Ang terminong ‘mental illness’ ay tila nakakatakot sa ilang tao dahil siguro sa stigma na kaakibat nitong salita. Marami sa ating mga Pilipino ang hindi pa rin lubos na naiintindihan itong kondisyon na ito, at sa kasamaang-palad, madalas na unang naiisip natin ay baliw o may saltik sa pag-iisip ang taong may mental disorder.
Gayonman, lingid sa kaalaman ng marami ay karaniwang problema ito sa buong mundo. Malaking bahagi ng kabuuang populasyon, lalo ngayon sa panahon ng pandemya, ay may iniindang kung anumang uri ng mental illness tulad ng depression, bipolar disorder, at anxiety.
May iba’t ibang sanhi ang iba’t ibang mental health issues kaya dito pumapasok ang importance of psychology and psychiatry. Sa pamamagitan kasi ng psychiatric evaluation, mas epektibong naa-identify ang mismong partikular na problema ng pasyente, kung anong sanhi nito, at mga mabisang lunas.
Pagkakaiba ng psychologist at psychiatrist
Mahalaga na maagapan agad ang mental health problems bago pa man ito lumala at makaapekto sa ating physical health. Ang problema nga lang ay karamihan sa may ganitong kondisyon ay hindi nagpapatingin sa eksperto dahil maaaring sila ay nahihiya’t natatakot, hindi pa nare-recognize na sila ay mayroong mental disorder, o hindi sila sigurado kung kanino dapat lumapit – sa psychologist ba o sa psychiatrist?
Sa usapin ng psychologist versus psychiatrist, pareho namang makatutulong sa partikular na mga kaso hinggil sa mental health issues ang dalawa. Nagiging magkaiba lamang sila sa approach sa theory at sa practice.
Ang karamdamang kadalasan na tinutugunan ng psychiatrist ay severe depression, schizophrenia, at bipolar disorder. Samantala, ang mga psychologist naman ang mga bihasang tumutulong sa mga taong may behavioral problems, learning difficulties, depression, at anxiety.
Mahalaga na kaya nating ma-recognize kung kailangan natin o ang mga taong malapit sa atin ng tulong, at may ilang senyales na maaaring makapagsabi kung dapat na bang dumaan sa psychiatric evaluation.
- Hirap o paputol-putol na pagtulog
Malaking factor ang sleep quality sa mental health ng isang indibidwal, at kadalasan sa mga taong may mental disorder ay nahihirapan matulog nang maayos at mahimbing. Sila’y maaaring nagigising agad, hindi makatulog, ilang beses nagigising sa gitna ng gabi, at hindi makatulog nang malalim kaya hindi fully recovered ang katawan at isipan kinabukasan.
- Pagbaba ng work o school performance
Karamihan sa atin ay nag-a-adjust pa sa bagong work-from-home at distance learning setup. Ito rin ang dahilan bakit tila hindi agad napupuna ang posibilidad na may mental disorder ang isang tao kung biglaang bumaba ang performance nito sa trabaho o pag-aaral. Ang mga indibidwal kasi na may pinagdadaanang mental issues ay hirap mag-concentrate sa gawain kaya napapabayaan nito ang mga takda.
- Hindi makontrol ang emosyon
Normal sa tao ang makaramdam ng galit, lungkot, pagka-irita, at kung anu-ano pang mga emosyon. Pero kung itong mga emosyon na ito ay tila labis na at may mga bagay nang nagagawa na makakasakit sa sarili o sa iba, senyales na ito na kailangan nang humingi ng tulong sa mga psychiatrist para makatulong na ma-manage ng isang tao ang kanyang nararamdaman.
- Nadadalas na bangungot at temper tantrums
May iba’t ibang kahulugan, sanhi, at dahilan kung bakit binabangungot tayo. Ngunit isa rin ito sa mga senyales na may mental disorder ang isang indibidwal, at kadalasang mapapansin sa mga bata. Karaniwang sinasabayan din ito ng regular na pagta-tantrums. Hindi madali para sa kabataan ang mag-open up at pag-usapan ang kanilang emosyon kaya madalas ay nilalabas nila ito sa pamamagitan ng ill-mannered behavior.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-psychiatrist-md-man-counseling-encouraging-1769596607
- Biglaang pagkakaroon ng physical illnesses
Correlated ang ating mental at physical health kaya isa sa mga senyales ng mental illness na madaling mapansin ay ang biglaang pagkakaroon ng sakit sa hindi malamang dahilan. Kailangan na ang tulong ng psychiatrist sa ganitong sitwasyon lalo kung pabalik-balik ang sakit nang walang makitang tiyak na sanhi. Halimbawa ng mga ito ay sakit ng ulo, sakit ng tiyan, at kung anu-anong pananakit ng iba-ibang parte ng katawan.
- Pagkalulong sa masamang bisyo
Malaki ang tiyansa na ang mga taong may mental health problems ay mag-develop ng addiction at dependence sa alak o ilegal na droga bilang coping mechanism. Kahit pa paraan nila ito upang ma-relax at makaiwas sa stress, isang malaking babala na kailangan na nila ng professional help kung nadadalas ang pag-inom at pagdo-droga para makaramdam ng saya.
Walang dapat ikahiya sa paghingi ng tulong kung may pinagdaraanang mental health issues. Ang psychiatrists naman ay maaaring mag-prescribe ng medication at magbigay ng treatment at iba’t ibang therapy para sa mga komplikadong sakit dahil medical doctors sila.
Isa ring option ang teleconsultation sa mga online psychiatrist kung natatakot kang pumunta sa ospital o klinika dahil sa banta ng coronavirus. Kaya pa rin naman nilang ma-determine ang pinakaakmang treatment sa partikular na kaso ng isang pasyente sa tulong ng comprehensive psychiatric assessment.
Sa dami ng matitinding problema at sakunang kinaharap at kinakaharap natin sa mga nagdaang buwan, mas lalong dapat natin na paigtingin ang pagbantay at pag-alaga sa ating sariling mental health at pati na rin sa mga mahal natin sa buhay. Sa anumang pagkakataon, dapat lagi tayong alerto at maingat. Kumonsulta agad sa psychiatrist kapag napuna itong iba’t ibang senyales.
Source: