Ano ang Pneumonia?
Ang pulmonya (pneumonia) ay isang impeksyon sa baga kung saan ang baga ay nagkakaroon ng malubhang pamamaga na dala ng virus, bacteria, fungus at mga katulad na mikrobyo. Ang air sacs ng baga ay napupuno ng fluid o nana. Kasabay ng impeksyon na ito ang ubo, lagnat at hirap sa paghinga.
Karaniwang napipigilan ng katawan ang pagkakaroon ng pulmonya ngunit kung mahina ang immune system, ito ay lumalala. Kapag hindi ito naagapan, maaaring magkaroon ng sepsis kung saan lumilipat ang mikrobyo sa dugo at kumakalat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
May iba’t ibang uri ang pneumonia:
Community Acquired Pneumonia
Hospital Acquired Pneumonia --- please write descriptions
Mga Sanhi ng PneumoniaAng pneumonia ay galing sa bacteria, virus, fungi at iba pang mikrobyo na umaatake sa baga at katawan ng may mahinang immune system. Nagdudulot ng pulmonya ang mga sumusunod:
- Bacterial Pneumonia – Ang lung infection ay nanggagaling sa bacteria. Mas mapanganib ito kung kagagaling lang sa sipon at trangkaso.
- Viral Pneumonia – Ang viral pneumonia ay kadalasang hindi kasing lubha ng bacterial pneumonia maliban na lamang kung ang nagdulot nito ay trangkaso at kung pasukin ang katawan ng bacteria. Kung malakas ang immune system, madaling napupuksa ang pulmonary infection.
- Mycoplasma Pneumonia – Ito ay dulot ng Mycoplasma, isang klase ng mikrobyo na may mga katangian na katulad ng sa virus at bacteria. Ang mycoplasma pneumonia ay hindi kasing mapanganib ng bacterial pneumonia.
- Pneumocystis Carinii Pneumonia (PCP) – Ang PCP ay pneumonia na kadalasang nangyayari sa mga may Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).
Kahit sino, bata man o matanda, ay maaaring kapitan ng pneumonia. Gayunpaman, mas madaling magkasakit ang may mahinang immune system. Mas mapanganib ang pulmonya para sa mga sumusunod:
- Nakatatanda (edad 65 pataas) at maliliit na bata
- Naninigarilyo at labis uminom ng alak
- May mahinang immune system dahil sa HIV/AIDS o cancer treatment
- May stroke o kagagaling lang sa stroke
- Laging nasa kulob at mataong lugar gaya ng kulungan
Mga Sintomas ng Pneumonia
Maraming dalang sintomas ang pneumonia ngunit madalas napagkakamalan ang mga itong pangkaraniwang ubo at sipon. Kapag naramdaman ang kombinasyon ng mga sumusunod, huwag mag-atubiling magpatingin sa iyong doktor:
- Ubo na may plema
- Mataas na lagnat
- Pagiging matamlay
- Panginginig
- Sakit ng dibdib
- Mabilis na tibok ng puso
- Hilo at pagsusuka dahil dito
Paano Matutuklasan Kung Ikaw ay May Pneumonia?
Gumagamit ng iba’t-ibang paraan ng pagsusuri ang doktor gaya ng:
- Physical exam - Pakikinggan ng doktor sa pamamagitan ng stethoscope kung may mga kaluskos at pagpupuputok-putok sa paghinga ng pasyente.
- CT Scan at X-Ray - Sisilipin ng doktor kung gaano kalubha ang impeksyon sa baga.
- Pagsusuri ng plema - Matutuklasan ng doktor kung anong uri ng pulmonya ang kumapit sa pasyente kapag sinuri ang mga katangian ng plema.
- Blood test - Susuriin ang dugo kung ang mikrobyo ay nasa dugo na.
Mga Gamot at Lunas sa Pneumonia
Ang pagpapatingin sa doktor ay kritikal sa pagpapagamot dahil matutukoy kung anong uri ng pneumonia ang kumapit sa iyo. Kung ito ay dahil sa bacteria, ikaw ay reresetahan ng antibiotics na papatay sa bacteria. Anti-viral drugs naman ang irerekomenda para sa viral pneumonia.
Kapag ang pasyente ay hindi gumagaling, siya ay maaaring dalhin sa confinement upang masuri ang paggalaw ng mikrobyo at maihanda ang angkop na lunas.
Paano Maiiwasan ang Pneumonia?
Ang pangunahing layunin sa pag-iwas sa pneumonia ay ang pagpapatibay sa immune system. Mag-ehersisyo araw-araw at kumain ng mga masustansyang pagkain. Iwasan ang paninigarilyo dahil pinapahina nito ang iyong baga at immune system.
Kailangan ding maging maingat sa mga maduduming bagay at lugar dahil maaaring pamahayan ang mga ito ng bacteria. Maaaring magpabakuna para sa proteksyon laban sa pulmonya. Ugaliin ding maging malinis sa katawan para hindi ito kapitan ng mikrobyo.
Magpatingin sa inyong doktor kung kayo ay makakaranas ng mga sintomas ng pneumonia upang mabigyan kayo ng tamang lunas.