Sa panahon ngayon, madalas nang naririnig ang usapin tungkol sa mental health. Ito ang tumutukoy sa overall na kalagayang emotional, psychological, at social ng isang tao. Mental health din ang nagsasabi kung paano natin pinamamahalaan ang stress, kung paano tayo nakikipag-ugnayan sa ibang tao, at maging sa paggawa ng mga desisyon.
Dahil sa mga ginagampanan nito sa ating buhay, anumang problema sa pag-iisip ay malaki ang magiging epekto sa mood, behavior, at kabuuang kalagayan ng utak. Ang iba’t ibang factors na maaaring makaapekto sa mental health:
- Trauma o abuse dahil sa mga masasaklap na pangyayari sa buhay
- Chemical imbalance sa isip na dala ng biological factors
- Family history ng pagkakaroon mental illness
What is mental illness?
Ang mental illness ay tumutukoy sa mga kondisyong nakapagpabago sa emosyon, pag-iisip, at behavior ng isang tao. Madalas ay sinasamahan ito ng mga kapansin-pansing pagbabago sa pag-function sa paligid ng ibang tao, mga activity na kadalasang ginagawa, mga relationship, at ang abilidad na makayanan ang challenges.
Walang pinipiling tao ang mental illness. Maaapektuhan nito ang kahit anong edad, babae man o lalaki. Dahil dito, iba’t ibang uri ng kalagayang ito ang pwedeng matamo – may mga klase ng mental illness na nakakasagabal sa pang-araw-araw na buhay sa mababaw na paraan lamang; mayroon ding nangangailangan na ng medical attention galing sa psychologist o psychiatrist. Isa rito ang schizophrenia.
Ano ang schizophrenia?
Ang schizophrenia ay isang uri ng seryosong mental illness kung saan ang taong apektado ay naiiba ang pag-unawa sa realidad. Dahil ito sa mga hallucination o guni-guni, mga delusyon, at mga kalagayan ng pagkalito. Ang ganitong takbo ng pag-iisip ay malaki ang nagagawang pinsala sa behavior, normal na pag-iisip, at overall health.
Kapag may schizophrenia, nangangailangan ito ng panghabang-buhay na treatment. Dahil ang mga sintomas nito ay mas madali pang pamahalaan sa maagang diagnosis, nakakabuti kung agad mapapasuri ito sa espesyalista nang maiwasan ang mga posibleng komplikasyon na makuha mula rito.
Bakit nagkakaroon ng schizophrenia?
Sa ngayon ay wala pa ring natutukoy na siguradong sanhi sa pagkakaroon ng schizophrenia. May paniniwala lang na ang causes ay genetics, chemistry sa utak, at mga pangyayari sa kapaligiran. May mga pag-aaral ding nagsasabing maaaring gawa ito ng imbalance sa neurotransmitters na tinatawag na dopamine at glutamate.
Mas mataas ang risk sa pagkakaroon ng schizophrenia kapag:
- May malaking agwat ng edad ng tatay kaysa sa nanay
- Nagkaroon ng komplikasyon sa pagbubuntis o kaya panganganak
- May pag-abuso sa psychoactive drugs nang mahabang panahon
- Pagkakaroon ng history ng schizophrenia sa pamilya
Anu-ano ang mga sintomas ng schizophrenia?
Kasama sa mga problemang kinakaharap ng isang taong may schizophrenia ang magulong pag-iisip at kawalan ng kontrol sa mga emosyon. Ilan sa mga kasamang senyales nito ang mga sumusunod:
- Negatibong mga sintomas – Tumutukoy ang mga ito sa mga sintomas na nagpapakita ng kakulangan sa normal na pag-function. Halimbawa nito ay ang kawalan ng gana sa paglilinis o pag-aayos ng katawan, hindi pagkakaroon ng eye contact kapag nakikipag-usap, at hindi pagbabago ng facial expression.
- Hindi-organisadong motor behavior – Ito ay ang pagpapakita ng pagka-isip-batang mga gawain. Kasama rin dito ang hindi maipaliwanag na pagkabalisa, pagiging hirap sa pagsunod maging sa simpleng instructions, hindi maayos na postura, kawalan ng kibo, at hindi pagkilos o kaya naman sobrang pagkilos.
- Mga guni-guni - Ito ang paniniwalang nakakakita o nakakarinig ng mga bagay na hindi totoo ang pasyente. Ang pinaka-karaniwan dito ay ang pag-aakalang nakakarinig ng mga boses bagama’t walang tao sa paligid.
