Malaria - Free na Pilipinas - Posible Kaya?

November 11, 2022

Ano ang Malaria?

 

Ang malaria ay isang impeksyong  dulot ng Plasmodium parasite  na naisasalin sa tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok na may impeksyon. Ang taong may sakit na malaria ay maaaring makaranas ng mataas na lagnat, panginginig, at sintomas ng trangkaso. Sa apat na klase ng malaria dulot ng Plasmodium falciparum, P. vivax, P. ovale, and P. malariae, ang impeksyong dulot ng P. falciparum ang maaaring magresulta sa malubhang sakit at posibleng kamatayan kung hindi maaagapan. 

 

Paano ito nakukuha?

 

Ang malaria ay maaaring makuha kapag ang isang tao  ay nakagat ng  lamok na kasama sa pamilya ng mga Anopheles mosquito1. Tanging mga  Anopheles na lamok na may impeksyon lamang ang maaaring makapagbigay ng malaria at hindi ang ibang klase ng mga lamok. Bukod sa kagat ng lamok, ang parasitiko ng malaria ay nakikita rin sa dugo  ng tao kung kaya’t  maaari ring maipasa o makuha ang malaria sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo, sa organ transplant o sa paggamit  ng karayom o hiringgilya na may nahawaang dugo. Maaari ring maibigay ng buntis na ina ang sakit sa kanyang anak.

Ang malaria ay hindi naipapasa sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing na tulad sa Covid-19.  Hindi rin ito naipapasa sa pakikipagtalik o sa  simpleng pakikisalamuha o pagtabi sa taong may malaria.

 

Ano ang kaibahan ng Malaria sa Dengue?

 

Ang malaria at dengue ay parehong naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Nagkakaiba sila sa organismong sanhi ng impeksyon at sa lamok na maaaring makapagpasa ng sakit sa tao. Ang malaria ay dulot ng parasitiko samantalang ang dengue ay dulot ng isang virus2. Ang malaria ay naipapasa lamang ng Anopheles na klase ng lamok, habang ang Aedes naman ang nagpapakalat ng dengue. 

 

Saan pa may Malaria at ano ang estado nito sa Pilipinas?

 

Ayon sa Proclamation No. 1168 na pinirmahan noong 2006, ang malaria ay ikawalo sa mga sanhi ng kamatayan sa Pilipinas at ang karamihan ng naapektuhan ng sakit ay ang mga buntis, mga bata at mga katutubo. Dahil dito, gumawa ang pamahalaan ng mga hakbang upang masugpo ang malaria sa ating bansa.

 

Nakatulong ang mga hakbang na ginawa ng pamahalaan upang mapababa ang bilang ng mga taong nagkaka-impeksyon at ng mga lugar kung saan mataas ang bilang ng  mga kaso.  Ayon sa 2019 midterm report, halos wala na o malapit nang masugpo ang mga kaso ng malaria sa mga lugar sa labas ng Palawan kung saan may pinakamaraming kaso ng malaria.

Noong Abril 2021, inireport ng DOH na  bumaba ang mga kaso ng malaria ng 87%, mula 48,569 noong 2003 na naging 6,210 na lamang noong 20202. Ang mga kaso ng namatay ay bumaba rin ng 98% mula sa bilang na 162. Sa 81 probinsya ng Pilipinas, naitala na 60 na ang nai-deklarang malaria-free habang 19 na probinsya pa ang nasa elimination phase at 2 probinsya ang na-ireport na may local transmission. 2

 

Ang target ng DOH ay isang Pilipinas na wala ng malaria pagdating ng 2030.

 

Ano ang gamot para sa Malaria?

 

Kapag ikaw ay nagkasakit  ng malaria, bibigyan ka ng anti-malarial drugs. Ilan sa mga halimbawa nito ay3:

 

-          Chloroquine phosphate

-          Artemisinin-based combination therapies (ACTs)

-          Atovaquone-proguanil (Malarone)

-          Quinine sulfate (Qualaquin) with doxycycline (Oracea, Vibramycin, others)

-          Primaquine phosphate

 

May bakuna ba para sa Malaria?

