Kahit noon pang bago tumama ang COVID-19 pandemic, lagi nang paalala ng mga health experts na panatilihin nating malakas at malusog ang ating katawan upang makaiwas sa iba’t ibang sakit. Ngayon na may kinakaharap tayong pandemya, tumaas lalo ang awareness dito at marami sa atin ang naghahanap ng paraan para tumibay ang proteksyon laban sa virus.
Ehersisyo ang pangunahing nakikitang paraan ng karamihan pagdating sa usapan ng healthy body. Pero mas mahalaga pa rin talaga kung ano ang kinakain natin sa araw-araw. May mga supplement at vitamins na nakapagpapalakas ng resistensya pero iba pa rin ang sustansyang nakukuha sa pagkain ng gulay.
Ang natural na vitamins at minerals na nilalaman nitong iba’t ibang types of vegetables ang nagsisilbing gasolina ng ating katawan upang magawa ang ating daily activities, kabilang na ang pag-eehersisyo. Ngunit aminin na natin, marami pa rin sa atin ang ayaw sa pagkain ng gulay araw-araw, maliban na lang kung ikaw ay strict vegetarian. Wala namang mali doon, subalit napatunayan na ng siyensya na hindi ito usapin ng kung anong gusto mong kainin, kundi kung ano ang kailangan ng katawan mo.
Sa totoo lang, malaki rin ang kasalanan ng ating panlasa kung bakit hindi tayo gaanong mahilig kumain ng gulay. Para sa karamihan, kung hahainan tayo ng isang plato ng lechon kawali sa kanan at isang plato naman ng gulay sa kaliwa, malamang sa malamang ay yung karne ang unang kakainin natin kahit pa alam natin na mas risky ito sa ating kalusugan kumpara sa gulay.
Wala namang masama sa pagkain ng karne, huwag lang sosobra. Ayon nga sa isang NSO survey, isa sa bawat limang Pilipino na namamatay ay dahil sa sakit sa puso na may kinalaman sa poor diet. Ikaw na nagbabasa nito ngayon, maging wake-up call na sana ito para piliin ang mas healthy na pagkain.
Narito ang limang pinakamasustansyang gulay na mabibili mo sa palengke:
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/isolated-garlic-raw-segments-on-white-1016243419
- Bawang o Garlic
Isa ito sa mga patok na Filipino vegetables pero maliban sa kayang pasarapin ng bawang ang isang putahe, napakayaman din nito sa nutrisyon gaya ng potassium, selenium, calcium, vitamins B1, B6, at C, manganese, at copper. Mataas din ang allicin content nito, na isang uri ng beneficial sulfur compound na kayang magpababa ng blood pressure at masamang LDL cholesterol. Sa katunayan, kaya rin ng allicin na pataasin naman ang mabuting HDL cholesterol na maaaring magpababa ng heart disease risk. Dagdag pa rito, napag-alaman sa mga pag-aaral na ang mga taong malakas kumain ng bawang ay mas mababa ang risk na magkaroon ng kanser sa bituka at tiyan dahil sa taglay nitong cancer-fighting properties.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/isolated-vegetables-raw-eggplant-broccoli-on-1739824325
- Broccoli
Ang tinaguriang “Pacquiao” ng mga gulay dahil sa angking lakas ng disease-fighting potential nito, ang broccoli ay siksik sa powerful antioxidants at isang pangunahing mapagkukuhanan ng nutrisyon laban sa kanser sa baga, tiyan, at tumbong. Itong leafy vegetables na ito ay mayaman sa beta-carotene, vitamin C, at folate na nagpapalakas ng iyong immune system para hindi ka madaling dapuan ng sakit gaya ng trangkaso at sipon.
Kaya naman pagdating sa mga green vegetables na rekomendado rin ng health experts, broccoli ang isa sa mga nasa itaas ng listahan. Importante kasi sa panahon ngayon na malakas ang panglaban natin sa coronavirus, na mas malaki ang tiyansang makaapekto sa kalusugan ng indibidwal na mahina ang immune system.
- Talong o Eggplant
Torta, ensalada, at adobo ang ilan lang sa maraming paraan ng pagluto ng talong dito sa Pilipinas. Patok din ito bilang pangunahing sahog sa pinakbet – ang putaheng nagmula sa norte na pinaghalo-halong fresh vegetables. Ang talong ay siksik sa antioxidants at heart healthy nutrients tulad ng nasunin na isang kakaibang compound na pinaniniwalaang pumoprotekta sa ating brain cells mula sa damaging. At dahil magandang pagkuhanan ng potassium at fiber ang talong, kaya nitong mapababa ang tiyansa ng stroke at dementia ayon sa pag-aaral.
- Kamote o Sweet potato
Ang kamote ay matamis at starchy root vegetables na tanim sa maraming parte ng bansa. Ito ay may iba’t ibang sukat at kulay pero lahat ay mayaman sa antioxidants, minerals, fiber, at vitamins. Pwedeng pwede ang kamote sa mga indibidwal na may kanser dahil naglalaman ito ng anthocyanins na sinasabing nagpapabagal ng cancer cell growth bukod pa anti-cancer nutrients na vitamins C at A, at manganese.
- Kalabasa o Squash
Malaking tulong sa ating nutritional needs ang pagkain ng gulay at prutas. Kaya naman iba ang hatid na nourishment ng kalabasa na kinikilala both as fruits and vegetables ng mga eksperto. Pero maliban sa katangian na ito, naglalaman talaga ang squash ng maraming nutrisyon katulad ng fiber, potassium, at magnesium. Mayroon din itong anti-inflammatory nutrients gaya ng vitamin C at beta-carotene na swak sa mga taong may asthma at arthritis (RA at OA).
Limitado lang ang dami ng pagkain na kaya nating ikonsumo sa isang araw. Para masulit ang dami ng nutrisyon na makukuha ng iyong katawan, pinaka wais na paraan ang pagkain nitong iba’t ibang gulay na mayaman at siksik sa nutrition content.
Sources:
https://topten.ph/2014/09/05/top-10-healthiest-vegetables-philippines/
https://www.healthline.com/nutrition/11-most-nutrient-dense-foods-on-the-planet#How-To-Peel-Garlic