Sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis, mahalagang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit at ang pag-inom ng anumang gamot. Posible kasing maapektuhan ang iyong panganganak kapag nag-take ng gamot na maaaring hindi safe sa’yo at sa iyong baby.
Sa pagkakataong ikaw ay makaramdam ng pananakit na dulot ng lagnat o trangkaso, subukan muna ang mga sumusunod bago uminom ng kahit anong gamot.
- Pumili ng mga pagkaing may wastong nutrisyon.
Importanteng makakuha ng wastong sustansiya ang ina upang siya at ang kanyang supling ay manatiling malusog hanggang sa kanyang panganganak.
Sabayan na rin ng pag-inom ng pregnancy vitamins na may Folic Acid para makatulong sa development stage ni baby.
- Uminom nang maraming tubig
Minsan ang kakulangan ng tubig sa katawan ang nagiging rason kung bakit sumasakit ang ating ulo. Ugaliing uminom ng walo hanggang sampung baso ng tubig kada araw upang makaiwas sa pananakit ng ulo.
- Magkaroon ng sapat na pagtulog
Bukod sa kakulangan ng tubig sa katawan, pwedeng maging rason din sa pananakit ng iyong ulo ay ang kakulangan sa pagtulog. Hangga’t maaari, mahigit 7 hours na mahimbing na tulog para sa nagbubuntis.
- Mag-ehersisyo nang regular
Malaking bagay ang mga simpleng ehersisyo sa pagpapanatili ng kalusugan ng buntis. Subukan ang mga simpleng breathing exercises: Mag-inhale ng malalim. Mag-exhale ng dahan-dahan. Ang paglalakad tuwing umaga ay makakatulong din sa pagpawi ng sakit sa ulo.
- Mag-relax
Subukang mag-enroll sa mga yoga class. Magpamasahe kung kinakailangan. Ang mga ito ay nakakatulong sa pagpapawala ng stress. Stress na nagdudulot ng pananakit ng ulo at katawan.
- Iwasan ang pagkakaroong ng stress
Ilista ang mga bagay na maaaring maka-trigger ng stress at piliting iwasan ang mga ito. Isama sa iyong listahan ang mga bagay na maaaring makaapekto sa iyong normal na pang-amoy o panlasa.
Ang paracetamol ba ay safe sa buntis?
Kung sumasakit pa rin ang iyong ulo o katawan, kumonsulta na agad sa iyong doktor o OB-Gyne. Ito ay upang malaman kung anong gamot ang kailangan mo nang inumin. Mabibigyan ka ng tamang gabay iyong OB-Gyne kung ano posibleng maging epekto ng gamot na ito sa iyong pagbubuntis.
Ang pinakasafe at inererekomendang gamot para sa trangkaso o sakit ng ulo, ay Paracetamol.
Ang madalas na inererekomendang dosage ng mga doktor para sa mga karamdamang ito ay sapat na upang bumuti ang pakiramdam ng nagbubuntis.
Mga paalala kung ikaw ay iinom ng Paracetamol habang nagdadalang-tao:
- Iwasang pagsabayin ang Paracetamol sa pag-inom ng kape
Hindi inirerekomenda ang pag-inom ng kape sapagkat ang caffeine ay maaaring magdulot ng pagkalaglag o pagkakaroon ng komplikasyon sa ina at sa kanyang supling.
- Huwag lalagpas sa dosage o dami ng gamot na nireseta ng iyong doktor.
- Kapag nakainom na ng Paracetamol at hindi pa rin bumubuti ang iyong pakiramdam, bisitahin muli ang iyong doktor upang ikaw ay matingnan.
References:
https://www.nhs.uk/common-health-questions/pregnancy/can-i-take-paracetamol-when-i-am-pregnant/
http://www.medicinesinpregnancy.org/medicine--pregnancy/paracetamol/