Ang mga baga o lungs ay malaking parte ng respiratory system ng katawan. Ang pangunahing tungkulin nito ay ang pagbibigay ng kinakailangang oxygen sa lahat ng organ ng katawan at ang paglalabas ng carbon dioxide.
Ang lungs natin ay may sariling panlinis at panlaban sa sakit. Ngunit, maaari pa ring magkaroon ng mga sakit o problema sa baga.
Ang sakit sa baga o lung problems ay isa sa mga pangkaraniwang medical condition sa buong mundo. Ang paninigarilyo, impeksyon, at mga namamanang kondisyon ang mga sanhi ng karamihan ng mga sakit sa baga.
Ang mga sakit sa baga ay maaaring mahati sa tatlong kategorya, kung saan ang bawat isa ay nakakaapekto sa baga sa iba’t ibang paraan:
-Problema sa daluyan ng hangin: Ang mga kondisyon na ito ay nagdudulot ng hirap sa paghinga kaugnay ng pagpasok at paglabas ng hangin sa baga
-Problema sa tissue ng baga: Ang mga kondisyon na ito ay nagpapahirap sa tungkulin ng baga na magpakalat ng oxygen papunta sa dugo at mga organ ng katawan.
-Problema sa sirkulasyon ng dugo sa baga: Ang mga kondisyon na ito ay nakakaapekto sa daloy ng dugo mula sa puso papunta sa mga organ ng katawan, upang magdala ng oxygen sa mga ito.
Ano ang Ilan sa mga Karaniwang Sakit sa Baga?
- Problema sa Daluyan ng Hangin:
Hika o Asthma
Ang hika o asthma ay isang klase ng sakit na dulot ng problema sa daluyan ng hangin. Ang taong may hika ay nakakaranas ng pagkipot ng daluyan ng hangin dahil sa pamamaga ng lining at paghihigpit ng mga muscle na nakabalot dito, kasabay ng paggawa ng sobrang plema, bilang reaksyon sa isang trigger tulad ng mga allergen (alikabok, pollen, insekto, balahibo at buhok ng hayop), impeksyon, at polusyon. Maaari itong magresulta sa pag-ubo, paghuni habang humihinga, at kinakapos na hininga.
Ang hika ay isang pangmatagalang kondisyon, ibig sabihin ay walang lunas, ngunit maaaring makontrol.
Bronchitis
Ang bronchitis ay ang impeksyon ng pangunahing daluyan ng hangin papunta sa baga. Kadalasan, ito ay dulot ng bacteria o virus. Sa ilang mga kaso, maaaring kumalat ang impeksyon patungo sa baga.
Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD)
Ang taong may COPD ay hindi maayos na nakakapaglabas ng hangin mula sa baga, na nagdudulot ng hirap sa paghinga. Kumakapal at nasisira ang daluyan ng hangin, at sa paglipas ng panahon, ang pinsala na ito ay nagdudulot ng labis na paggawa ng plema na bumabara sa daluyan ng hangin.
Ang karaniwan na sintomas ng COPD ay ang ubo na may plema, paghuni habang humihinga, pagkahingal at pagsikip ng dibdib.
Ang paninigarilyo ang pangunahing sanhi ng COPD. Ang COPD ay maaari ring magmula sa exposure sa polusyon, mga kemikal, o sa mga namamanang kondisyon ng baga. Walang lunas para sa kondisyong ito. Habang tumatagal, maaaring lumala ang sintomas nito, at maaaring umabot pa sa malubhang kapansanan o kamatayan, lalo na kung patuloy ang paninigarilyo ng taong may COPD.
- Problema sa tissue ng baga
Pneumonia
Ang pneumonia ay ang pagkakaroon ng impeksyon ng tissue sa baga. Maaari itong magdulot ng hirap sa paghinga dahil sa namumuong plema at nana, at pamamaga ng baga. Maaari itong mangyari sa kahit sino, ngunit ang mga bata, matatanda, naninigarilyo, at mga taong may sakit, ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng ganitong kondisyon.
Kadalasan, ang pneumonia ay mula sa impeksyon dulot ng bacteria o virus, kabilang na ang coronavirus na sanhi ng COVID-19 infection.
