Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ay isang pangkaraniwang hormonal na kondisyon na nakakaapekto sa 6-15 % ng mga babae. Ito ay nagdudulot ng iba't ibang mga sintomas at maaaring magkaroon ng epekto sa pagbubuntis.1 Upang mas maintindihan ang kondisyon na ito at ang kaugnayan nito sa pagbubuntis, narito ang impormasyon na dapat malaman.
Ano ang PCOS?
https://www.shutterstock.com/image-photo/concept-pcos-write-on-book-keywords-2294213077
Ang PCOS ay sanhi ng hormonal imbalance sa katawan ng isang babae, partikular ang mga hormone na nagko-kontrol sa ovulation. Sa halip na maglabas ng isang malusog na itlog mula sa obaryo, nabubuo ang mga maliliit na cyst o bukol sa loob nito. Ang kondisyon na ito ay maaaring magdulot ng iba't ibang mga sintomas at komplikasyon.2
Mga sintomas ng PCOS
Ang mga babae na may PCOS ay maaaring magkaroon ng iba't ibang mga sintomas. Ang hindi regular na regla o hindi pagkakaroon ng regla sa loob ng ilang buwan ay isa sa mga pangunahing palatandaan ng PCOS. Ito ay sanhi ng hindi regular na ovulation o paglabas ng itlog mula sa obaryo. Bukod dito, maaaring magkaroon ng hirsutism, na tumutukoy sa labis na paglago ng buhok sa mukha, dibdib, tiyan, at iba pang bahagi ng katawan. Ang acne o pimples sa mukha at ang pagtaas ng timbang, lalo na sa abdominal area, ay karaniwang sintomas din ng PCOS. Maaaring magkaroon din ng pagbabago sa balat, tulad ng pangingitim ng balat sa leeg, kilikili, at iba pang mga bahagi ng katawan.2
Epekto ng PCOS sa Pagbubuntis:
https://www.shutterstock.com/image-photo/first-pregnancy-check-by-doctor-pregnant-1251088759
Ang mga babae na may PCOS ay nahihirapan sa pagbubuntis at may mas malaking panganib na makaranas ng mga komplikasyon sa buong proseso ng pagbubuntis at panganganak. Subalit, sa pamamagitan ng tamang pamamahala ng mga sintomas ng PCOS, maraming babae pa rin ang nagkakaroon nang maayos na pagbubuntis at nakakapanganak ng malusog na sanggol.3
Ang pagkakaroon ng PCOS ay maaaring magdulot ng mga hamon at mga komplikasyon sa pagbubuntis. Narito ang ilan sa mga epekto ng PCOS sa pagbubuntis:
- Pagtaas ng panganib ng miscarriage: Ang mga babae na may PCOS ay may three times (3X) na mas mataas na tsansang makunan sa mga unang buwan ng pagbubuntis kumpara sa mga babae na walang PCOS. Ito ay maaaring dahil sa mga pagbabago sa hormones at hindi regular na ovulation na maaaring makaapekto sa implantasyon ng embryo sa sinapupunan.3,6
- Gestational Diabetes: Ang mga babaeng buntis na may PCOS ay may mas mataas na panganib na magkaroon ng gestational diabetes. Ito ay isang kondisyon kung saan mataas ang antas ng asukal sa dugo ng nagdadalang tao. Ang hindi kontroladong gestational diabetes ay maaaring magdulot ng mga komplikasyon sa kalusugan ng ina at sanggol.3,6
- Preeclampsia: Ang mga kababaihang may PCOS ay may mas malaking panganib na magkaroon ng preeclampsia, isang komplikasyon sa pagbubuntis na nagdudulot ng mataas na blood pressure. Ang preeclampsia ay maaaring magdulot ng problema sa bato at atay ng ina, at maaaring makaapekto rin sa kalusugan at paglaki ng sanggol sa sinapupunan.3,6
- Problema sa fertility: Ang PCOS ay maaaring makasira sa fertility ng isang babae. Ang hindi regular na ovulation at hormonal imbalance ay maaaring magdulot ng mga pagsubok sa pagbubuntis. Gayunpaman, may mga pamamaraan at paggamot na maaaring makatulong sa pagpapabuti ng fertility ng mga kababaihang may PCOS.2
Ang pangangalaga sa sarili at ang tamang pamumuhay ay mahalaga para sa mga kababaihang may PCOS na nagnanais mabuntis. Narito ang ilang mga rekomendasyon:
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-attractive-active-woman-holding-bowl-2138052549
- Tamang Pagkain: Ang pagkakaroon ng balanced diet ay mahalaga para sa mga kababaihan na may PCOS. Dapat kumain ng mga sariwang prutas at gulay, whole grains, at lean protein. Iwasan ang mga processed foods at pagkain na may mataas na glycemic index, tulad ng mga pagkain na may mataas na asukal.4
https://www.shutterstock.com/image-photo/healthy-asian-athlete-woman-sportswear-do-2131540853
- Regular na ehersisyo: Ang regular na ehersisyo ay isang mahalagang bahagi ng pangangalaga sa may PCOS at paghahanda sa pagbubuntis. Ang ehersisyo ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa pagkontrol ng timbang, pagpapabuti ng metabolismo, at regulasyon ng hormones. Ito ay maaaring maghatid ng mga sumusunod na benepisyo: 4
- Pagbaba ng timbang
Ang pagkakaroon ng labis na timbang ay madalas na kaakibat ng PCOS. Ang regular na ehersisyo ay maaaring makatulong sa timbang at labis na taba sa katawan. Ito ay dahil ang ehersisyo ay nagpapaganda ng metabolismo.4,5
- Pagpapabuti ng paggamit ng insulin sa katawan
Ang mga kababaihang may PCOS ay mayroong panganib na magkaroon ng insulin resistance, na nagpapahina sa kakayahan ng katawan na gamitin ang insulin. Ang regular na ehersisyo ay maaaring magbawas ng insulin resistance at mapabuti ang sensitivity ng katawan sa insulin. Ito ay nakatutulong sa pagkontrol ng antas ng asukal sa dugo at pagbabawas ng panganib ng pagkakaroon ng gestational diabetes.4,5
- Pagsasaayos ng menstrual cycle:
Ang ehersisyo ay maaaring magdulot ng pagsasaayos sa irregular na menstrual cycle ng mga kababaihang may PCOS. Sa pamamagitan ng pagpapabuti ng hormone balance at pagregulate ng ovulation, maaaring mabawasan ang sintomas ng PCOS at pataasin ang posibilidad ng pagbubuntis. 4
- Pagbawas ng stress:
Ang regular na ehersisyo ay kilala rin bilang isang epektibong paraan ng paglaban sa stress. Ang stress ay maaaring magdulot ng pagtaas ng mga hormones na maaaring makaapekto sa hormone balance at reproductive system. Ang ehersisyo ay nagpapababa ng stress hormone, na nagreresulta sa mas malusog na reproductive health.5
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-female-doctor-wear-white-coat-2165864547
Mahalaga rin na tandaan na bago magsimula ng anumang programa ng ehersisyo, kailangang konsultahin ang isang doktor o isang espesyalista sa PCOS. Ito ay upang matiyak na ang napiling ehersisyo ay angkop sa kalagayan at pangangailangan ng pasyente. Dagdag pa rito, ang pagpapahinga at pag-aalaga sa sarili ay hindi dapat balewalain. Ang sapat na tulog, pag-iwas sa sobrang stress, at pagkakaroon ng sapat na oras para sa mga self-care activities ay makakatulong sa pagpapabuti ng hormone balance at pangkalahatang kalusugan ng katawan.
Mahalaga ang tamang pagkain, pangangalaga sa sarili, at konsultasyon sa doktor upang pamahalaan ang PCOS at mapaghandaan ang pagbubuntis. Sa pamamagitan ng pangangalaga sa kalusugan at pagiging proaktibo, ang mga kababaihan na may PCOS ay maaaring matagumpay na magbuntis at magkaroon ng malusog na sanggol.
References:
(1) Brusie, C. (2016, November 2). Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS) and Pregnancy: Symptoms. Healthline. https://www.healthline.com/health/pregnancy/pcos#next-steps
(2) Office on Women's Health. (2021, February 22). Polycystic ovary syndrome | Womenshealth.gov. Womenshealth.gov. https://www.womenshealth.gov/a-z-topics/polycystic-ovary-syndrome
(3) National Institute of Child and Human Development. (2017, January 31). Does PCOS affect pregnancy? Https://Www.nichd.nih.gov/. https://www.nichd.nih.gov/health/topics/pcos/more_information/FAQs/pregnancy#:~:text=Pregnancy%20complications%20related%20to%20PCOS
(4) Gurevich, R. (2023, January 2). Trying to Get Pregnant With PCOS? Here’s How. Verywell Family. https://www.verywellfamily.com/how-to-get-pregnant-with-pcos-1960193
(5) Galan, N. (2012, August 31). Benefits of Exercise for Women With PCOS. Verywell Health; Verywell Health. https://www.verywellhealth.com/exercise-benefits-for-women-with-pcos-2616351
(6) Kamalanathan, S., Sahoo, J., & Sathyapalan, T. (2013). Pregnancy in polycystic ovary syndrome. Indian Journal of Endocrinology and Metabolism, 17(1), 37. https://doi.org/10.4103/2230-8210.107830