Mga Risk Factors sa Diabetes

November 11, 2022

Ang diabetes ay epekto ng kawalan ng kakayahan ng mga selula o cells ng katawan na magamit ang asukal bilang enerhiya. Dahil hindi nakakapasok ang asukal sa cells, tumataas ang lebel ng asukal sa dugo.

Ang hindi kontroladong lebel ng asukal sa dugo ay maaaring magdulot ng mga seryosong komplikasyon na nakakasira  sa mga organ at tissue ng katawan, kabilang na ang puso, bato, mata at mga ugat1.

 

Bakit Tumataas ang Lebel ng Asukal sa Dugo kapag may Diabetes?

Kabilang sa proseso ng pagtunaw ng pagkain ang pagbabaha-bahagi nito sa iba’t ibang nutrient sources. 1Kapag ang isang tao ay kumain ng mga pagkaing puno ng carbohydrates tulad ng tinapay, kanin at pasta, tinutunaw ito ng katawan upang maging asukal o glucose. Upang makapasok ang glucose sa dugo at magamit ito ng mga cells, kailangan nito ng tulong mula sa hormone na insulin.   Ginagawa ng lapay o pancreas ang insulin at inilalabas ito sa dugo. Ang insulin ang nagsisilbing susi upang makapasok ang glucose sa loob ng mga cells kung saan ito ay nagagamit bilang fuel o enerhiya upang gumana nang maayos ang katawan..

 

Kung ang isang tao ay may diabetes, maaaring dahil ito sa dalawang bagay1:

-Hindi kayang gumawa ng lapay ng insulin, o hindi sapat ang nagagawa nito (Type 1 Diabetes); o

-Nakagagawa ang lapay ng insulin ngunit hindi tumutugon ang mga cells ng katawan dito (Type 2 Diabetes).

 

Kung hindi makapasok ang asukal sa cells ng katawan, nananatili ito sa dugo at nagdudulot  ng pagtaas ng blood glucose level.

 

Mga Risk Factor ng Diabetes

 

Type 1 Diabetes

Ang type 1 diabetes ay pinaniniwalaang dulot ng isang immune reaction ng katawan. Ibig sabihin, napagkakamalan ng katawan na kalaban ang sariling cells nito kaya inaatake at sinisira nito ang cells sa lapay na gumagawa ng insulin1.

 

Ang ilan sa mga salik na nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng type 1 diabetes ay ang mga sumusunod:

-Family history: Pagkakaroon ng magulang o kapatid na may diabetes2;

-Edad: Maaaring magkaroon ng type 1 diabetes sa kahit anong edad, ngunit kadalasan itong nakikita sa mga bata3;

-Sakit sa lapay: Bumabagal ang paggawa ng lapay ng insulin dahil sa mga ito2;

-Impeksyon o karamdaman: May ilang mga impeksyon o karamdaman, na kadalasan ay hindi pangkaraniwan, na nakakasira sa lapay1.

 

Type 2 Diabetes

Maaaring mas mataas ang tyansa ng pagkakaroon ng type 2 diabetes dahil sa mga sumusunod:

-Pagkakaroon ng pre-diabetes: Ito ang yugto bago magkaroon ng type 2 diabetes. Mataas na ang blood glucose levels ngunit hindi pa sapat para bigyan ng diagnosis ng type 2 diabetes3;

-Pagiging overweight o obese2;

-Lahi: Ang diabetes ay mas madalas makita sa mga Hispanic/Latino Americans, African-Americans, Native Americans, Asian-Americans, Pacific Islanders at Alaskans2;

-Gestational diabetes: Ito ang klase ng diabetes na nakikita sa mga buntis2;

-Kakulangan sa ehersisyo: Ito ang pag-eehersisyo nang mas mababa sa tatlong beses sa isang linggo2;

-Family history: Pagkakaroon ng magulang o kapatid na may diabetes2;

-Polycystic ovary syndrome (PCOS): Ang mga babaeng may PCOS ay may mas mataas na tyansa na magkaroon ng diabetes2;

-Edad: Higit sa 45 na taong gulang2

 

