Maraming sanhi ang pananakit ng tiyan o stomach ache, lalo na sa mga batang 12 na taong gulang at pababa. Pwede ito manggaling sa pagkain, sa infection, o sa iba’t ibang medical na kondisyon. Syempre, abala ito sa mga bata, lalo na kung maliit pa sila. Kaya naman narito ang ilan sa mga karaniwang sanhi ng pananakit ng tiyan ng mga bata, at kung paano maiwasan o maibsan ang mga ito.
Food Poisoning at Ibang Food-Related na Sanhi
Nagkakaroon ng food poisoning ang bata kapag nakakain siya ng kontaminadong pagkain. Halimbawa, maaaring ma-food poison ang bata kapag ang pagkain niya ay nadapuan ng bacteria, katulad ng salmonella, staphylococcus, o listeria. Ang tawag dito ay cross-contamination. Ang ilan sa mga karaniwang pinanggagalingan ng cross-contamination ay ang maduduming kagamitan sa kusina, ang pagdikit ng hilaw na pagkain sa luto o ready-to-eat na pagkain, mga dumi o basura sa kusina, o kahit ang personal hygiene ng nagluluto. Madalas na nadadapuan ng bacteria ang karne, isda, dairy products, o de latang pagkain.
Pwede rin maging chemically o physically contaminated ang pagkain. Ang chemical contamination ay nanggagaling sa mga kitchen cleaners (dishwashing soap, bleach, atbp.) o pest control products (rat poison, insect repellent, atbp.) na maaaring mahalo sa pagkain, o kaya sa mga lalagyan na hindi nahugasan nang mabuti. Ang physical contamination naman ay nangyayari kapag nalalagyan ng buhok, alikabok o kuko ang pagkain, kapag nag-iiwan dito ng dumi ang mga daga, ipis at ibang hayop, o kapag dumadapo ang mismong insekto dito.
Para maiwasan ang food poisoning, siguraduhin na palaging malinis ang kapaligiran, kapag naghahanda ng pagkain. Maghugas ng kamay at iwasan ang lahat ng pwedeng magdulot ng kontaminasyon, katulad ng pagsuot ng alahas o hindi pag-ayos ng buhok. Tiyakin rin na malinis ang mga kagamitan sa kusina, at hugasan at lutuin ang pagkain nang mabuti.
Bukod sa food poisoning, may iba pang food-related causes ang sakit ng tiyan. Kabilang dito ang gas pain at bloating. Nangyayari ang gas pain kapag naiipon ang hangin sa tiyan ng bata, kaya mararamdaman nila ang pagiging bloated, o ang pakiramdam na malaki o punong-puno ang kanilang tiyan. Nagmumula ang gas pain sa beans, softdrinks, fiber, gatas, at iba pa.
Maiiwasan ang gas pain sa simpleng pag-kontrol sa kinakain ng mga bata. Alamin ang nagdudulot ng gas pain, at iwasan ang pagbigay sa kanila ng mga ito. Kung hindi kayang iwasan nang lubusan ang mga ito (katulad ng gatas, na napaka-importante sa mga bata), patnubayan na lang ang pagkain o pag-inom nila nito, para hindi masobrahan.
Stomach Flu o Gastroenteritis
Isa ang gastroenteritis sa kadalasang infection na nakukuha ng mga bata. Ito ay isang infection na nakukuha sa mikrobyo o kaya mga parasite na nagdadala ng mga sintomas gaya ng pagsusuka, pagtatae, lagnat, kawalan ng gana kumain, at pananakit ng tiyan. Madalas na napagkakamalang food poisoning ang gastroenteritis, dahil halos magkapareho ang kanilang mga sintomas. Pero may pagkakaiba ang dalawa. Halimbawa, ang gastroenteritis ay nakakahawa, at pwedeng makuha sapaglalaro ng mga bata sa maduming lugar o bagay. Ang food poisoning naman ay nakukuha sa mismong kontaminadong pagkain. Maliban dito, may pagkakaiba rin sa mga sintomas ng dalawa. Ang pagsusuka at pagbaba ng timbang ay karaniwang sintomas ng gastroenteritis, pero sa malulubhang kaso lang ng food poisoning lumalabas ang mga ito. Importante na malaman ang kaibahan ng gastroenteritis sa food poisoning, para malaman rin ang tamang pag-iwas dito.
Dapat ay maghugas palagi ng kamay, lalo na kapag nalapit sa isang tao na may sakit. Subukan rin magpabakuna para sa Rotavirus, isang virus na nagdudulot ng gastroenteritis. Mainam kung mabigyan ng bakuna ang bata kapag pumalo na siya ng dalawang buwan.
Medikal na Sanhi
Minsan mayroon ding mga instances na medikal na kondisyon na ang nagdudulot ng pananakit ng tiyan sa mga bata. Ang ilan sa mga ito ay ang Irritable Bowel Syndrome o IBS, Appendicitis, at Urinary Tract Infection o UTI.
Ang Irritable Bowel Syndrome ay isang kondisyon sa gastrointestinal system, kung saan nagsasabay ang pananakit ng tiyan at ang pagkakaroon ng diarrhea o constipation. Madalas, ang pananakit ng tiyan na dulot ng IBS ay nangyayari matapos kumain. Naiibsan ito kapag nakapaglabas na ng dumi ang bata. Kung may diarrhea siya, mapapansin na ang pagdumi niya ay madalas (2-3 beses kada araw) at matubig; kung constipated naman siya, bihira (1-2 beses kada linggo) at matigas ang kanyang pagdumi.