Tuberculosis (TB) at Bronchiectasis
Ang tuberculosis ay isang klase ng impeksyon mula sa bacteria ng Mycobacterium tuberculosis na nakakahawa sa pamamagitan ng mga droplet mula sa pag-ubo o pagbahing ng taong may TB. Maaari itong magdulot ng mga komplikasyon sa tissue ng baga tulad ng pagkakaroon ng peklat.
Isa sa mga komplikasyon ng TB ang pagkakaroon ng bronchiectasis, isang kondisyon kung saan kumakapal at namamaga ang pader ng maliliit na daluyan ng hangin, na pumipigil sa mabisang pagtatrabaho ng baga. Maaari rin itong magdulot ng pagkaipon ng labis na plema, na maaaring maging sanhi ng impeksyon. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pag-ubo na may berde o dilaw na plema, pag-ubo na may dugo, pagkahingal, pagkapagod, paglalagnat, paghuni kapag humihinga at pagkirot ng dibdib.
Ang tuberculosis ay nagagamot sa pamamagitan ng mga antibiotic na iniinom ng hindi bababa sa anim na buwan.
- Problema sa sirkulasyon ng dugo sa baga
Pulmonary hypertension
Ang pulmonary hypertension ang pinakakaraniwang kondisyon sa baga na mula sa problema sa sirkulasyon ng dugo. Nangyayari ito dahil sa mataas na presyon ng dugo na nakakapinsala sa mga ugat sa baga, na nagiging matigas at masikip, na nagdudulot ng mas matinding pagbomba ng puso upang makarating ang dugo sa baga.
Ilan sa mga sintomas ng pulmonary hypertension ang pagkapagod, pagkahilo, pagkirot ng dibdib, pagkahingal, pagkabog ng dibdib, at pamamaga ng paa.
Kabilang sa mga posibleng maging komplikasyon ng pulmonary hypertension ang heart failure, pagkakaroon ng bara sa mga ugat, pagdurugo sa baga, at pinsala sa atay.
https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-doctor-discussing-about-problem-lung-1694971432
Mga Karaniwang Ginagawang Eksaminasyon para sa Sakit sa Baga
- Complete blood count (CBC): Isa itong eksaminasyon sa dugo na ginagawa upang makita kung may impeksyon sa katawan.
- Qualitative and quantitative analysis of body fluid: Para sa mga baga na may naipong tubig, maaaring magkolekta ng sample nito upang masuri ang dami ng white blood cell (WBC) at red blood cell (RBC), at masukat ang laman na asukal at protina.
- Lung tissue biopsy: Sa pagsusuri na ito, kumukuha ng tissue mula sa baga upang makita kung may pinsala o kanser.
- Gram stain / Culture and sensitivity test: Ginagamit ito upang malaman kung ang bacteria na nakuha sa baga ay sensitibo sa ibibigay na antibiotic.
- Anti-nuclear antibody (ANA): Maaaring i-request ang pagsusuri na ito upang malaman kung ang isang tao ay may autoimmune disorder.
- Chest x-ray: Sa pamamagitan ng x-ray, maaaring makita ang hugis at itsura ng baga. Ito ang pinakakaraniwang test na isinasagawa upang ma-diagnose ang mga problema sa baga tulad ng pamamaga, impeksyon, bukol, at kanser.
- Computed tomography (CT) scan: Ginagamit ang CT scan upang makakuha ng mas detalyadong imahe ng mga organs sa loob ng dibdib. Sa CT scan, maaaring ma-detect ang mga kondisyon tulad ng impeksyon, lung cancer, pulmonary embolism, at iba pang mga problema sa baga.
- Magnetic resonance imaging (MRI): Sa MRI, mas detalyadong makikita ang itsura ng mga organ sa dibdib, kabilang ang mga ugat.
- Ultrasound: Bukod sa mga organ sa dibdib tulad ng baga, makikita rin nito ang mga espasyo sa dibdib, lalo na kung may naipon ditong tubig.
References:
https://www.dlshsi.edu.ph/dlsumc/health-advisory/lungs
https://www.webmd.com/lung/lung-diseases-overview
https://www.medicalnewstoday.com/articles/types-of-lung-diseases#categories