseta ng doktor. Importanteng iwasan ang gawain na ito dahil may mga gamot na hindi maaari inumin ng mga bata.

 

  1. Wag paliguan ang bata gamit ng malamig na tubig o pagpunas ng alcohol

Maaaring lumala ang lagnat ng bata kung papaliguan ito gamit ng malamig na tubig o punasan ng alcohol. Gumamit lamang ng maligamgam o ‘lukewarm’ na tubig sa pag punas o pagpaligo.

 

  1. Wag magpalit ng gamot

Iwasan na palitan ang gamot ng bata, lalong lalo na kung hindi ito pinapayo ng doktor. Mas mainam na kumonsulta muna sa doktor bago magpalit ng gamot.

 

  1. Iwasan na balutin sa makapal na kumot ang bata

Importante na mapanatiling presko at kumportable ang pakiramdam ng bata.

 

Kailan dapat kumonsulta sa doktor?

undefined

 

Ang lagnat ay kusang gumagaling, subalit maaari din na ito ay sanhi ng isang malubhang sakit, kung kaya’t may mga pagkakataon na kakailanganin na lumapit sa isang doktor. Ang mga sumusunod ay mga sintomas o sinyales na kinakailangan ikonsulta ang lagnat ng bata sa doktor:

  • Lagnat na pabalik-balik

  • Temperature na higit sa 39°C

  • Pagkaranas ng kumbolsyon

  • Pagkaranas ng sobrang pagdumi

  • Pagkaranas ng matinding pananakit ng ulo

  • Pagkaranas ng matinding pananakit ng katawan

 

Kalusugan ng bata

Karaniwang mahina pa ang resistensya ng mga bata kung kaya’t kailangan na siguraduhin ng mga magulang na maganda ang kalusugan nila. Maaaring pagandahin ang kalusugan at palakasin ang resistensya laban sa sakit sa mga pamamaraan na ito: pagbigay ng tamang pagkain, pagsiguro na sapat ang pahinga nila at pagbigay ng mga vitamins upang mas makalaban ang katawan nila.

 

Sources: