Ang oral cavity cancer ay ang klase ng kanser na nagsisimula sa bibig. Maaari rin itong tawagin na oral cancer.
Ang oral cavity ay binubuo ng labi, lining ng labi at pisngi (buccal mucosa), ngipin, gilagid, dila, ilalim ng dila (floor of the mouth), taas ng bibig (hard palate) at ang espasyo sa likod ng wisdom teeth (retromolar trigone).
Ang oral cancer ay kadalasang nagsisimula bilang singaw o bukol sa bibig na hindi nawawala. Humigit-kumulang 50,000 na katao sa America [1] ang nagkakaroon ng oral cancer kada-taon, at 70% sa kanila ay mga lalaki. Maaaring nakamamatay ang kanser sa bibig kapag hindi agad nahuhuli at nagagamot nang maaga.
Kapag na-diagnose nang maaga, mas madaling magamot ng doktor ang kanser sa bibig. Subalit, karamhihan ng may kanser sa bibig ay nabibigyan lamang ng diagnosis kapag ang kanilang kondisyon ay malala na at mahirap nang gamutin. Kung ang pasyente ay madalas na nagpapatingin sa dentista o doktor, at may alam sa mga sintomas ng oral cancer, mas madaling mahuhuli ang kanser habang nasa maagang stage pa lamang.
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-woman-has-toothache-isolated-on-561006997
Mga Sintomas ng Kanser sa Bibig
Ang ilan sa mga kadalasang nakikita na sintomas ng oral cavity cancer ay ang mga sumusunod:
-Singaw sa labi o bibig na hindi gumagaling
-Puti o pulang patse sa gilagid, dila, o lining ng bibig
-Bukol, sugat, o magaspang na balat sa labi o sa loob ng bibig
-Hindi karaniwang pagdurugo, kirot, o pamamanhid ng bibig
-Hindi maipaliwanag na pamamanhid o kirot sa mukha o leeg
-Pamamaga ng panga o leeg
-Kirot sa tainga
-Kirot tuwing lumulunok, ngumunguya, nagsasalita, o ginagalaw ang panga at dila
-Pagkapaos, masakit na lalamunan, o pagbabago ng boses
-Mabilis na pagbagsak ng timbang kahit hindi sinusubukan na magbawas
Ang bawat tao na may oral cancer ay maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas, at ilan dito ay katulad ng sintomas ng iba pang mga karamdaman. Mainam na magpakonsulta sa doktor para sa tamang diagnosis at gamutan.
Mga Sanhi ng Kanser sa Bibig
Ang mga pangunahing pinagmumulan ng oral cavity cancer ay ang mga sumusunod:
-Paninigarilyo
-Pag-inom ng alak
-Impeksyon na dulot ng human papillomavirus (HPV)
-Masyadong matagal at malakas na exposure ng labi sa araw
Sa kasalukuyan, patuloy din ang pagdami ng mga oral cavity cancer na walang tiyak na dahilan.
Paano Sinusuri at Nakukumpirma ang Pagkakaroon ng Kanser sa Bibig?
Bukod sa kumpletong medical history at physical examination ng doktor, maaaring magsagawa ng mga diagnostic procedure para sa oral cancer kabilang na ang mga sumusunod:
-Biopsy. Ang biopsy ay isang procedure kung saan kumukuha ng sampol ng tissue sa bibig. Tinitingnan ng pathologist ang tissue sa ilalim ng microscope upang malaman kung may abnormal na cells na maaaring maging kanser. Para sa mga kanser sa bibig, ang biopsy ay kinokolekta sa bibig pagkatapos maturukan ng pampamanhid. Ginagawa ito sa clinic ng doktor. Minsan, kumukuha rin ng sampol ng kulani.
-Endoscopy. Maaaring magpasok ng isang maliit na tubo sa bibig upang masilip kung kumalat ang kanser hanggang sa lalamunan.
-Computerized tomography (CT) scan o magnetic resonance imaging (MRI). Ang mga procedure na ito ay ginagamit upang makakuha ng litrato ng katawan para mahanap kung may mga bukol na hindi nakikita sa ordinaryong x-ray.