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-illustration/medical-bottle-malaria-vaccine-syringe-doctor-1744369802

 

Noong nakaraang taon, inaprubahan ng WHO ang pinakaunang bakuna laban sa malaria na gawa ng GlaxoSmithKline, na ang tawag ay RTS,S/AS01 o Mosquirix3.

 

Mayroon pang isang malaria vaccine, R21/Matrix-M, na pinag-aaralan ng University of Oxford, at ginagawa ng Serum Institute of India, na nagpapakita ng 70 - 80% na pagkaepektibo laban sa malaria3. Kasalukuyan pang nagaganap ang Phase III trials ng bakunang ito at maaaring lumabas ang resulta sa pagtatapos  ng taon.

 

Paano makaiiwas sa Malaria?

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/image-stroller-that-covered-net-baby-690180937

 

Mahalagang gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ang malaria upang hindi makapagdulot ng malubhang impeksyon. Narito ang ilang simpleng paraan upang makaiwas o labanan ang  malaria1:

  • Kapag galing sa isang lugar kung saan mataas ang kaso ng malaria at may sintomas ng malaria, kumonsulta agad sa doktor upang ma-test at mabigyan ng gamot laban sa malaria;
  • Umiwas  sa mga lamok, lalo na sa gabi. Magpahid ng mga mosquito o insect repellent sa katawan;
  • Matulog  sa ilalim ng mga insecticide - treated na kulambo o pagsuot naman ng long - sleeved na damit kapag lalabas sa gabi.

 

Ano pa ang mga ibang ginagawa ng DOH upang masugpo ang malaria sa Pilipinas?

 

Ilan sa mga ginagawa ng DOH na nakasaad sa kanilang National Strategic Plan for the Control and Elimination of Malaria in the Philippines 2020-2022 ay4:

  • Pagpapalaganap ng prophylaxis at personal protective measures sa mga Pilipinong bumibisita sa mga bansang mataas ang kaso ng malaria upang makasegurong hindi niya madadala ang malaria sa mga lugar sa Pilipinas na naitalaga ng malaria-free. Maagang pag - detect ng malaria sa taong dumating  sa isang lugar na naitalagang malaria - free sa pamamagitan ng tamang screening at pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa malaria;
  • Paninigurado na matukoy kaagad ang taong may malaria sa primary care level pa lamang at magamot ito kaagad at ma-report.

Ang mga iba pang hakbang ay nakatutok sa Southern Palawan, kung saan pinakamarami ang mga kaso. Ilan sa mga dagdag na stratehiya ay4:

  • Indoor residual spraying (IRS);
  • Pag-spray ng IRS sa loob ng isang buwan sa akmang panahon (February);
  • Communal na Long lasting insecticide Net (LLIN) sa mga palengke;
  • Conical na LLIN para sa mga pumupunta sa mga gubat;
  • Chemical Larviciding sa mga daluyan ng tubig o stream malapit sa palengke;
  • Mapping ng kada bahay para sa mga kaso;
  • Pagbigay ng LLIN direkta sa mga kabahayan, at pagtuturo kung paano ito gamitin.
     

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/mans-fogging-eliminate-mosquito-preventing-spread-229356871

2030 ang taong itinakda ng DOH upang masugpo na nang lubusan ang malaria sa Pilipinas. Walong taon pa mula ngayon ngunit malaki na ang ating maitutulong sa pagkamit ng layuning ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng konting kaalamang magsisilbing gabay upang makaiwas sa sakit na ito.

References:

 

  1. https://www.cdc.gov/malaria/about/faqs.html
  2. https://newsinfo.inquirer.net/1515745/malaria-awareness-month-numbers-show-sharp-decline-in-ph-cases
  3. https://newsinfo.inquirer.net/1664170/tests-offer-hope-new-vaccine-effective-vs-malaria
  4. https://doh.gov.ph/sites/default/files/health_programs/National-Strategic-Plan-for-the-Control-and-Elimination-of-Malaria-in-the-Philippines-2020-2022.pdf