Sa pagdating ng COVID-19 virus, maraming mga bansa sa buong mundo ang napilitang gumamit ng mga makabagong paraan ng pagbibigay ng tulong-medikal upang makaiwas sa panganib na magkahawahaan dahil sa pakikihalubilo sa mga tao. Dahil dito, nagsimulang magkaroon ng mga online consultation at pharmacy sa bansa.
Maraming doktor at eksperto ang nagsabing mapagkakatiwalaan ang mga serbisyong ito, ngunit may ilan pa rin ang hindi sigurado. Para mas makilatis natin kung nais ba nating gamitin ang mga teknolohiyang ito, tatalakayin natin ang mga positibo at negatibong aspeto ng online consultation at pharmacies.
Ano ang Telemedicine?
Ang online consultations, o tinatawag din na telemedicine, ay isang paraan upang makapagbigay ng payong medikal kahit na hindi magkasama sa isang pisikal na lugar ang pasyente at doktor. Ito ay kadalasang ginagawa sa pamamagitan ng video chat.
Mga Benepisyo ng Telemedicine
Ayon sa mga pagsasaliksik, ang telemedicine ay mabisang paraan ng pakikipagkonsulta sa doktor, kahit para sa mga seryosong kondisyon.
Maraming mga karamdaman ang kayang magamot sa pamamagitan ng online consultation. Ito ay pinakaepektibo kung ang isang pasyente ay magpapakonsulta sa isang kwalipikadong doktor at makakapagbigay ng malinaw na detalye tungkol sa kanyang sintomas.
Ilan sa mga benepisyo ng telemedicine sa mga pasyente ay ang mga sumusunod:
-Bawas sa gastusin: May ilang pag-aaral na nagsasabi na ang mga taong nagpapakonsulta online ay nakakatipid sa oras at gastusin sa pagpunta sa klinik o ospital.
-Mas madaling pakikipag-ugnayan sa doktor: Malaki ang naitutulong ng telemedicine upang mas madaling magpakonsulta sa doktor lalo na ang mga taong may kapansanan, matatanda, mga nasa kulungan, at mga taong mula sa malayong lugar.
-Paraan upang makaiwas sa karamdaman: Dahil sa mas madaling access sa konsultasyon, pati ang pag-follow up para sa mga karamdaman ay nagagawa para mapigilan ang paglubha ng mga ito.
-Convenience: Kahit nasa bahay, maaaring magpakonsulta sa doktor.
-Mas mababang tyansa na mahawaan ng sakit: Para sa mga taong may ibang mga karamdaman o mahina ang resistensya, ang pagpunta sa ospital ay maaaring maging mapanganib dahil sa posibleng pakikihalubilo sa ibang taong may sakit. Nababawasan ang panganib na ito sa pamamagitan ng telemedicine.
Disadvantages ng Telemedicine
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay naaangkop ang online consultation. Mayroon ding mga potensyal na negatibong epekto ang telemedicine kumpara sa tradisyonal na konsultasyon:
-Hindi kabilang sa insurance coverage: Hindi lahat ng health insurance ay nagbabayad para sa teleconsultation, ngunit maaaring mabago pa naman ang mga patakarang ito sa hinaharap.
-Proteksyon sa medical data ng pasyente: Ang mga hacker at kriminal ay maaaring magkaroon ng access sa medical data, lalo na kung ang telemedicine platform na ginagamit ay nakakonekta sa isang public network.
-Delay sa pagbibigay ng serbisyong medikal: Kung nangangailangan ang pasyente ng agarang gamutan, ang pagpapa consulta online ay maaaring makaantala sa gamutan, lalo na kung kinakailangan ng mga laboratoryo at mga procedure na hindi nagagawa sa pamamagitan ng telemedicine.
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-senior-woman-using-video-conference-1714543402
Ano ang Ano ang Online Pharmacy?
Ang online pharmacy, ay isang tindahan ng gamot at medical supplies na naka-base sa internet. Maaaring bumili ng gamot sa pamamagitan ng pag-oorder online at ang gamot ay i-dedeliver na lamang sa bahay ng pasyente.
Mga Benepisyo ng Online Pharmacy
Bakit naging popular ang mga online pharmacy? Malaki ang naging benepisyo ng pagkakaroon ng online pharmacy ngayong pandemya dahil nabawasan ang posibilidad na magkahawahan ng sakit. May mga pagkakataong mas mura rin ang gamot online kumpara sa mga pisikal na parmasya. Ang gastos sa biyahe ay nababawasan din at mas dumadali ang pagbili nang hindi na kinakailangang lumabas.
Bukod sa pagbebenta ng gamot, ang ilan pang serbisyo ng online pharmacy ay ang pagbibigay impormasyon ng isang lisensyadong pharmacist tungkol sa mga side effects ng gamot, ang mga maaaring ipalit na gamot batay sa reseta, at ang pagbibigay ng paalala tungkol sa pag-inom o pagbili ng gamot.
Disadvantages ng Online Pharmacy
May mga lehitimo at hindi lehitimong online pharmacy. Ilan sa maaaring maging problema sa mga hindi lehitimong parmasya ay ang pagbebenta ng peke o hindi rehistradong gamot, pagpayag sa pagbili ng gamot nang walang reseta, at ang pagtanggap ng pekeng reseta. Maaaring makaranas ng ‘di kanais-nais na side effect o malagay sa panganib ang buhay ng pasyente kung ang mga gamot na mabibili ay galing sa mga hindi lehitimong online pharmacy.
Mapagkakatiwalaan ba ang Online Consultations at Pharmacies?
Ang telemedicine ay isang magandang alternatibo sa face-to-face consultation lalo na sa mga taong walang kakayahang makapunta sa klinik at sa mga taong mas nais na manatili na lang sa bahay. Mahalaga lamang na suriin ang mga kredensyal ng doktor bago magpa-schedule ng appointment.
Mahalaga ring maging alerto ang mga pasyente sa mga ilegal na aktibidad sa teleconsultation at online pharmacy. Bukod sa pagtitiyak na lehitimo ang online consultation na naganap, ang mga gamot na binibili ay dapat tunay at mapagkakatiwalaan.
Ang online pharmacy na bibilhan ng gamot ay dapat na may pisikal na tindahan, may lisensyadong pharmacist na nagbibigay ng gamot, at ang mga gamot na binebenta ay kilalang ligtas at may kalidad.
Napag-usapan natin ang iba’t ibang aspeto, maganda at masama, ng online consultations at pharmacies. Pagdating sa serbisyong medikal, kailangan naiintindihan ng healthcare provider at ng pasyente ang mga benepisyo at mga panganib nito. Sa huli, mahalaga na sapat ang kaalaman ng pasyente tungkol sa serbisyong kanyang pinapakinabangan upang makaiwas sa mga panganib nito.
References:
https://www.medicalnewstoday.com/articles/telemedicine-benefits#summary
https://journals.sagepub.com/doi/full/10.1177/08971900211033120