Bawat taon, hinaharap ng Pilipinas ang banta ng baha, lindol, at pagguho ng lupa na madalas ay nagdudulot ng pagkawala ng buhay, pinsala sa mga tahanan, paaralan, at kabuhayan. Mahalaga para sa bawat bata, magulang, at pamilya na malaman kung paano maghanda sa iba't ibang kalamidad na maaaring makaapekto sa kanilang lugar. Bukod sa pisikal na kaligtasan, mahalagang pangalagaan din ang mental health ng bawat isa, lalo’t higit ang sa mga bata.
May emergency plan ba ang inyong pamilya?
Sa pamamagitan ng maayos na paghahanda, ang bawat isa ay nagkakaroon ng mas mataas na kakayahang harapin ang mga panganib na dulot ng kalamidad.
https://www.shutterstock.com/image-photo/sylhet-bangladesh-19-june-2022-lowlying-2171469695
Paghahanda sa mga Kalamidad:
- Magkaroon ng impormasyon:
- Alamin ang mga panganib at sakuna na maaaring mangyari sa inyong lugar tulad ng mga bagyo, lindol, baha, pagsabog ng bulkan at iba pa.
- Magsagawa ng pananaliksik tungkol sa tamang mga hakbang na dapat gawin sa bawat klase ng kalamidad.
- Maging alerto sa mga abiso at anunsiyo ng mga lokal na pamahalaan.
- Magplano at magsagawa ng pagsasanay:
- Gumawa ng isang household emergency plan at ituro sa bawat miyembro ng pamilya
- Magtakda ng isang evacuation route at meeting place kung sakaling magkahiwalay sa panahon ng paglikas.
- Magsagawa ng mga pagsasanay tulad ng paggamit ng fire extinguisher, pagkakaroon ng first aid kit, at iba pang mahalagang kaalaman
- Pagbuo ng Family Go-Bag:
- Maghanda ng isang "Family Go-Bag" na naglalaman ng mga mahahalagang kagamitan tulad ng mga ready-to-eat na pagkain, tubig na maiinom, flashlight, first aid kit, gamot, power banks, damit, pera, mahalagang dokumento tulad ng passport, identifications cards o ID, at iba pang kailangang gamit sa panahon ng emergency.
- Siguraduhing regular na sinusuri at pinapalitan ang mga laman ng Family Go-Bag upang mapanatiling sapat ang mga ito.
- Isagawa ang paglikas kapag inirekomenda ng mga otoridad:
- Sumunod sa mga tagubilin at abiso ng mga lokal na otoridad hinggil sa paglikas.
- Magdala ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, gamot, at iba pang mahahalagang bagay sa panahon ng paglikas.
- Gabayan ang mga bata:
- Tulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng paghahanda at kumilos sa panahon ng emergency.
- Magbigay ng maikling paliwanag tungkol sa mga kaganapan at magbigay ng reassurance sa kanilang kaligtasan.
Sa pamamagitan ng maayos na paghahanda at pagiging handa sa mga kalamidad, mas magiging ligtas at mas kalmado ang pamilya sa panahon ng mga sakuna. Mahalagang maunawaan at sundin ang mga hakbang na ito upang mabawasan ang posibleng pinsala at masiguro ang kaligtasan ng bawat isa. Ang paghahanda ay responsibilidad ng bawat pamilya, at sa pamamagitan nito, nagkakaroon tayo ng kakayahang harapin at malampasan ang mga pagsubok na dala ng mga kalamidad.
Narito ang ilang mga paalala na maaaring gawin sa iba’t ibang uri ng mga sakuna:
https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-watching-disaster-tv-broadcast-room-2190776499
- Paghahanda para sa mga bagyo:
- Maging handa bago pa man dumating ang bagyo. Maging alerto sa mga lokal na balita at abiso mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para sa paparating na bagyo.
- Siguraduhing mayroong sapat na supply ng pagkain, tubig, mga kandila, baterya, at iba pang mahahalagang gamit sa loob ng bahay.
- I-check ang bahay kung may sira ang kisame, pinto, at bintana at ipaayos agad ang mga nakitang sira. Isara ang mga bintana at pinto, at kung madalas magbaha sa lugar ay itaas ang mga gamit na maaaring maabot ng tubig
- Magkaroon ng isang evacuation plan kung sakaling kinakailangan lumikas sa mataas na lugar.
https://www.shutterstock.com/image-photo/children-taking-refuge-earthquake-1167598183
- Paghahanda para sa lindol:
- Alamin ang mga ligtas na lugar sa loob at labas ng inyong tahanan, tulad ng ilalim ng matibay na lamesa o poste ng bahay.
- Ituro sa mga bata kung paano mag Drop, Cover and Hold sa oras ng lindol
- Magkaroon ng fire extinguisher at i-secure ang mga gamit na maaaring magdulot ng panganib.
- Magturo sa bawat miyembro ng pamilya ng basic na kaalaman sa first aid at CPR.
- Sa oras ng lindol ay mahalagang maging kalmado, lumayo sa salamin, bintana at mga bagay na maaaring bumagsak at mahalagang maging alerto sa aftershocks
- Paghahanda para sa pagsabog ng bulkan:
- Maging updated sa mga abiso at payo mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) upang malaman ang kasalukuyang estado ng bulkan.
- Isagawa ang paglikas kapag inirekomenda ng mga otoridad na lumikas ang mga nasa loob ng danger zones
- Siguraduhin na kumpleto ang Go Bag na naglalaman ng face mask at iba pang proteksyon sa abo at usok.
- Magplano ng isang evacuation route at magtakda ng isang meeting place para sa pamilya kung sakaling magkahiwalay sa panahon ng paglikas.
Sa bawat paghahanda sa mga kalamidad, mahalaga ring isaalang-alang ang mental na kalusugan ng pamilya. Narito ang ilang mga hakbang na maaaring gawin:
- Magkaroon ng open communication:
- Mag-usap bilang pamilya tungkol sa posibleng panganib at kung paano dapat kumilos sa panahon ng emergency.
- Maging bukas sa pakikinig at pagbibigay ng suporta sa bawat isa.
- Magplano ng mga pang de-stress na aktibidad:
- Magtakda ng mga aktibidad na magbibigay ng relaxation sa panahon ng stress at kagipitan.
- Maglaro ng mga laro na pang family bonding, o magbahagi ng mga kwento at emosyon.
- Maghanap ng support network:
- Makipag-ugnayan sa mga kaibigan, kapitbahay, o lokal na organisasyon na maaaring magbigay ng suporta at tulong sa panahon ng kalamidad.
- Pagtulong sa mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng paghahanda:
- Magkaroon ng mga pagsasanay o paglalaro na nagtuturo sa mga bata kung paano maghanda at kumilos sa panahon ng emergency.
- Magbigay ng maikling paliwanag tungkol sa mga kaganapan at magbigay ng reassurance sa kanilang kaligtasan.
Mahalaga ang pagiging proactive at pagkakaroon ng maayos na emergency plan upang mabawasan ang pinsalang maaaring idulot ng mga sakuna. Sa bawat hakbang na ginagawa natin, nagiging mas handa at ligtas tayo sa harap ng mga hamon ng kalikasan.
References:
Center for Disease Control and Prevention. “Build an Emergency Kit | PSAs for Disasters | CDC.” www.cdc.gov, September 24, 2021. https://www.cdc.gov/disasters/psa/emergency-kit.html.
CDC Being Prepaired for an Earthquake. cdc. gov, 2019. https://www.cdc.gov/disasters/earthquakes/prepared.html.