-Ultrasonography. Ang ultrasonography ay gumagamit ng high-frequency sound waves upang gumawa ng imahe ng mga lamanloob. Para sa kanser sa bibig, maaaring gamitin ang ultrasound sa eksaminasyon at pangongolekta ng sampol para sa biopsy sa mga kulani sa leeg.
-Positron emission tomography (PET)/CT scan. Ang PET/CT scan ay gumagamit ng mga espesyal na radioactive dye upang malaman kung may pagkalat kanser sa katawan.
Kapag nakumpirma na ang pagkakaroon ng kanser sa bibig, ang susunod na hakbang ay ang pag-alam sa stage ng kanser (kung gaano kakalat ito sa katawan), bago pa man gumawa ng plano tungkol sa pinakaangkop na gamutan. Sa puntong ito, maaaring may iba pang gawing mga laboratory test ang doktor depende sa kalagayan at sitwasyon ng pasyente.
Paano Ginagamot ang Kanser sa Bibig?
Tulad ng ibang kanser, ang kanser sa bibig ay ginagamot sa pamamagitan ng operasyon, upang matanggal ang bukol, at sinusundan ng radiation therapy at/o chemotherapy upang masira ang mga natitirang cancer cell.
Mga Paraan Upang Maiwasan ang Pagkakaroon ng Kanser sa Bibig
Ayon sa mga pag-aaral, ang kanser sa bibig ay nagsisimula kapag ang nilalaman na DNA ng mga tissue sa bibig ay nasisira. Bukod dito, may mga bagay, tulad ng mga asal ng mga tao pagdating sa kalusugan, na nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng kanser sa bibig. Upang maiwasan ito, narito ang ilan sa mga maaaring gawin:
-Huwag manigarilyo o gumamit ng mga produktong may tabako. Huwag uminom ng masyadong maraming alak, at umiwas sa binge drinking.
-Gawing balanse ang dyeta.
-Limitahan ang exposure sa araw. Ang madalas at paulit-ulit na pagpapaaraw ay isang risk factor sa pagkakaroon ng kanser sa labi, lalo na sa lower lip. Kung magpapaaraw, gumamit ng sunblock bilang proteksyon sa balat, pati na rin sa labi.
Mahalaga ang maagang deteksyon ng oral cancer, kung sakaling magkaroon nito, sa pamamagitan ng mga sumusunod:
-Magsagawa ng self-examination na hindi bababa sa isang beses kada-buwan. Gamit ang maliwanag na ilaw at salamin, tingnan at kapain ang mga labi at gilagid. Ikiling ang ulo palikod upang masilip at makapa ang taas ng bibig. Hilahin ang pisngi palabas upang makita ang loob ng bibig, lining ng pisngi, at ang likod na gilagid. Ilabas ang dila at tingnan ang kabuuan nito, pati na ang ilalim ng dila. Silipin ang likod ng lalamunan. Kapain ang leeg at ang ilalim ng panga upang masuri kung may mga bukol o malaking kulani. Magpatingin agad sa doktor o dentista kung may mapansin na pagbabago sa itsura ng bibig, o kung may maranasan sa mga sintomas na nakalista sa taas.
-Magkaroon ng regular na iskedyul sa pagpapatingin sa doktor o dentista. Kahit nagsasagawa ng madalas na self-examination, minsan, may mga mapanganib na singaw o bukol na masyadong maliit para makita ng mata. Base sa rekomendasyon ng American Cancer Society, ang oral cancer screening ay dapat ginagawa kada-tatlong taon para sa mga taong edad 20 taong gulang pataas, at kada-taon para sa mga taong edad 40 taong gulang pataas. Sa susunod na appointment sa doktor o dentista, mag-request na magsagawa ng oral examination. Ang maagang pag-detect sa oral cancer ay mahalaga sa matagumpay na paggamot sa kanser.
References:
https://www.webmd.com/oral-health/guide/oral-cancer
https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/oral-cancer