Ang mataas na presyon ng dugo o hypertension ay isang kondisyon na kailangang bigyan ng seryosong pansin. Hindi ito dapat balewalain dahil maaaring magdulot ito ng malubhang mga komplikasyon sa kalusugan. Ngunit kailan nga ba dapat ituring na emergency ang mataas na presyon ng dugo?
Kapag ang iyong presyon ng dugo ay umabot sa 180/120 o mas mataas pa, at mayroon kang mga sintomas na kasama, mahalagang kumuha kaagad ng tulong medikal. Ang mga sintomas na ito ay maaaring magpahiwatig ng organ damage at kailangan ng agarang pansin. Ang mga sintomas na dapat bantayan ay ang sumusunod:
- Sakit sa dibdib: Ito ay maaaring mapagkamalan bilang sakit sa puso o angina. Ang pananakit sa dibdib na may kasamang pagtaas ng blood pressure ay isang malaking babala na dapat ituring na emergency.
- Hirap sa paghinga: Pagkakaroon ng biglaang hirap sa paghinga o pagkahingal
- Pamamanhid o biglaang panghihina ng katawan: Ang pagkakaroon ng pamamanhid o panghihina sa anumang bahagi ng katawan, partikular na sa isang bahagi ng mukha, braso, o binti, ay maaaring tanda ng stroke. Ito ay isang emergency na kailangan agad na maaksyunan.
- Pagbabago sa paningin: Kung mayroon kang biglaang pagbabago sa paningin tulad ng panlalabo ng paningin, ito ay dapat bigyan ng pansin. Ito ay maaaring magdulot ng komplikasyon sa mata o kaya ay sign ng organ damage
- Hirap o pagbabago sa pananalita: Kung ikaw ay nahihirapan sa pagsasalita o nagkaroon ng problema sa pag-unawa ng mga salita, ito ay maaaring senyales ng stroke. Agad na pumunta sa pinakamalapit na emergency room kapag may ganitong sintomas.
- Malalang sakit ng ulo: Ang matinding sakit ng ulo na hindi mo pa nararanasan noon at hindi nawawala sa pamamagitan ng pangkaraniwang gamot o pain reliever ay maaaring magdulot ng komplikasyon. Kailangan itong agarang ma-address upang maiwasan ang mas malalang kondisyon.
Kailan dapat bigyang pansin ang mataas na blood pressure ng buntis?
Pregnant Woman Measures Blood Pressure Electronic Stock Photo 1682917771 | Shutterstock
Para sa mga buntis, ang sintomas ng mataas na presyon ng dugo ay dapat mas bigyang pansin at bantayan. Kung ang blood pressure ng buntis ay umabot sa 140/90 o mas mataas pa, at nakararanas ng mga sintomas tulad ng sakit sa tiyan, pagbabago sa paningin, pamamaga o pagmamanas ng mga kamay at paa, o matinding sakit ng ulo, agad kumunsulta sa doctor o sa OB-GYN. Ito ay dahil ang mataas na presyon ng dugo sa mga buntis ay maaaring magdulot ng komplikasyon sa ina at sa sanggol. Mahalaga na mabigyan kaagad ng tamang pangangalaga at imonitor ang kalagayan ng buntis.
Ano ang mga sanhi ng mataas na presyon ng dugo?
Man Using Computer Eating Fastfood Concept Stock Photo 549586288 | Shutterstock
Maaaring mangyari ito dahil sa unhealthy lifestyle choices tulad ng:
- madalas na pag-inom ng alak,
- paninigarilyo,
- kakulangan sa exercise at physical activities,
- madalas na pagkain ng mamantika at maalat na pagkain.
Ang ilang mga kondisyon sa kalusugan, tulad ng diabetes at labis na katabaan, ay maaari ring magpataas ng risk na magkaroon ng mataas na presyon ng dugo. Mahalaga na pangalagaan ang kalusugan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng aktibong pamumuhay, tamang nutrisyon, at regular na check-up sa doktor upang ma-monitor ang blood pressure. Maaaring mangyari rin ang mataas na presyon ng dugo sa panahon ng pagbubuntis.
Mga paraan upang maiwasan ang pagtaas ng blood pressure
Happy Asian Senior Couple Running Exercising Stock Photo 1572362422 | Shutterstock
Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng healthy lifestyle, maaaring mapanatiling controlled ang blood pressure. Ang pag-iwas sa mataas na blood pressure ay makababawas sa panganib sa sakit sa puso at stroke. Narito ang ilang mga paraan upang maiwasan ang pagtaas ng blood pressure:
- Kumain ng Masustansyang Pagkain
Tiyaking kumain ng sariwang mga prutas at gulay. Kumain ng mga pagkain na mayaman sa potassium, fiber, at protina, at mababa sa asin (sodium) at saturated fat.
- Panatilihing Nasa Tamang Timbang
Ang sobrang timbang o pagiging overweight o obese ay nagpapataas ng risk ng hypertension. Upang maabot ang ideal weight, kasama rito ang pagpili ng tamang pagkain at regular na exercise.
- Maging Aktibo
Ang physical activities ay makakatulong upang mapanatili ang tamang timbang at controlled ang blood pressure. Maaaring mag-exercise na hindi bababa sa 2 oras at 30 minuto ng moderate-intensity exercise, tulad ng brisk walking o pagbibisikleta, kada linggo. Ito ay humigit-kumulang na 30 minuto kada araw, 5 araw kada linggo.
- Huwag Manigarilyo
Ang paninigarilyo ay nagpapataas ng blood pressure at nagdudulot ng mas mataas na risk ng stroke. Ang paghinto sa paninigarilyo ay nagpapababa ng panganib sa sakit sa puso.
- Limitahan ang Pag-inom ng Alak
Huwag uminom ng sobrang dami ng alak, dahil maaaring magpataas ito ng iyong presyon ng dugo.
- Matulog Nang Sapat
Ang sapat na pagtulog ay mahalaga para sa pangkalahatang kalusugan, at bahagi ito ng pagpapanatili ng kalusugan ng puso at ugat. Ang hindi pagkakaroon ng regular na sapat na tulog ay nauugnay sa sakit sa puso, mataas na presyon ng dugo, at stroke.
Ano ang dapat gawin kung mataas ang blood pressure?
- Suriin ang iyong presyon ng dugo. Kung ang iyong blood pressure ay 180/120 o mas mataas pa at WALA kang nararanasang malalang sintomas, maghintay ng 5 minuto at ulitin muli ito. Subukang magpahinga at magrelax. Kung ang pangalawang blood pressure ay pareho o mas mataas, kailangan mong humingi ng tulong medikal. O magpakonsulta sa doctor o kaya ay pumunta sa pinakamalapit na clinic o Emergency Room.
- Kung ang iyong blood pressure ay 180/120 o mas mataas at MAYROONG mga sintomas tulad ng sakit sa dibdib/itaas na bahagi ng likod, hirap sa paghinga, matinding sakit ng ulo, pagkahilo, pamamanhid/kahinaan, pagkawala ng paningin, o pagbabago sa pagsasalita, pumunta agad sa pinakamalapit na Emergency Room upang makita agad ng doctor at mabigyan agad ng nararapat na gamot.
Mahalagang agad na kumilos kapag napansin ang pagtaas ng blood pressure. Huwag ipagwalang-bahala ang mataas na blood pressure Ang pagkontrol ng blood pressure at pagkakaroon ng agarang tulong medikal ay mahalaga upang maiwasan ang mga komplikasyon na maaaring idulot nito.
References
CDC. (2019). High Blood Pressure During Pregnancy. Centers for Disease Control and Prevention. https://www.cdc.gov/bloodpressure/pregnancy.htm
CDC. (2020, January 22). Prevent high blood pressure. Centers for Disease Control and Prevention. https://www.cdc.gov/bloodpressure/prevent.htm
Cleveland Clinic. (2023). When is High Blood Pressure an Emergency. Cleveland Clinic. https://my.clevelandclinic.org/health/articles/16563-high-blood-pressure--when-to-seek-emergency-care
ER, S. (2018, September 8). Understanding High Blood Pressure and Hypertension Emergencies. Emergency Room: SignatureCare Emergency Center 24-Hour ER. https://ercare24.com/high-blood-pressure-hypertension-emergencies/#hbp-emergencies