Kapag ang kanyang mga sintomas ay nagtagal na ng mga dalawang buwan, maari na mayroon na siyang IBS, imbes na ang regular lang na diarrhea o constipation na pwedeng magtagal lang ng ilang araw.
Photo from Foodies Feed
Importante ang diet at nutrisyon sa pagbawas sa sintomas ng IBS. Ang mga low fat at high carbohydrate na pagkain, gaya ng kanin, tinapay, prutas at gulay ay pwedeng makatulong. Ang ilan naman sa mga produkto naman na may dairy, caffeine, at artificial sweeteners ay kayang palalain ang mga IBS symptoms. Kontrolin ang kinakain ng mga bata, para hindi sila masobrahan o mawalan ng mga ito sa diet nila. Bigyan rin sila ng probiotic-rich food, tulad ng dark chocolate, yogurt, o probiotic drinks, para maibsan ang kanilang sintomas.
Dahilan rin ng pananakit ng tiyan ang urinary tract infection, o UTI. Ito ay isang infection sa kahit anong bahagi ng ating urinary system. Dahil dito, sumasakit ang puson o lower abdomen, o kaya naman ang lower back area.
Bantayan rin ang mismong pag-ihi ng mga bata para sa mga sintomas na ito, para malaman kung may UTI na sila:
-
Madalas na pag-ihi
-
Hapdi o burning sensation kapag umiihi
-
Masangsang na amoy ng ihi
-
Dugo sa ihi
-
Pagkalabo o pagiging cloudy ng ihi
Dahil isang uri ng infection ang UTI, ang pinakamagandang treatment para dito ay ang pag-inom ng antibiotics. Pero sa mga batang wala pang tatlong buwan, malamang ay i-aadmit sila sa ospital ng ilang araw, para doon sila mabigyan ng gamot. Para naman sa pag-iwas sa UTI, mahalaga na palaging malinis ang ari at puwitan ng bata. Siguraduhin din na malinis ang kanilang mga damit. Dapat din sila maging hydrated, kaya madalas silang painumin ng tubig.
Ang isa pang medical condition na pwedeng maging dahilan ng pananakit ng tiyan ay ang appendicitis, o ang pamamaga ng appendix na dulot ng pagbara ng dumi o ibang foreign objects dito. Kapag may appendicitis ang isang bata, malamang ay makakaramdam siya ng sakit malapit sa kanyang pusod, o kaya sa upper or lower abdomen niya. Maari din siyang mawalan ng ganang kumain, magkalagnat, at magsuka.
I-monitor ang kondisyon ng batang nakakaramdam ng mga sintomas nito, dahil pwedeng pumutok o mag-rupture ang kanyang appendix. Mas mainam na dalhin ang bata sa doktor, para matingnan siya nang mabuti. Kalimitan, ang treatment para sa appendicitis ay ang appendectomy, isang surgical procedure para matanggal ang appendix. Ginagawa ito ng mga doktor sa loob ng 24 hanggang 72 oras matapos mag-umpisa ang mga sintomas, para maagapan ang pag-rupture ng appendix.
Sa ngayon, wala pang paraan para makaiwas sa appendicitis. Pero, mas bihira ang sakit na ito sa mga mahilig kumain ng fiber-rich food, katulad ng prutas at gulay.
Pag-alaga sa Stomach Health ng mga Bata
Mahalaga ang diet, hygiene, at ang pagpunta sa doktor para sa pag-alaga sa stomach health ng mga bata. Tiyakin na malinis at masustansya ang kanilang mga kinakain, siguraduhin na maayos ang paligid na kanilang ginagalawan, at i-maintain ang regular na pag-bisita sa kanilang doktor, para maiwasan ang iba’t ibang nagdadala ng sakit ng tiyan. Para siguraduhing may sapat na nutrisyon ang mga bata, maaari rin silang painumin ng multivitamins.
References:
-
Australian Institute of Food Safety: https://www.foodsafety.com.au/resources/articles/ood-safety-and-the-different-types-of-food-contamination
-
BabyCenter: https://www.babycenter.com/0_gas-pain-ages-3-to-8_66306.bc
-
Cleveland Clinic: https://health.clevelandclinic.org/2016/07/stomach-aches-5-things-parents-should-know/
-
E-Medicine: http://www.emedicinehealth.com/abdominal_pain_in_children/article_em.htm
-
Everyday Health: http://www.everydayhealth.com/appendicitis/guide/appendix/ruptured/
-
Healthline: http://www.healthline.com/health/digestive-health/stomach-bug-or-food-poisoning#Prevention6
-
Mayo Clinic: http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/urinary-tract-infection/basics/symptoms/con-20037892
-
Medline Plus: https://medlineplus.gov/ency/article/007504.htm
-
Merck Manuals: http://www.merckmanuals.com/home/children-s-health-issues/digestive-disorders-in-children/gastroenteritis-in-children
-
National Health Service: http://www.nhs.uk/conditions/Urinary-tract-infection-children/Pages/Introduction.aspx
-
Reader’s Digest: http://www.rd.com/health/healthy-eating/13-probiotic-filled-foods/
-
WebMD: http://www.webmd.com/a-to-z-guides/features/secrets-gas-control
-
WebMD: http://www.webmd.com/digestive-disorders/digestive-diseases-appendicitis#1