Mga Sintomas ng Diabetes

Ang ilan sa sintomas ng diabetes ay ang mga sumusunod1:

-Pagkauhaw;

-Panghihina o pagkapagod;

-Panlalabo ng paningin;

-Pamamanhid ng kamay o paa;

-Mabagal na paggaling ng mga sugat;

-Hindi planadong pagbagsak ng timbang;

-Madalas na pag-ihi;

-Madalas na pagkakaroon ng impeksyon;

-Panunuyo ng bibig;

-Sa mga babae: tuyo at makating balat, at madalas na pagkakaroon ng yeast infection o urinary tract infection (UTI);

-Sa mga lalaki: mas mababang sex drive, erectile dysfunction, at panghihina ng mga muscle.

 

Magpakonsulta sa doktor kung nakakaranas ng ilan sa mga sintomas na nabanggit. Mainam na sumailalim sa pagsusuri upang makumpirma ang pagkakaroon ng diabetes. Kapag mas maagang makumpirma ang diabetes, mas maagang makapagsisimula ng gamutan at mababawasan o maiiwasan ang pagkakaroon ng mga komplikasyon.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-fat-woman-take-v-shape-428579365

 

Maaari bang Maiwasan ang Pagkakaroon ng Pre-diabetes, Type 2 Diabetes at Gestational Diabetes?

 

Bagaman may ilang salik na hindi na mababago katulad ng lahi at pagkakaroon ng mga kamag-anak na may diabetes, may ilang mga risk factor na maaaring makontrol upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng diabetes. Ang pagkakaroon ng malusog na pamumuhay ay maaaring makatulong. Maaaring sundin ang mga sumusunod upang makaiwas sa diabetes1:

-Kumain ng masustansyang pagkain. Magkaroon ng food diary at bantayan ang nakokonsumo araw-araw. Ang pagbabawas ng 250 calories kada-araw ay makatutulong sa pagbabawas ng 1 kilo kada-linggo;

-Mag-ehersisyo. Gawing layunin na makapag-ehersisyo ng 30 minuto sa isang araw, na hindi bababa sa limang araw kada-linggo. Dahan-dahan na magsimula hanggang maging regular ang pag-eehersisyo. Isang magandang ehersisyo ang paglalakad;

-Magbawas ng timbang . Huwag magbawas ng timbang habang buntis. Sa halip, magpakonsulta sa obstetrician upang malaman kung ano ang malusog na pagdaragdag ng timbang habang nagdadalang-tao;

-Bawasan ang stress. Mag-aral ng mga relaxation techniques, deep breathing exercises, meditation, yoga, at iba pang mga stratehiya upang mabawasan ang stress;

-Bawasan ang pag-inom ng alak. Ang mga lalaki ay hindi dapat umiinom ng higit sa dalawang serving ng alak kada-araw, habang ang mga babae naman ay hindi dapat hihigit sa isang serving;

-Magkaroon ng sapat na tulog (7 hanggang 9 na oras bawat araw);

-Tumigil sa paninigarilyo;

-Uminom ng mga angkop na gamot ayon sa payo ng doktor. Ito ay makakatulong upang maagapan ang pagkakaroon ng sakit sa puso (tulad ng gamot sa altapresyon at mataas na kolesterol) o mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng type 2 diabetes

-Kung nakakaranas ng sintomas ng pre-diabetes o diabetes, kumonsulta agad sa doktor.

 

Maaari bang Maiwasan ang Pagkakaroon ng Type 1 Diabetes?

 

Hindi, dahil ang type 1 diabetes ay isang autoimmune disease1. Kasalukuyan pang pinag-aaralan ng mga dalubhasa ang mga dahilan kung bakit inaatake ng katawan ang sarili nitong cells ngunit wala pang makitang tiyak na kasagutan. . Maaaring may iba pang salik na kaugnay nito, katulad ng pagbabago sa genes na bumubuo sa katawan ng tao.


 

References:

 

  1. https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/7104-diabetes-mellitus-an-overview
  2. https://www.webmd.com/diabetes/guide/risk-factors-for-diabetes
  3. https://www.cdc.gov/diabetes/basics/risk-factors.html