Madalas na pagkahilo, morning sickness o pagsusuka, biglaang pagbabago sa mood, pagbagsak o pagbigat ng timbang, paghahanap ng kakaibang kombinasyon ng mga pagkain – ilan lamang ang mga ito sa karaniwang napapansing senyales ng pagdadalantao. Pero sapat bang maranasan ang mga ito para maghinala na sila ay mga sintomas ng pagbubuntis?
Pano malalaman pag buntis?
Ang paggamit ng pregnancy test ang isang paraan para mapatotoo kung mga sign ng pagbubuntis ang nae-experience ng isang babae.
Ang pregnancy test ay isang over-the-counter na produktong ginagamit para malaman kung buntis o hindi sa pamamagitan ng pag-ihi. Natutukoy ng pregnancy test kung ang ihi ay mayroong human chorionic gonadotropin o HCG, isang hormone ng babae na lumalabas lamang sa pagbubuntis. Inilalabas lamang ng ovaries ang HCG kapag mayroong egg cell galing fallopian tube na na-fertilize ng isang sperm cell at kumabit sa labas o lining ng uterus.
May iba’t ibang features ang pregnancy test, depende sa uri nito. Maaaring mayroong plastic cup at test stick na magkasama. Kokolektahin ang sapat na dami ng ihi sa cup at saka ilulubog ang stick. Sa pagbabago ng kulay nito na nakasaad sa instructions, malalaman kung nagdadalantao o hindi.
Sa halip na test stick ang kasama, may mga pregnancy test din na eyedropper o pampatak ang kasama at isa pang special container. Sa ganitong klase naman ng pregnancy test, iipunin ang required na dami ng ihi sa cup, kokolektahin ang sapat na dami gamit ang eyedropper, at ipapatak sa special container. Ayon sa instructions, makikita kung ang resulta ay negative o positive sa pagbubuntis.
Ang pinaka-karaniwang uri naman ay isang rectangular na test stick kung saan sasaluhin lamang sa maliit na bahagi nito ang ihi – midstream o sa kalagitnaang paglabas nito.
Kailan dapat sumubok ng pregnancy test?
Ayon sa mga pagsusuri, 99% ang effectivity ng pregnancy test kapag ginawa ito matapos ang schedule ng susunod na menstruation na hindi dumating. Tinatayang nasa isang linggo matapos ang petsang ito dapat gawin ang pregnancy test.
Hindi inirerekomenda ang agarang pag-check gamit ang pregnancy test ilang araw lang matapos makipagtalik. Ito ay dahil nangangailangan pa ng sapat na araw bago ma-produce at ma-develop ng katawan ang HCG sa level na matutukoy na ito gamit ang pregnancy test. Kadalasan, umaabot ito ng pito hanggang 12 na araw makalipas ang pagkabit ng fertilized egg cell sa lining ng uterus.
Kapag umabot na sa nabanggit na araw makalipas ang hindi nangyaring buwanang dalaw, pakiramdaman at obserbahan kung nangyayari ang mga sumusunod:
- Biglaang bleeding o spotting. Maaaring mapagkamalang panimulang daloy ng regla ang tinatawag na implantation bleeding. Madalas ay sumasabay ito sa panahon na dapat ay dinatnan na. Sa masusing obserbasyon, mapapansin kung ito ay regular lamang na menstruation o hindi. Ang implantation bleeding ay iba sa kulay, texture, at dami ng dugo kumpara sa regla.
Photo from Unsplash
- Pananakit ng puson. Bagama’t nakakaranas din ng cramps tuwing may menstruation, maaaring senyales ito ng pagbubuntis. Kung lagpas na sa nakatakdang pagdating ng buwanang dalaw at mayroong menstrual cramps na nae-experience, kailangan nang gawin ang pregnancy test para makasigurado.
- Kapansin-pansing pagbabago sa pakiramdam at kilos. Kasabay ng mga tila sintomas ng premenstrual syndrome o PMS, ang mga sign ng pagbubuntis ay mahahalata hindi lamang ng nakakaranas nito, pero maging ng ibang tao. Dumadalas ba ang pag-ihi kahit hindi gaanong umiinom ng tubig? Natatakam ba sa mga pagkain na hindi kadalasang kinakain? Nakakaramdam ba ng kabigatan sa mga suso? Ang mga ito ay dala ng pagbabago sa levels ng hormones sa unang trimester o tatlong buwan ng pagbubuntis.
Ano ang dapat gawin kapag lumabas na ang resulta?
Mayroong tatlong posibleng resulta mula sa pregnancy test:
Strong positive ang makikita sa mga indicator kung mataas ang level ng HCG sa nakuha sa ihi. Ito ay garantisadong pagbubuntis.
Kapag positibo ang resulta, agarang makakapaghanda sa mga pagbabago sa katawan na dala ng pagbubuntis. Ang kagandahan nito, may sapat na panahon para makapagplano ng mga gagawing changes sa lifestyle, diet, finances, at iba pang aspeto ng pamumuhay na apektado ng bagong yugtong ito.
Makakapaghanap din ng mapagkakatiwalaang OB-GYNE para maging kaagapay sa malusog na pagbubuntis at maayos na panganganak, pati na rin ang post-natal care. Dito ay bibigyang-linaw ng doktor kung anu-anong pagkain ang angkop sa pagbubuntis, mga pre-natal vitamins at supplements gaya ng ferrous sulfate o folic acid, mga dapat gawin at iwasan pagdating sa physical activities, at iba pa para masiguradong maayos ang paglaki ng bata at ang kalusugan ng ina.
Photo from Unsplash
Weak positive naman ang lalabas kung hindi pa gaanong kataas ang level ng HCG na na-detect sa ihi. Iminumungkahi na ulitin ang pregnancy test makalipas ang ilang araw kung ganito ang nakuhang resulta. Ang weak positive ay maaari ring tumukoy sa ectopic pregnancy. Ito ang klase ng pagbubuntis kung saan ang fertilized egg ay hindi napunta sa uterus kundi sa labas nito, gaya ng fallopian tubes at ovaries. Bihira ang ganitong kaso ngunit ito ay delikado kapag hindi naagapan. Hindi nade-develop nang husto ang sanggol sa labas ng uterus, at ang paglaki nito sa ibang bahagi ay delikado dahil maaaring magsanhi ng internal bleeding, impeksyon, o kamatayan. Sa ganitong pagkakataon, kinakailangang ipaalis sa health professional ang fertilized egg sa pamamagitan ng operasyon.
Ang resulta ay negative kung halos walang mahanap na HCG sa ihi ang pregnancy test. Kung nakakaramdam pa rin ng mga sintomas ng pagbubuntis at hindi pa rin dinadatnan matapos ang negative result, maaaring ulitin ang pregnancy test para makasigurado.
Tandaan: Ang pregnancy test ay hindi laging accurate. I-check nang mabuti ang expiration date bago ito gamitin. Suriin din ang mga nabanggit na sintomas sa loob ng wastong bilang ng araw para makaiwas sa paulit-ulit na pagsailalim sa pregnancy test. Kung kinakailangan, magpakonsulta sa doktor para matiyak kung pagbubuntis ba ang nararanasan at hindi komplikasyon o kaya naman ay health conditions na nakaapekto sa reproductive system.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa female reproductive health, alamin dito ang sagot ng eksperto sa iyong mga katanungan.
Sources:
https://www.healthline.com/health/pregnancy/five-signs-to-take-pregnancy-test#sore-breasts
https://www.plannedparenthood.org/learn/pregnancy/pregnancy-tests
https://www.plannedparenthood.org/learn/pregnancy/ectopic-pregnancy