- Delusions o mga maling akala – Ang mga ito ang paniniwalang hindi nakabase sa realidad. Halimbawa, maaaring isipin ng taong may schizophrenia na mayroong gustong manakit sa kanya.
- Hindi maayos na pagsasalita – Ang disorganized speech ay nag-uugat mula sa magulong pag-iisip. Matutukoy ito sa taong may schizophrenia dahil sa kakulangan sa abilidad gumawa ng epektibong communication. Kadalasan, kapag tinatanong ay hindi ito makapagbigay ng angkop na sagot.
Paano nada-diagnose ang schizophrenia?
Sa mga lalaki, maaaring magsimula ang mga sintomas ng schizophrenia sa kanilang mid-20s. Sa mga babae naman, late 20s pwedeng mapuna ang mga senyales. Kapareho lang ang sintomas ng adults sa teenagers, pero karaniwang sinasamahan ito ng:
- Biglaang pagbabago ng performance sa eskwela
- Pagiging hirap sa pagtulog
- Paglayo sa pamilya at mga kaibigan
- Kawalan ng motivation o gana
- Pagiging iritable
Hindi madaling makumbinsi ang isang tao na schizophrenia na ang nararanasan. Kaya naman hindi pwedeng biglain ang pagpapa-diagnose nito. Bagama’t kailangang agad matukoy ito para maibsan ang mga nararanasang sintomas, mas makakabuti kung gugustuhin ng pasyente na magpatingin nang hindi sapilitan. May mga kaso ng schizophrenia kung saan pwedeng isipin ng pasyente na may masamang pakay lang ang kanyang mga kamag-anak para ipadala siya sa doktor. Susi ang pagiging kalmado, maunawain, supportive, at ang pagkakaroon ng mahabang pasensya para rito.
Kung hindi agad maaagapan, ang mga komplikasyong ito ay maaaring maranasan:
- Pag-iisip o attempt ng suicide
- Pananakit sa sarili
- Depression
- Pagiging hirap sa pagtatrabaho o pag-aaral
- Kagustuhang mapag-isa lagi
- Pakiramdam na nabibiktima
- Pag-abuso sa masamang bisyo
- Mga uri ng anxiety disorder
Anu-ano ang mga pwedeng schizophrenia treatment?
May mga paraan para mabawasan ang nararanasang sintomas ng schizophrenia. Base sa payo ng doktor na ayon sa pangangailangan ng pasyente, narito ang ilan sa mga paraan para mapamalahaan nang mabuti ang schizophrenia at hindi nito maapektuhan nang tuluyan ang normal na pamumuhay ng isang indibidwal:
- Therapy – Ang psychosocial treatment na ito ay nakakatulong para matukoy ng doktor kung anong klaseng medication ang kailangan ng pasyente. Kasama rin sa technique na ito ang pag-unawa sa piunagdadaanan ng pasyente araw-araw, pati na kung paano kayanin ang challenges na dala ng schizophrenia.
- Antipsychotic medications – Ito ang mga gamot na pinapainom araw-araw sa pasyente para hindi mabawasan ang mga sintomas na nararanasan. Ilan sa mga ito ang Risperidone[CC1] , isang atypical antipsychotic na nakakatulong na makapag-isip nang maayos at magpatuloy sa mga normal activity na nakasanayan. Ginagamit din ito para matugunan ang pangangailangan sa pag-iisip ng mga mayroong mood disorder at iba pang mental illness.
- Coordinated specialty care (CSC) – Isang treatment method na kombinasyon ng therapy, gamot, at pakikipagtulungan sa pamilya, sinusubukan nitong mapabuti ang kalidad ng buhay ng taong may schizophrenia.
Para mapagaan ang pinagdadaanan ng mahal sa buhay na may schizophrenia, tandaan na bukod sa treatment, nangangailangan sila ng pagbibigay ng lakas at pag-asa para magpatuloy sa buhay sa kabila ng kanilang kalagayan. Malalim na pang-unawa rin ang inaasahan nila dahil hindi biro ang mawalan ng kontrol sa sariling pag-iisip. Suportahan sila sa kanilang suliranin at iparamdam na mayroon silang maaasahan.
Sources:
https://www.mentalhealth.gov/basics/what-is-mental-health
https://www.psychiatry.org/patients-families/what-is-mental-illness
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/schizophrenia/symptoms-causes/syc-20354443
https://www.webmd.com/drugs/2/drug-6283-2034/risperidone-oral/risperidone-oral/details
https://www.nimh.nih.gov/health/topics/schizophrenia/index.shtml