Magkakaroon Ba Ako Ng Fatty Liver Kung Hindi Ako Umiinom?

March 08, 2018

Kaakibat ng sobrang pag-inom ang fatty liver at iba pang mga sakit sa atay, ngunit hindi ibig sabihin na siguradong ligtas na sa peligro ang iyong atay kung ikaw ay hindi umiinom. Kailangan pa rin pangalagaan ang katawan at ang pagkakaroon ng balanced diet upang sadyang maging healthy ang atay at maiwasan ang sakit na tinatawag na non-alcoholic fatty liver disease.

 

Ano ang fatty liver disease?

Ito ay kondisyon kung saan labis na dami ng taba ang naiimbak sa atay, na nagdudulot ng maraming komplikasyon. Kabilang dito ang pamemeklat sa atay or cirrhosis na nakamamatay kung hindi agarang maagapan. Nagagamot ang nasabing sakit kung gagawing mas healthy ang pamumuhay, partikular ang pag-iwas sa alak, pagbabawas ng timbang at pag-kain ng fatty liver diet na low fat at low sugar.

Tipikal na walang fatty liver symptoms hanggang sa magdulot na ito ng mga komplikasyon. 

 

Mga Uri

May dalawang uri ang fatty liver disease: ang alcoholic fatty liver at non-alcoholic fatty liver. Ang alcoholic fatty liver ay ang unang yugto ng mga sakit sa atay na dulot ng alak. Kapag patuloy ang labis na pag-inom ng alak, unti-unting napipinsala ang atay hanggang sa mawala ang kakayahan nitong tunawin ang taba. Samantala, ang non-alcoholic fatty liver naman ay kondisyon kung saan ang atay ay napapalibutan ng taba. Dahil dito, nahihirapan ang atay tunawin ang taba.

Dahil kaya ng atay palitan ang mga napinsalang cells, maaaring gumaling sa parehong kondisyon. Subalit kung patuloy ang unhealthy na pamumuhay, tutuloy sa cirrhosis ang sakit.

 

Mga Sanhi

undefined

Image from Pixabay

Gaya ng sinasaad ng pangalan nito, ang alcoholic fatty liver ay dulot ng patuloy na sobrang pag-inom ng alak. Ang non-alcoholic fatty liver naman ay sanhi ng labis na katabaan, labis na dami ng taba sa dugo, diabetes, mana sa pamilya, biglaang pagtaas ng timbang at side effect ng ilang gamot (aspirin, mga steroid at mga katulad na pormulasyon).

Mga Sintomas

Karaniwang hindi nakakaramdam ng fatty liver symptoms. Subalit maaring mamaga ang atay kung hindi agad maagapan ang sakit, at kung nangyari ito, maaring maramdaman ang sumusunod:

  • Pagkahapo
  • Panghihina
  • Biglaang pagbaba ng timbang
  • Pananakit ng tiyan
  • Pagkatuliro

 

Mga Lunas

undefined

Image from Pixabay

Walang partikular na gamot ang kayang magpagaling sa fatty liver. Tanging pagbabago sa pamumuhay ang solusyon upang bumuti ang kalagayan.

Ang fatty liver diet ay mabisang paraan upang bumalik sa normal ang iyong atay, kung saan iyong iiwasan ang mga pagkaing matataba at maraming asukal. Ipalit sa mga ito ang mga mas healthy na pagkain gaya ng mga prutas, gulay at grains. Bawasan din ang konsumo sa karne ng baka at baboy at dagdagan ang pag-kain ng isda at manok na walang balat.

Sabayan ang fatty liver diet ng ehersisyo para bumilis ang kakayahan ng katawan tumunaw ng taba. Para sa mga nakatatanda, hindi kailangang lubos na pagurin ang sarili. Mainam na ang walking, jogging o kahit anong simpleng ehersisyo araw-araw.

Dahil karaniwang hindi nararamdaman ang fatty liver symptoms, ugaliing magpa-check-up kada taon para matuklasan kung may problema ang iyong atay o kung ang fatty liver ay nagdulot na ng cirrhosis. Agarang maagapan ang iyong kondisyon at ikaw ay magiging masaya at masigla.