Labanan ang Chikungunya, Alamin ang mga Sintomas at mga Epektibong Paraan ng Pag-iwas

May 15, 2023

Noong January 2023, naitala ng Department of Health (DOH) ang 600 kaso ng chikungunya sa bansa noong nakaraang taon, na tinatayang 552% mas mataas kumpara noong 2021. Ang CALABARZON ang nagtala ng pinakamaraming kaso, sinundan ng Central Visayas at Davao. Ang pagtaas ng mga kaso ay lubhang nakababahala at marapat lamang magkaroon ang lahat ng wastong kaalaman tungkol sa chikungunya.

Ang chikungunya ay ipinapasa sa mga tao sa pamamagitan ng kagat ng mga lamok na may dala-dalang virus. Karaniwang mga uri ng lamok na ito ay ang Aedes aegypti at Aedes albopictus. Ang mga lamok na ito ay maaari ring magdala ng iba pang mga virus na ipinapasa rin ng lamok tulad ng dengue. Sila ay kumakagat sa buong araw, ngunit mas aktibo sila tuwing umaga at hapon.

Sintomas ng chikungunya

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/old-asian-patient-hospital-nurse-holding-1063085612

Ang karamihan sa mga sintomas ng chikungunya ay pansamantalang nagtatagal ng 2 hanggang 12 araw. Ang mga karaniwang sintomas ay ang mga sumusunod:

  • biglaang pagtaas ng lagnat
  • pananakit ng mga kasukasuan
  • ang pananakit ng mga kalamnan
  • sakit ng ulo
  • pagsusuka
  • pagkapagod
  • pagkakaroon ng pantal

Karamihan sa mga pasyente ay lubusang gumagaling, ngunit sa ilang mga kaso, maaaring manatiling mayroong pananakit ng mga kasukasuan sa loob ng ilang buwan. Ang chikungunya ay bihirang magdulot ng kamatayan. Bagamat hindi gaanong karaniwan ang mga malubhang komplikasyon, ang sakit na ito ay maaaring magdulot ng pagkamatay sa mga matatanda. Ang mga sanggol at ang mga matatanda na mayroong malalang kondisyon sa kalusugan ay maaaring magkaroon rin ng malubhang sakit at maaaring makaranas ng mga komplikasyon.

May gamot at bakuna ba para sa chikungunya?

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-headache-young-girl-giving-her-126292229

Wala pang partikular na gamot na antiviral na ginagamit sa paggamot ng chikungunya.  Ang paracetamol ay inirerekomenda para sa sakit ng katawan at lagnat. May ilang mga bakuna na kasalukuyang ginagawa ang mga eksperto, ngunit wala pang komersyal na bakuna na available upang magbigay ng proteksyon laban sa impeksyon ng chikungunya virus.

Paano makakaiwas sa Chikungunya?

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/eunapolis-bahia-brazil-march-27-2009-1817772872

Ang pangunahing paraan upang mabawasan ang pagkalat ng Chikungunya ay sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga lamok na nagdadala ng virus. Ito ay nangangailangan ng pakikipag-ugnayan sa buong komunidad upang bawasan ang mga pook na maaaring pamugaran ng lamok sa pamamagitan ng pag-aalis at paglilinis ng mga lalagyan na naglalaman ng tubig.

Ang dalawang pangunahing uri ng lamok na nagdadala ng chikungunya virus ay kumakagat sa araw, kaya mahalagang mag-ingat sa lahat ng oras. Naglalagay sila ng mga itlog sa mga lalagyan na may tubig.

Upang maiwasan ang pagkalat ng chikungunya, mahalaga ang mga sumusunod na hakbang:

  1. Pag-iwas sa kagat ng lamok:
  • Isuot ang mga damit na natatakpan ang balat tulad ng mga long sleeve na damit at pantalon.
  • Gumamit ng mosquito repellent na rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA). Kapag ginamit nang tama, ang mga mosquito repellent na rehistrado sa FDA ay napatunayang ligtas at epektibo, kahit sa mga buntis at nagpapasuso..
  • Maglagay ng mga screen sa mga bintana at pinto ng bahay upang mapigilan ang pagpasok ng mga lamok. Siguraduhin na walang mga butas o sira sa mga ito.
  • Gumamit ng mga insecticide-treated mosquito nets sa mga taong natutulog sa araw, gaya ng mga bata, mga may sakit, o mga matatanda.
     
  1. Kontrol sa mga lamok:
  • Linisin ang paligid. Bawasan ang mga pwedeng pamahayan ng lamok sa paligid ng tahanan. Ito ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng paglilinis ng mga lalagyan na naglalaman ng tubig, tulad ng mga lalagyan ng basura, mga timba, at mga inumin ng hayop.
  • Siguraduhin na walang naiwang tubig sa mga ito at i-empty ang mga lalagyan kada linggo.
  • Magpatulong sa paglilinis ng paligid. Makipagtulungan sa inyong mga kapitbahay at lokal na pamahalaan sa paglilinis at pagkontrol ng mga lamok sa inyong lugar. Ang kolektibong pagkilos ay makakatulong upang bawasan ang mga lamok at maprotektahan ang inyong komunidad.
     
  1. Pag-iingat sa mga biyahe:
  • Sa mga lugar na may matataas na kaso ng chikungunya virus, gawin ang mga pangangalagang pang-mosquito bite prevention tulad ng paggamit ng mosquito repellents, pag-suot ng mga damit na natatakpan ang balat, at paglalagay ng mga screen sa mga sasakyan o sa mga tulugan sa mga lugar kung saan may mga natutulog pag araw.

Ang pag-iwas at kontrol sa mga lamok ay mahalagang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng chikungunya virus. Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kaalaman sa komunidad, pagsuporta sa mga programa ng pagkontrol ng lamok, at pagsunod sa mga tagubilin sa pag-iwas sa kagat ng lamok, maaari nating mapangalagaan ang ating kalusugan at maiwasan ang pagkalat ng sakit na ito.

Bilang isang indibidwal, mahalagang magkaroon ng kamalayan sa mga sintomas ng chikungunya at kumonsulta sa doktor kung may mga pag-aalinlangan o may palatandaan ng chikungunya. Ang maagang pagkonsulta at wastong paggamot ay mahalaga upang maiwasan ang mga komplikasyon at mapabilis ang paggaling.
 

References:

CDC. (2019). Chikungunya virus. Centers for Disease Control and Prevention. https://www.cdc.gov/chikungunya/index.html

Center for Disease Control and Prevention. (2020). Prevention. CDC. https://www.cdc.gov/chikungunya/prevention/index.html

World Health Organization: WHO. (2019, June 27). Chikungunya. Who.int; World Health Organization: WHO. https://www.who.int/health-topics/chikungunya/#tab=tab_1

Villanueva, R. (2023, January 22). Chikungunya cases up 552% – DOH. Philstar.com. https://www.philstar.com/nation/2023/01/22/2239343/chikungunya-cases-552-doh