Ang mga terminong “overweight” at “obesity” ay nangangahulugan na ang timbang ng isang tao ay sobra sa normal na timbang base sa tangkad ng indibidwal. Ang pagiging overweight ay kadalasang dulot ng labis na taba sa katawan. Ngunit, maaari rin itong magmula sa pagkakaroon ng labis na muscle, buto o tubig sa katawan. Ang mga taong obese naman ay kadalasang sobra ang taba sa katawan.
Ang body mass index (BMI) ay isang batayan upang masabi kung ang isang tao ay may malusog na timbang. Sinusukat ng BMI ang bigat ng isang tao kaugnay ng kanyang tangkad. Sa pagtaas ng BMI, tumaas din ang panganib ng pagkakaroon ng mga problema sa kalusugan tulad ng pagiging overweight at obesity.
Ang pag-abot at pananatili sa malusog na timbang ay isang matagalang hamon kung ang isang tao ay overweight o obese. Ang pagpapanatili ng malusog na timbang – o kahit ang pag-iwas sa pagdadagdag ng timbang kung ang isang tao ay overweight na – ay nakakatulong na pababain ang tyansa na magkaroon ng mga problema sa kalusugan.
Mga Sakit na Kaugnay ng Obesity
- Sakit sa Puso at Stroke
Ang pagkakaroon ng labis na timbang ay nagpapataas ng tyansa na magkaroon ng altapresyon at mataas na kolesterol. Ang dalawang kundisyon na ito ay maaaring magdulot ng sakit sa puso at stroke. Ngunit, sa pagbabawas ng kahit konting bigat, mababawasan din ang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso o stroke. Kapag mas madami ang nabawas, mas mababa din ang tyansa na magkasakit.
- Type 2 Diabetes
Karamihan sa mga taong may type 2 diabetes ay overweight o obese. Maaaring mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng type 2 diabetes kung nagbabawas ng timbang, kumakain ng balanse na dyeta, nakakakuha ng sapat na tulog, at nag-eehersisyo.
Kung ang isang tao ay mayroon nang type 2 diabetes, ang pagbabawas ng timbang at pagkakaroon ng regular na ehersisyo ay nakakatulong upang makontrol ang lebel ng asukal sa dugo. Ang pagiging aktibo ay maaaring makatulong din upang mabawasan ang pangangailangan ng gamot para sa diabetes.
- Kanser
Ang kanser sa bituka, suso (pagkatapos ng menopause), matres, bato, at esophagus ay nauugnay sa obesity. May ilang pag-aaral rin na nagbabanggit ng koneksyon ng obesity sa kanser ng apdo, obaryo, at lapay.
- Sakit sa apdo
Ang sakit sa apdo at bato sa apdo ay mas madalas na nakikita sa taong may labis na timbang. Sa kasamaang palad, mismong ang pagbabawas ng timbang, lalo na ang mabilis na pagbabawas ng timbang, ay maaaring magpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng bato sa apdo. Ang pagbabawas ng timbang ng hindi tataas sa kalahating kilo kada-linggo ay maaaring hindi magdulot ng bato sa apdo.
- Osteoarthritis
Ang osteoarthritis ay isang karaniwang sakit sa kasu-kasuan na kadalasang nakakaapekto sa tuhod, balakang, at likod. Ang pagkakaroon ng labis na timbang ay nagbibigay ng mas matinding presyon sa mga kasu-kasuan at nakakasira sa mga cartilage na nagbibigay ng proteksyon sa mga buto.
Ang pagbabawas ng timbang ay nakakapagbigay-ginhawa sa tuhod, balakang, at likod at maaaring makabawas sa sintomas ng osteoarthritis.
- Gout
Ang gout ay isang sakit na nakakaapekto sa kasu-kasuan. Nagkakaroon ng gout ang isang tao kapag masyadong madami ang uric acid sa dugo. Ang labis na uric acid ay maaaring mamuo at maipon sa mga kasu-kasuan.
Mas karaniwang magkaroon ng gout ang mga taong overweight at obese.
Ang biglaang pagbabago ng timbang ay maaaring magdulot ng paglala ng sintomas ng gout. Mainam na magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ng payo tungkol sa malusog na paraan ng pagbabawas ng timbang sa taong may gout.
- Sleep Apnea
Ang sleep apnea ay isang problema sa paghinga na kaugnay ng pagkakaroon ng labis na timbang.
Ang sleep apnea ay maaaring magdulot sa isang tao na humilik ng malakas at pansamantalang tumigil ang paghinga habang natutulog. Maaari itong maging sanhi ng pagkaantok tuwing umaga at magpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke.
Kadalasan, ang pagbabawas ng timbang ay nakakabawas sa sintomas ng sleep apnea.
https://www.shutterstock.com/image-photo/fat-women-sick-office-syndrome-1586510734
Paano Gamutin ang Obesity?
Ilan sa mga karaniwang ginagawa ng mga taong overweight at obese ay ang pagbabawas ng timbang sa pamamagitan ng pagkain ng masustansyang pagkain, pagkakaroon ng regular na ehersisyo, at pagpapalit ng mga nakasanayang gawain. May mga weight-management program na maaaring makatulong sa pagbabawas ng timbang o maiwasan ang muling pagdadagdag ng nabawas na timbang. Sa ganitong mga kaso, maaaring magrekomenda ang doktor na magdadagdag ng ibang paraan ng gamutan, kabilang na ang pag-inom ng gamot na nagpapabawas ng timbang, mga weight-loss devices, o bariatric surgery.
Base sa payo ng mga eksperto, mainam na magbawas ng 5 hanggang 10 porsyento ng timbang sa loob ng unang anim na buwan ng gamutan. Ang pagbabawas ng 5 hanggang 10 porsyento ng timbang ay maaaring:
-Magpababa ng panganib ng pagkakaroon ng mga karamdaman dulot ng labis na timbang
-Mapaayos ang kasalukuyang kalagayan ng kalusugan at mabawasan ang sintomas ng mga karamdamang kaugnay ng labis na timbang, tulad ng altapresyon at mataas na kolesterol
Walang mabilis na paraan upang gamutin ang obesity. Ang pagbabawas ng timbang ay nangangailangan ng oras at commitment.
Ang mga healthcare professional na gumagabay sa pagbabawas ng timbang ay dapat nagbibigay ng payo at lakas ng loob upang maipagpatuloy ang malusog na pagbabawas ng timbang. Ang regular na pagmomonitor ng timbang, pagkakaroon ng realistic goals, at ang suporta ng mga kaibigan at pamilya ay malaki ang maitutulong sa pagbabawas ng timbang.
References: